Chapter 20

Sumapit na ang dapit-hapon at magkatuwang na pinalibutan ni Mateo at Esmeralda ang buong bahay ng mga pangontra. Bawat bintana at pintuan ay nilagyan nila ng asin at sinabitan ng mga baging ng makabuhay. Binaliktad rin nila ang mga walis sa likod ng pinto at magsabit ng mga itak sa bawat sulok ng bahay. Sa ganoong paraan, kahit saan sila naroroon, ay may mahahatak silang panlaban sa oras na makalagpas ang mga nilalang sa paunang harang na ginawa nila.

"Nakahanda na ba ang lahat?" Tanong ni Ismael.

"Opo, amang. Kamusta ang paghahanda rito?" Sagot at tanong ni Esmeralda.

"Maayos at nailatag ko na ang lahat. Sa ngayon, kailangan nating malagpasan ang gabing ito. Hindi natin alam kung ilan ang susugod dito."

"Huwag kang mag-alala amang, nakahanda na si Liyab sa labas. At isa pa, bawat silid ng bahay ay may nakasabit na buntot-pagi, itong sala lang at ang kusina ang wala, pero napalibutan na rin namin ng mga pangontra ni Mateo ang lugar, nagbaliktad na rin kami ng walis sa laaht ng pintuan." anunsiyo ni Esmeralda. Sa pagkakataong iyon ay tumango na si Ismael, pinapasok naman nila ang mag-anak ni Kaled sa pinakamalaking kuwarto sa bahay at doon sila nagtipon-tipon kasama ang kumadronang si Merly, nakabukas lang ang pinto nito na nakaharap sa sala kung saan naman tahimik na naghihintay ang tatlo.

"Ano, Mateo, handa ka na ba? Siguraduhin mo lang na hindi ka papalya mamaya, sa oras na alam mo nang dehado ka, umatras ka na agad at huwag kang haharang sa landas ko." Paalala ni Esmeralda sa binata, habang hinahasa nito ang hawak na itak.

"Oo na, ilang beses mo nang sinabi iyan. Huwag kang mag-alala, alam ko ang limitasyon ko." wika naman ni Mateo.

"Huwag na kayong magtalo, ang mahalaga ngayon, mairaos natin ang gabi nang hindi napapahamak ang pamilyang ito, bukas subukan nating maglibot-libot, lalo na doon sa mansyon." saad ni Ismael at sumang-ayon naman ang dalawa.

Makaraan ang ilang minuto, sumapit na ang alas-otso nang gabi. Nagsimula na rin umalulong ang mga aso sa 'di kalayuan, hudyat na may paparating ng bisita. sa pagkakataon iyon, narinig na ni Esmeralda ang pagtawag ng alaga niyang si Liyab. Paikot-ikto na itong lumilipad sa itaas ng bubong, hanggang sa maulinigan ni Esmeralda ang pagdapo nito sa punong malapit sa bahay. Habang ang ibang huni ng uwak ay papalayo na, nananatiling nasa malapit ang hiyaw ni Liyab.

"Malapit na sila, maghanda ka na, Mateo." wika ni Esmeralda, tumayo sila at magkasabay na silang lumabas sa bahay. Mabilis namang isinara ni Ismael ang pinto at nagsimula nang mag-orasyon.

Sa paglabas ni Mateo at Esmeralda, agad na bumungad sa dalawa ang umaalingasaw na amoy sa hangin. Parang pinaghalong, nabubulok na karne at dumi ng manok. Maalinsangan na rin ang hangin, patunay na naroroon na nga ang mga nilalang na kalaban nila. Sa kung anong uri ang mga ito ay hindi pa rin nila mawari.

Tahimik na nagmamasid sa paligid si Mateo at Esmeralda, pinakikiramdaman nila ang mga galaw sa kanilang paligid. Sabay pa silang napatingala nang marinig nila ang ingay sa bubong na animo'y may bumagsak na malaking bagay roon. Dali-daling tumakbo naman si Mateo at Esmeralda at tumingala sa bubong, doon ay nakita nila ang tatlong nilalang na nakadapa sa bubong, nanlilisik ang mga mata nito habang kinikiskis ang matutulis nilang mga kuko sa yero, humahaba ang dila nito habang walang patid sa pagtulo ang malalapot nitong mga laway.

"Mga tiktik?" bulalas ni Mateo at agad na inihanda ang sarili.

"Hoy mga pangit!" sigaw ni Esmeralda sabay bato ng asin sa bubong. Dahil sa ginawa ng dalaga ay nagsipulasan ang mga ito palayo sa parteng tinamaan ng asin. Umangil ang mga ito at galit na tumingin sa kinatatayuan nila. Umugong ang sabay-sabay na pag-angil ng mga ito hanggang sa isang tiktik ang mabilis na kumilos para sunggaban si Esmeralda.

Nakakarimarim ang wangis nito, buto't balat ang anyo, habang kulubot ang balat ng nilalang. Umaagos mula sa nakabuka nitong bunganga ang malalapot nitong laway na, gumagalaw na animo'y ahas ang mahaba nitong dila. Dahil huli na nang mapansin ito ni Esmeralda, natumba siya nang mahagip siya ng nilalang, Tumulo ang laway nito at mabilis naman niyang inilihis ang kaniyang mukha. Sinipa niya ito at dali-dali siyang bumangon. 

Sa isang iglap, hinugot ni Esmeralda ang matalim na itak na nakasabit sa kanyang likuran. Mahigpit ang hawak niya rito habang naghahanda sa muling pagsalakay ng nakaririmarim na nilalang.

Muling sumugod ang halimaw, ngunit sa pagkakataong ito, nakahanda na si Esmeralda. Sa isang maliksing galaw, iniwasan niya ang sumambulat na malagkit na laway at buong pwersang iwinasiwas ang itak. Naputol ang isa sa mga payat at butuhan nitong braso, ngunit imbes na mapasigaw sa sakit, lalong lumakas ang nakasisindak nitong halakhak.

Muli niyang iwinaksi ang itak, nakatuon ang paningin niya sa leeg ng nilalang. Isang malakas na hampas— at isang nakakakilabot na tunog ng naputol na laman ang umalingawngaw sa paligid. Bumagsak sa lupa ang walang ulong katawan ng tiktik habang ang ulo naman nito ay tumilapon sa harapan ng dalawa pa nitong kasama.

Nang makita naman ni Mateo na natuon ang pansin ng dalawa sa kakamat*y nilang kasama, ay dali-dali niyang tinakbo ang mga ito at sinunggaban ng taga ang unang nilalang na malapit sa kaniya. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakailag ang nilalang at sa halip na sa leeg, dumaplis ang talim ng kaniyang itak sa braso nito. Lumikha iyon ng malaking sugat at umusok iyon na tila ba nasusunog ng asido.

Nakakapangilabot na sigaw ang pinakawalan ng tiktik, ramdam ang galit sa sigaw nito. Napatakip naman sa tainga si Mateo dahil sa tila nanunuot sa loob ng tainga niya ang hiyaw nito. Tila umikot naman ang paningin niya at bahagya siyang nahilo dahil doon. 

"Mateo, ilag!" 

Pagkasigaw ni Esmeralda ay napamulat ng mata si Mateo, doon niya nakita ang nakangising tiktik na papasugod na sa kaniya. Iwinasiwas niya sa ere ang kaniyang itak dahilan para muli niyang matamaan ang nilalang at napaatras naman siya para lumayo nang bahagya rito. Bumagsak sa lupa ang buto't balat na katawan ng tiktik at halos pagapang itong umaangil kay Mateo. Laylay ang isa nitong braso na nahagip ng itak ni Mateo, kasabay ang nakakangilong tinig nito habang iniinda ang sakit at hapdi ng naputol nitong kalamnan.

"Ano ka ngayon, akala mo siguro makakaisa ka sa akin. Hay*p kang tiktik ka, dinumihan mo pa itong t-shirt ko, alam mo pang paborito ko ito?" Gigil na wika ni Mateo, hindi alintana ang nakakahilakbot na anyo ng aswang.

Umangil ang tiktik at mabilis na sinunggaban si Mateo, ngunit bago pa man mahagip ng matutulis nitong kuko si Mateo ay ang itak na ni Esmeralda ang sumalubong dito. Sa isang iglap, nahati sa dalawa mula sa dibdib ang nilalang at bumagsak ito sa lupa nang wala ng buhay.

"Ano bang pinagsasasabi mo, Mateo? May oras ka pa talaga sa mga gan'yang biro mo? Umayos ka nga." Saway ni Esmerald. Magkasabay nilang inatake ang huling tiktik na papalapit sa kanila. Dalawang itak ang sumalubong rito, at wala itong nagawa nang tila papel siyang pinunit ng itak ni Mateo at Esmeralda. Dahil sa pinaghalong orasyon at pinahid na kalamansi at bawang sa talim ng itak ay tila papel rin itong natupok, katulad ng mga naunang nalapatan ng itak.

Humihingal na napasalampak naman sa lupa si Mateo. Dahil baguhan, higit na mas iniinda niya ang pagod sa bawat laban nila. Nakatayo naman si Esmeralda at dinampot ang tatlong sisiw na naiwang pumapalag pa sa lupa. Isinilid niya ito sa iisang bote at binalot sa itim na tela bago inilagay sa nakasukbit na bag sa tagiliran niya.

"Tatlo sa isang gabi, nakakatuwa talaga kapag lumalapit na lang sa'yo ang iyong biktima." Pabulong pang wika ni Esmeralda.

"Ano 'yon, bakit mo dinampot at itinago?" Naguguluhang tanong ni Mateo.

"Trabaho ko ang kunin ang mga sisiw at mutya na nangagaling sa mga aswang na napapaslang ko. Sa ganitong paraan, nababawasan ang posibilidad ng kanilang pagbangon muli."

"Ibig sabihin, hindi lang ang pagpaslang sa kanila ang misyon? Kun'di pati na rin ang pagkolekta mo sa mga sisiw at mutya nila?"

"Oo, dahil sa oras na mapasakamay ito ng kalibonan, palalakasin nito ang mga sisiw upang ibigay sa panibago nitong magiging amo. At ang taong masasalinan nito ay magiging mas malakas kaysa sa nauna nitong pinanggalingan." Paliwanag ni Esmeralda habang pabalik na sila sa bahay. Hindi na sila nag-abala pang iligpit ang natitirang parte mg bangkay ng mga aswang dahil paniguradong magiging abo rin ang mga ito kinabukasan.

"Ano naman iyong Kalibonan? Grabe, sa dami ng uri ng aswang, parang dinaig ko pa ang nag-aaral sa elementarya ngayon. Nangangapa talaga ako." Kakamot-kamot sa ulo na wika ni Mateo. Natawa naman si Esmeralda at tinapik ang balikat ng binata.

"Ganiyan rin ang una kong reaksiyon noong tinuturuan pa ako ni amang. Hayaan mo at paisa-isang ipapaliwanag ni amang sa'yo ang lahat. Sa ngayon, ituon mo lang muna ang panahon mo sa pagpapatalas ng pakiramdam mo at kailangna mas mabilis ka rin, para makabawi ka agad sa oras na masunggaban ka nila."

Muling napakamot si Mateo at napatango. Aminado ang binata sa kaniyang pagkakamali, masyado siyang naaapektuhan ng nakakangilong tinig ng aswang kung kaya nawala siya sa konsentrasyon.