Chapter 14

Isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Esmeralda bago tumalikod at tinungo muna ang bakuran. Sumunod naman sa kaniya si Mateo at doon muna sila tumambay sa kubo habang nag-uusap pa ang mga nakakatanda. Pagpasok pa lamang nila sa kubo, nakita naman nila ang mag-asawang Raul at Hanna doon. kiming ngumiti ang babae bilang pagbati sa kanila na tinanguan lang naman ng dalaga. Umupo si Esmeralda sa papag at saka muling napabuntong-hininga.

Hindi naman nakatiis si Mateo at agad ding nagtanong, "Esme, hindi ba maayos ang relasyon mo sa tiyahin mo? Bakit parang pakiramdam ko ikaw ang tinutumbok niya?" Naguguluhang tanong ni Mateo. Pagak namang natawa si Esmeralda at napatingin sa binata.

"Binabati kita, dahil malakas pala ang pakiramdam mo. Oo, ako nga ang tinutukoy niyang may dalang kamalasan. Bata pa lang ako, mainit na ang dugo sa akin ni Tiya Silma, at kung tatanungin mo ako kung bakit, hindi ko rin alam. Bata pa ako noon, at hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari." sagot naman ni Esmeralda, muli siyang nagpakawala nang marahas na buntong-hininga.

"Kahit kailan talaga 'yang si Tiya Silma, wala lagi sa hulog ang bunganga. Hayaan mo, malilinawan din 'yan pagdating ng araw." saad ni Mateo at tumango lang si Esmeralda. Alam naman niya sa sarili niya na wala siynag kasalanan sa mga nangyayari, pero sa tuwing nagsasalita ang babae nang masasakit tungkol sa kaniya o kahit tungkol sa kaniyang ama, hindi niya maiwasan ang hindi masaktan at magtanim ng sama ng loob.

Tao lang din siyang nakakaramdam, nais man niyang manumbat o komprontahin ang ginang ay hindi niya magawa dahil na rin sa respeto at pagmamahal niya sa taong kumupkop sa kaniya. Hindi naman lihim sa kaniya ang pagiging ampon niya, pero dahil hindi iyon ang pinaparamdam sa kaniya ng kaniyang amang at lolo, lahat ng salita na nanggagaling sa tiyahin niya ay binabalewala niya.

Mas pinipili na lamang niyang ituon ang lahat ng kaniyang atensiyon sa mga taong nagmamahal sa kaniya at mga bagay na nagpapasaya sa kaniya, kaysa ang ilaan ang oras sa mga taong walang ginawa kun'di ang pasakitan siya. 

Saktong tanghalian nang matapos ang pag-uusap sa loob ng bahay, Mlakas na boses pa rin ang huling narinig ni Esmeralda bago sila tuluyang nakarinig ng tunog ng isang motorsiklo na papalayo. Nang mapagtanto nilang wala na si Tiya Silma ay lumabas na rin sila sa kubo, nabungaran naman nila si Ismael na nakatayo sa labas ng bakuran.

"Amang, paano nalaman ni Tiya Silma na nandito na tayo? Ang bilis naman yata?" Tanong ni Esmeralda, narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Ismael. Marahan nitong iniangat ang kamay at hinaplos ang buhok ni Esmeralda.

"Pasensiya ka na Esme, narinig mo na naman tuloy ang mga masasakit na salitang iyon. Ikaw na ang bahalang magpasensiya sa tiyahin mo, masyado lang talaga siyang nagbubulag-bulagan sa katotohanan. Basta ang lagi mong tandaan, wala kang kasalanan sa mga nangyari noon. Sila ang nagkamali at hindi ikaw." saad naman ni Ismael na lalong nagbigay ng mas maraming katanungan kay Esmeralda.

Pagkatapos nang kanilang tanghalian, isinantabi na muna nila ang mga nangyari kanina, ngayon araw din kasi ang alis ng mag-asawa sa kanilang bahay, dahil sa nangyari sa bahay-aliwan, nalinawan rin ang mga kapatid ni Hanna sa mga totoong pangyayari. Dahil nawala na rin ang mga pinagkakautangan ng mga ito, ay kusang-loob na ang mga ito na lumapit at humingi ng tawa sa kapatid. Bagaman naging matigas ang puso ni Hanna noong una, napakiusapan ito ni Raul na magpatawad na.

"Mag-iingat kayo, Raul, huwag ka na basta-basta tatanggap, iinom o kakain ng mga pagkain alam mong kaduda-duda. Lalo na kung galing sa mga taong hindi mo kakilala. Kung hindi talaga maiiwasan, pigaan mo ng kalamansi para pangontra sa sabulag na inilagay ng mga may masasamang balak. Ingatan mo rin si Hanna, huwag mo siyang iiwang mag-isa lalo na sa gabi. Kapag kailangan naman, mas maigi kung iiwan mo na lang siya rito sa bahay. Bukas ang bahay namin para sa inyo." Paalala ni Ismael sa dalawa.

"Opo Manong Mael, maraming salamat po sa pagtulong at pagtanggap niyo sa amin dito. Hayaan niyo po at lahat ng bilin niyo ay tatandaan ko." nakangiting wika ni Raul. Marami pang iniwang payo sa kanila si Ismael bago sila tuluyang maghiwalay ng landas.

"Biglang tumahimik," puna ni Esmeralda, napangiti naman si Ismael at inakbayan ang anak.

"Kung gusto mo, puwede nating pabalikin dito ang tiya Silma mo para umingay naman ang mundo natin," biro ni Ismael at natawa naman ang dalaga.

"Amang, ibang ingay yata ang dulot ni Tiyang Silma, hindi ho iyon nakakatuwa." napairap na lamang si Esmeralda sa suhestiyon ng kaniyang ama, bagaman alam niyang nagbibiro lang ito, hindi pa rin nakakatuwang biro para sa kaniya iyon.

"Pero amang, narinig kong nabanggit ni Tiyang Silma ang tungkol sa asawa mong namatay, hindi ko alam na may asawa ka, bakit hindi mo sinabi sa akin, ano ho ba ang nangyari noon?" tanong ni Esmeralda. Dahil sa tanong na ito, malungkot na napangiti si Ismael. Inakay niya papasok ng bahay si Esmeralda at umupo sila sa harap ng hapag.

"Nasa tamang edad ka na, at siguro oras na para malaman mo kung ano nga ba ang mga nangyari noon." panimula ni Ismael bago napabuntong-hininga.

"Nangyari ang lahat noong makita ka ni Marie sa gubat, noong minsan ko siyang isinama para manguha ng halamang gamot sa bundok. Abala ako noon at hindi ko namalayang napapalayo na pala siya sa kinaroroonan ko, pagbalik niya, dala-dala ka na niya. Isang taong na kaming mag-asawa noon ay hindi kami mabiyayaan ng anak dahil sa sakit ni Marie kaya ang pagdating mo sa buhay namin, parang isang biyaya. Tuwang-tuwa si Marie noon at ang sabi niya, dininig na ng panginoon ang aming mga dasal, ikaw ang naging katuparan ng aming mga dalangin. Dinala ka namin pabalik sa bahay, hindi pa ako manggagamot noon at kasalukuyan pa lamang na nag-aaral sa ilalim ng pagtuturo ni tatay. Pagdating namin sa bahay, agad na napansin ni tatay ang kakaibang awra na bumabalot sa'yo. Doon namin napagtanto na kakaibang bata ka, binalaan kami ni tatay noon, na kung desidido kaming ampunin ka, kailangan ka naming mahalin at alagaan na parang tunay namin anak. Sumang-ayon kami ni Marie at inampon ka nga namin, mahal na mahal ka ni Marie at kahit langaw noon, hindi makadapo sa'yo." Mahabang salaysay ni Ismael, nakatingala pa ito habang nagbabalik-tanaw sa nakaraan.

"Maayos naman ang lahat, pero dumating sa bahay ang pamilya ng Tiya Silma mo, buntis siya noon sa ikalawa nilang anak at ang asawa niya, isang lasenggong mahilig sa basag-ulo. Ayos lang naman sana ang pakikitungo ni Silma sa'yo, wala siyang sinabi noong napag-alaman niyang inampon ka namin. pero masiyadong matabil ang dila ng asawa niya, kung ano-ano ang sinabi niyang masama tungkol sa mga batang napupulot, nagalit si Marie at nagpang-abot sila ng asawa ng Tiya mo. Hindi pa noon nakontento si Roger, ninakaw ka niya sa kuna mo, habang natutulog ang Nanay mo, tinangka ka niyang ibenta sa mga bumibili ng bata. Bagaman hindi siya nagtagumpay dahil nahuli siya ng lolo mo sa bayan at nabawi ka sa tamang-oras, kumapit na ang sumpa sa Tiyong Roger mo."

"Sumpa? Anong sumpa amang, at ano po ang nangyari kay Nanay Marie?" tanong ni Esmeralda. Napapakuyom ang kaniyang palad habang nakikinig sa kuwento ng ama.

"Dahil nawala sa at natural na mahina ang puso ni Marie, inatake siya sa puso, hindi na namin siya naagapan dahil nang mga panahong iyon, malayo ang hospital, hindi na siya umabot at tuluyan na niya tayong iniwan. At dahil naman sa ginawa ni Roger, kinapitan siya ng sakit, at kahit anong gawin noon ni tatay, hindi siya gumagaling. Kahit anong gamot ang ilapat sa kaniya, hindi siya gumagaling. Simula noon, nagalit na si Silma, naniniwala kasi siya na ikaw ang nagdala ng salot sa pamilya namin at nadamay lamang ang asawa niya. Ilang buwan ring naghirap noon si Roger hanggang sa isang araw, bigla na lamang siyang nawala at ang tangin natira lamang sa higaan niya ay ang mga proteksyong ikinabit sa kaniya ni tatay. Magmula noon, hindi na nakita pang muli ang Tiyong Roger mo, lalo ring umigting ang galit sa'yo ng Tiyang Silma mo." Salaysay ni Ismael, malungkot siyang napatingin sa dalaga na noo'y hilam na ng luha ang mga mata.

"Kaya madalas naming ipaalala sa'yo ng lolo mo na habaan mo pa ang pasensiya mo. Alam naming wala kang kasalanan, dahil ano ba ang alam mo noon, sanggol ka lamang na ang tanging alam lang ay umiyak kapag nasasaktan at tumawa kapag natutuwa. Tungkol naman sa Tiyahin mo, masyado lang siyang nabulagan sa galit niya at hindi na niya natimbang kung sino ba ang may pagkakamali. Nagkamali si Roger na galawin ka at pagbantaan ang buhay mo, dahil sa ginawa niya, kaya siya pinarusahan ng mga nagbabantay sa'yo. Alam naming may nagbabantay sa'yo, sinabi sa akin ni tatay na may mga elementong nagmamasid sa bahay, lahat sila nakabantay sa'yo at lahat sila handang parusahan ang sinomang mananakit sa buhay mo."

"Pero amang, hindi ka ba nagagalit kay Tiyo Roger? Dahil sa kaniya, nawala nang maaga si nanay, siya ang may kasalanan kung bakit inatake ng sakit niya si nanay. May nanay pala dapat ako, hindi ko lang naabutan dahil napakaaga niyang kinuha sa atin." umiiyak na tanong at wika ni Esmeralda. Bagaman hindi niya nakilala si Marie, ramdam niya sa mga kuwento ni Ismael na minahal siya ng sobra ng babae. Ramdam niyang kung nabubuhay pa ito, isa ito sa pinakamalakas niyang kakampi sa buhay. Nakakapanghinayang lang at maikling panahon lang niya nakasama si Marie at sa mga panahong iyon, wala pa siyang muwang para maramdaman ang atensiyon at pagmamahal na binibigay nito.