Chapter 19

Nang makalapit na sila sa lalaki ay nakita nilang napabuga ito mg hangin.

"Magandang araw ho, kayo na po ba si Ka Mael. Maaari niyo po ba akong matulungan?" Tarantang tanong nito habang pasimpleng sumusulyap sa bakuran ng bahay.

"Huwag kang matakot, hindi naman sila masama. Mga bantay sila ng bahay, at dito sila nakatira, mga kaibigan ko sila." Wika ni Esmeralda at napatingala naman sa kaniya ang lalaki.

"Nakikita mo rin sila? Hindi ka natatakot?" Halos naiiyak na wika nito. Napangiti naman si Esmeralda, hindi niya magawang tawanan ito dahil halata sa mukha nito ang sobrang takot. Naiintindihan rin niya ang takot nito. Sino ba naman ang hindi matatakot? Bagaman alam niyang mabubuting nilalang ang mga nasa bakuran niya, hindi maikakaila ang mga anyo nitong hindi kaaya-aya. Kulubot ang balat na animo'y matatanda, matutulis ang mga tainga na parang dahon, mahaba buhok na kulay abo, at tila nanlilisik pa ang mga mata nitong kakulay ng lila.

"Wala kang dapat ikatakot sa mga anyo nila, may mas higit na nakakatakot pa sa mga iyan. Pasok ka muna, doon na natin sa loob pag-usapan ang problema mo." Wika naman ni Ismael.

Pagpasok ni Esmeralda, agad naman niyang kinausap ang mga kaibigan niya na manatili muna sa puno ng mangga. Nang sa gayo'y mapanatag ang lalaki habang kinakausap nila ito.

"Ako nga po pala si Kaled, ang totoo po niyan, nagpunta ako rito para humingi ng tulong. Ilang gabi na rin po kaming ginagambala ng aswang sa bahay namin. Hindi ko mawari kung anong klase, pero madalas, nasa itaas ng bubong namin tapos si nanay, laging sumasakit ng tiyan. Nitong nakaraan, hindi na kinakaya ng luya o ibang pangontra. Ilang albularyo na rin ang nilapitan namin doon sa aming bayan pero lahat sila sumuko na. Kayo na po ang huling albularyong kilala ko rito, kahit malayo nagbaka-sakali na ako." Salaysay ng lalaki. Nagkatinginan naman ang mag-ama sa narinig.

Kumunot ang noo ni Esmeralda dahil ang buong akala niya ang ikokonsulta nito ay ang ikatlo nitong mata.

"Aswang, sa bahay niyo? Saan ba ang bahay niyo?" Tanong ni Esmeralda.

"Sa bayan ng Lawag ako nakatira, ilang buwan na ring umaatake sa bayan namin ang mga aswang na iyon. Ilang biktima na rin ang palaging natatagpuan sa mga masusukal na bahagi ng bayan. Ang ibang albularyo sa amin ay nauna nang nagung biktima at si Tata Selo na lamang ang natira, pero matanda na siya at walana siyang magawa sa mga pag-atakeng iyon. Pakiusap tulungan niyo ang bayan namin." Halos manikluhod na ang lalaki habang nagmamakaawa sa tulong na hinihingi nito.

Napabuntong-hininga naman si Ismael at tumingin kay Esmeralda.

"Ano sa palagay mo anak?"

"Nais ko pong makita ang lugar, puntahan natin amang," wika ni Esmeralda at tumango naman si Ismael.

"Maaari ba akong sumama riyan sa lakad niyo Tiyo Mael?"

Pareho pa silang napalingon nang marinig ang boses ni Mateo. Nakadungaw pala ito sa bintana habang nakangiti.

Natawa naman si Ismael bago magsalita,

"Ikaw pala Mateo, oo naman. Mas marami tayo mas maganda. Para naman hindi kalawangin ang mga itinuro ko sa'yo." Sang-ayon ni Ismael at halos mapatalon naman sa tuwa si Mateo. Nang araw ding iyon ay naghanda na sila at nagpaalam kay Armando.

Laking pasalamat naman ni Ismael na naroroon si Silma sa bahay at may kasama ang tatay nila. Pagpatak ng alas otso ay nagsimula na silang maglakbay. Lulan ng traysikel na inupahan nila ay binagtas nila ang daan patungo sa bayan ng Lawag.

Ilang oras rin ang binuno nila sa byahe bago nila marating ang bayan ng Lawag. Agad nilang napansin ang kakaibang atmospera sa paligid. Nakaramdam naman nang kilabot si Esmeralda nang madaanan nila ang liblib na parte ng bayan na masukal at may limang kubong nakatirik sa 'di kalayuan.

"Matagal na ba ang mga kubong iyan diyan?" Tanong ni Esmeralda. Napatingin naman si Kaled sa parteng iyon.

"Matagal na ang mga kubo pero ang mga nakatira riyan, noong kamakailan lang dumating. Simula rin nang pagdating nila, nagsimula ang mga pat*yan dito. Pero walang magawa kahit ang mga nasa katungkulan dahil kahit kubo lang ang tinitirhan nila, protektadp sila ng pinakamayamang pamilya dito sa amin. Nakikita niyo ba ang malaking mansyon na iyon." Itinuro ni Kaled ang isang magarbong bahay na napapaligiran ng naglalakihang mga puno at halaman.

"Iyan ang mansyon ng mga San Diego, si Don Hernan ang pinakamayamang hasyendero dito sa bayan ng Lawag, at matagal na rin silang nandito sa bayan, kaya malaki rin ang tiwala ng mga tao sa Don at sa pamilya nito. Ang hindi ko lang alam, paano siya naging kakampi ng mga tao sa purok na iyon. Talagang nakakapagtaka lang." Wika naman ni Kaled habang binabaybay naman nila ang daan patungo sa bahay nito.

Makaraan pa ang ilang minuto, narating na nila ang bahay ni Kaled. Nasa tabi ito ng malawak na palayan, at sa itaas ay isang malaking bahay na gawa sa kahoy ang kanilang nasilayan.

Maaliwalas naman ang lugar, hindi gaanong dikit-dikit ang kabahayan roon, 'di tulad sa sentro na kanilang nadaanan. Ilang metro lang din ang layo nito sa mansyon ng mga San Diego.

"Pasensiya na kayo kung medyo makalat mamaya sa bahay, hindi ko kasi alam kung dumating na ang ate, kapag wala pa, siguradong hindi pa nalilinis ang kalat na naiwan noong nakaraang gabi." Abiso ng binata.

"Malaki rin pala ang bahay niyo Kaled, ang kaibahan lang sa kabila, gawa ito sa kahoy habang ang sa Don ay gawa sa bato, sa inyo din ba ang palayang ito?" Tanong ni Mateo na sinang-ayunan naman ni Esmeralda. Maging ito ay naging interesado aa magigibg sagot ng binata.

Malungkot itong napatingin sa palayan bago lumipat ang tingin sa bahay.

"Oo, sa amin ang palayan at iyan na lang ang natitira sa ari-arian namin. Nang magkasakit si Papa, naibenta rin namin lahat. Namatay siya noong isang buwan, hindi na naagapan ang lumalalang sakit niya, tapos itong aswang naman ang naging problema namin." Saad ni Kaled, bakas sa boses nito ang pagdadalamhati at kalituhan.

Nang makapasok na sila ay nakita nilang maayos na sa loob ng bahay. Bumungad naman sa kanila ang isang matangkad na babae na buhat-buhat ang isang bata.

"Kaled, buti naman at nakauwi ka na. Sino iyang mga kasama mo?"

"Ate, kailan ka nakauwi? Siya nga pala ito si Ka Mael, ang albularyong inirekomenda ni Tata Selo, ito naman nag anak ni Ka Mael, si Esmeralda at si Mateo na rin. Ka Mael ito po ang Ate kong si Sylvia, at anak niya po iyang hawak niya, si Ria." Pakilala ni Kaled sa kapatid at pamangkin.

"Naku, kayo po pala iyan Ka Mael, salamat naman po at pinaunlakan ninyo itong kapatid ko. Pasensiya na kayo kung hindi ko na kayo nasalubong kanina. Nakapag-almusal na po ba kayo, tamang-tama ho, katatapos ko lamang magluto. Hali po muna kayo sa loob at nang makakain na tayo." Alok ng babae.

Sumunod naman sila rito at sabay-sabay na nga silang kumain. Matapos ay agad namang nilibot ni Esmeralda ang palibot ng bahay.

Nakitaan niya ito ng mga bakas ng aswang at marka na kaagad din naman niyang inalis. Maging ang puno sa tabi ng bahay ay inakyat rin niya patungo sa bubong. May mga malalapot pang likido na naiwan roon na paniguradong laway ng mga aswang. Sa dami niyon, hindi lang isa ang aswang na bumibisita at gumagambala sa pamilya ni Kaled. Ang tanong lang, bakit ang pamilya nila, dahil lang ba buntis ang nanay nila o may mabigat pang dahilan.

Matapos malibot ang lugar at bumalik na siya sa loob ng bahay at doon naman siya naglibot. Lahat ng kuwarto ay sinuri niya, mga bintana at pinto na maaaring pasukan ng mga nilalang. Dahil gawa sa kahoy ang bahay, sinuri rin niya kung matibay ba ito at hindi basta-bastang masisira sa oras na maging agresibo na ang mga nilalang sa pag-atake.

Pagpasok niya sa isang silid, doon naman niya nakita ang mga kakaibang gamit na pamilyar sa kaniya. May nakasabit pang buntot-pagi sa dingding na maaaring dahilan kung bakit hindi ito basta-basta pinapasok ng mga nilalang. May mga pinangingilagan sila. Nang pasukin naman niya ang iba pang silid ay ganoon rin ang nakita niya, bawat kuwarto ay may nakasabit na buntot-pagi. Animo'y sinadya iyon ngunit hindi naman lingid sa kaalaman ng mga naroroon.

Bumalik na siya sa sala kung saan naabutan niyang sinusuri ni Ismael ang ina ni Kaled.

"Maayos naman ang kalagayan ng bata, malapit ka ng manganak, may kakilala ba kayong nagpapaanak sa bayang ito?" Tanong ni Ismael.

"Si Nanay Merly ho, isa po siyang kumadrona at hilot, siya rin po ang nagpaanak kay Mama noon sa amin." Sagot ni Sylvia.

"Mabuti kung gano'n, ipatawag niyo siya kailangan bukas ay nandito na siya, nararamdaman kung malapit nang lumabas ang kapatid niyo. Hindi maaaring ako ang magpaanak sa kaniya dahil, sigurado akong aatake ang mga kalaban sa oras ng panganganak niya." Nagtinginan naman si Esmeralda, Mateo at Ismael bago tumango sa isa't isa.

Sa pagkakataong iyon ay si Sylvia na ang nagpresentang sunduin si Nanay Merly. Kinahapunan, kasama na niya itong bumalik sa bahay.

"Aba'y ngayon ako naniniwala na maliit ang mundo, anak ka kamo ni Armando na albularyo noon? Buhay pa ba ang matandang iyon, ang tagal na din na hindi kami nagkita ah. " Masiglang wika ni Merly.

"Kakilala ho ninyo si Tatay?" Tanong ni Ismael at natawa ang matanda.

"Aba'y oo, noong kabataan namin, kami ang laging magkasama, tatlo kami ng nanay mo. Syempre sino ang mag-aakala, na sila ang magkakatuluyan noon, away bati ang dalawang iyon at ako ang tagapamagitan. Hanggang sa isang araw, itong tatay mo ay niligawan ang nanay mo, ayon nabuo ang isang pagmamahalang akala namin ay imposible." Kuwento pa nito.

"Ikaw pala ang nagmana ng kakayahan ng tatay mo, mabuti naman at pinuntahan niyo ang pamilyang ito. Maagang nawala sa kanila ang kanilang ama, kawawang Lando, hindi man lang inabutan ang paglabas ng pang-apat niyang anak." Umiiling pang dagdag ng matanda.