Matapos ang pag-uusap ay binalikan na nila ang mga bisita nila. Malugod namang pumayag si Sylvia na pansamantala ay doon muna tutuloy ang tatlong buntis sa bahay nila. Panatag namang iniwan ng kani-kanilang pamilya ang kanilang mga anak at nangakong babalik kinabukasan.
Sumapit ang gabi at halos lahat ng aso sa bayan ay nakaharap sa bahay nina Kaled. Bagaman punong-puno ng pangontra, hindi maiwasang mangamba ng mga buntis sa loob. Nasa lima ang buntis na matagumpay nilang natipon sa loob ng pamamahay nina Kaled. Naroroon naman sina Sylvia para pakalmahin ang mga ito at si Nanay Merly para siguruhing, magiging maayos ang mga ito sa pagdaan ng gabi.
"Mukhang marami pa tayong bisita ah." Sambit ni Kaled. Hawak-hawak nito ang itak habang nakatayo at nakasilip sila ni Mateo sa bintana.
"Ang daming aso sa labas, grabe pakiramdam ko may pagpupulong na magaganap ang mga asong iyan," bulalas ni Mateo.
"Humanda kayo, dahil nararamdaman kong papalapit na sila." Untag ni Esmeralda, muli siyang natahimik at ipinikit ang mga mata. Sa isang iglap naramdaman niya ang presensiya ni Liyab na dumating. Pagmulat ng kaniyang mga mata, muli niyang nasilayan ang nakabibighaning anyo ng nilalang. Muli din niyang naamoy ang malabulaklak nitong aroma na kahit sino ay mapapakalma.
"Malapit na sila Esme, nasa limang aswang ang nakita kong papalapit rito." Wika ni Liyab. Tumayo si Esmeralda at mabilis na lumabas, sumunod naman si Mateo at naiwan sa loob si Kaled na kulang na lang ay manginig dahil sa takot. Si Ismael naman ay napapakunot pa ang noo, dahil maging siya ay naaamoy ang hangin, alam niyang isang nilalang ang pumasok sa bahay na naging sanhi ng pagiging alerto at paglabas ng kaniyang anak. Sa isip-isip pa niya, marahil iyon ang sinasabi ni Esmeralda na gabay niya.
Sa paglabas naman ni Esmeralda ng bahay ay agad na sumalubong sa kanila ang maalinsangang hangin. Sabay-sabay na umaalulong ang mga aso sa harap ng bakuran habang ang mga ulo nito'y nakatingala sa kalangitan.
Ilang sandali pa ay nakarinig na sila ng mga kaluskos, umalerto silang dalawa. Hawak ang itak at balisong, inililibot nila ang paningin sa paligid, pilit na inaaninag ang bawat madilim na kasukalan sa palibot, kung may paggalaw ba o hudyat na may nagkukubli doon.
"Nasa mga talahib sila, humanda kayo!" isang pamilyar na boses mula sa itaas ng puno ang kanilang narinig. Nakilala ito ni Esmeralda at napatingala pa siya sa puno ng mangga na naroroon. Mula sa mga naglalakihang sanga nito, nakita niya si Amihan na bahagyang nasa aswang nitong kaanyuan. Kung paano nito napapanatili ang wangis nitong tao sa kabila ng anyong parang ibon nitong katawa, ay hindi niya alam.
"Amihan, mabuti at nakarating ka."
"Sabi ko naman sa'yo darating ako, kanina pa ako rito nagbabantay, hindi lang ako makapasok sa bahay dahil sa mga pangontra. Alam ko rin na nandiyan na sa loob ng bahay ang mga buntis. Napakatalino ng naisip niyo para mapalabas ang mga hinay*pak na mga aswang na ito." Wika pa ni Amihan.
Sabay pa silang napalingo sa unahan nang marinig nila ang mabangis na angil na nagmumula roon. Lalong tumindi ang pag-alulong ng mga aso. Nahigit pa ni Mateo ang hininga nang makita ang napakagandang wangis ni Amihan, ngunit bahagya rin itong napangiwi nang masilayan ang katawan nitong mabalahibo at ang napakalaking itim na pakpak na animo'y katambal na ng mga braso nito.
"Ano siya, aswang rin ba siya, Esme? Ang ganda naman niyang aswang , pero bakit ganiyan ang anyo niya, para siyang ibon?" Takang tanong ni Mateo.
"Malamang aswang siya. Pero mabuti siyang aswang, kaya iwasan mong makipaglaban sa tabi niya mamaya, para hindi siya manghina sa mga dala nating pangontra." Paalala ni Esmeralda. Tumango naman si Mateo bilang pagsang-ayon, Napaantanda pa si Mateo at nag-usal ng mabilis na panalangin bago hinalikan ang talim ng kaniyang punyal.
"O, Diyos na mahabagin, kayo na po ang bahala sa akin." Sambitb pa niya.
Isang malakas na atungal ang nangibabaw sa paligid kasabay ng sigawan sa loob ng bahay, Isang nilalang ang lumabas mula sa masukal na kugon sa tabi ng palayan, Nanlilimahid ito sa kulay putik na likidong bumabalot sa katawan. May mga makakapal at matutulis itong balahibo sa buong katawan, hugis tao ito na may pagkakuba, sabog-sabog ang manipis nitong buhok na animo'y isang libong taon na nang huling mapadaanan ng suklay. Umaapaw rin sa malaki at nakabukang bunganga nito na punong-puno ng matutulis na ngipin ang malalapot nitong laway. Sa kabuuan, kahindik-hindik ang itsura nito at sino man ang makasaksi ng ganitong nilalang ay paniguradong papanawan ng ulirat.
Sa muli nitong pag-angil ay nagsilabasan na rin ang iba pa nitong kasama. Walang sali-salitang una nitong inatake si Mateo na noo'y tila nagulat pa sa kaniyang nasaksihan. Mabilis naman siyang itinulak ni Esmeralda at halos matumba ito pabalik sa pintuan ng bahay. Mabilis na nagpambuno si Esme at ang isang maturukulan sa lupa, iwinasiwas ng dalaga ang kaniyang itak at nahagip niya ito sa braso dahilan upang lumayo ito sa kaniya. Dahil sa ginawa nito, umatake naman ang mga kasamahan nito ng sabay-sabay sa dalaga.
Hindi naman nagpatinag si Esmeralda at bukas-loob na hinintay ang mga ito sa paglapit sa kaniya.
"Akala niyo ba, nag-iisa lang ako? DIyan kayo nagkakamali. Liyab, ngayon na!" Sigaw ni Esmeralda at mula sa lupa ay tila isang punong umusbong doon si Liyab, Sinangga nito ang pag-atake ng mga matrukulan at isang puwersa ang pinakawalan nito dahilan para maitulak niya palayo ang mga nilalang.
Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon si Amihan na dagitin ang isang matrukulan gamit ang naglalakihang kuko nito sa paa. Sa ere ay sinubukang magpumiglas ng nilalang, napangisi naman si Amihan at gigil na tinusok ang hawak na nilalang gamit ang kaniyang matatalas na kuko.
"Dahil sa mga uri niyo, naging magulo ang pamumuhay ng mga tao sa bayang inaalagan ko. Sabi ko naman sa inyo, hindi ko kayo kaya dahil nag-iisa ako, pero darating ang araw na makakahanap ako ng kakampi na siyang tutulong sa akin na pabagsakin kayo, At ito ang araw na iyon."Wika pa ni Amihan, sabay bitaw sa nilalang nang mapagtanto niyang nasa mataas na sila. Bumulusok pababa ang nilalang at isang nakakagimbal na tunog ang nilikha ng bumagsak na katawan ng aswang sa lupa. Halos mapisat ang bungo ng nilalang at nagkanda-lasog-lasog ang buo nitong katawan.
Nang makita ito ng iba pang matrukulan, nagpakawala ang mga ito ng nakakagimbal na pag-atungal. kasabay nito ang pag-alulong ng mga aso sa paligid nila. Halosa mabalot ng gimbal at takot ang buong bayan dahil rinig na rinig nila ang ingay na nililikha ng mga aswang.
"Diyos ko, ano na ba ang nagyayari sa mundo natin, napakarami nila sa labas." Bulalas ni Kaled, nanginginig sa takot ang kaniyang buong katawan at kulang na lang ay maihi pa siya sa kaniyang salawal.
"Huminahon kayo, huwag kayong gagawa ng ingay, dahil naririnig kayo ng mga aswang sa labas." Mahinahong wika ni Sylvia sa mga umiiyak na buntisd. Hindi na sila magkamayaw sa pagpapatahan sa mga ito. Sino nga ba naman ang hindi matatakot, kahit si Slyvia ay nanginginig na sa takot pero pinaglalabanan niya ito. Si Nanay Merly naman ay mahinahon pang nagtimpla ng mainit na gatas para sa mga ito at inilapag iyon sa maliit na mesa kung saan sila naroroon.
"Walang magagawa ang pag-iyak niyo sa takot, magtiwala kayo sa mga taong nakikipaglaban sa labas. Higit kanino man, dapat tayo ang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanila, Huminahon kayo at uminom ng mainit na gatas, Sige na, tumahan na kayo, pagkatapos niyong uminom, magdarasal tayo ng sama-sama." nakangiting wika ni Merly. Napangiti naman si Sylvia at tinanguan ang matanda.
Samantala, habang nagaganap iyon sa loob ng bahay, patuloy namang nakikipaglaban sina Esmeralda at Mateo kasama ang Mandurugong si Amihan at ang engkantong si Liyab. Ang apat na natitirang matrukulang ay tila hayok na hayok habang mabilis na umaatake sa kanila.
Ang bilis nila ay animo'y maihahalintulad na ni Esmeralda sa mga nakasagupa na niyang sigbin, bagama't mas mabagal ang mga ito, para sa tulad nilang tao ay mas mabilis pa rin ito, lalo na kay Mateo na baguhan pa lang sa pakikipaglaban.
Dahil dehado sa pabilisan, naging mautak na lamang ang binata. Nang akmang susunggaban na siya ng matrukulan, mabilis na dumukot ng asin si Mateo at isinaboy ito sa kalaban.
Napahiyaw ang nilalang at nanlilisik na napatingin kay Mateo habang hawak ang nasaktang mukha.
"Ano ka ngayon? Akala mo siguro dahil mabilis ka, hindi kita magagapi. Humanda ka ngayon, dahil ako naman?" Sa isang mabilis na kilos, iniangat ni Mateo ang itak at hinataw sa nilalang. Dahil nasasaktan pa ito ng asin, hindi ito agad nakailag, ang talim mg itak ni Mateo ay malakas na bumaba mula sa kanang leeg nito patungo sa kaliwang dibdib kung saan naroroon ang puso ng aswang. Dinig na dinig ni Mateo ang paghiwa ng talim sa laman at mga buto ng nilalang. Halos mangilabot siya at nakaramdam ng bahagyang panghihina ang kaniyang mga tuhod. Pero pinaglabanan niya ito, lalong humigpit ang hawak niya sa itak at buong lakas na hinugot iyon mula sa katawan ng matrukulan. Kasabay ng pagbulwak ng nangingitin nitong d*go, ang pagbagsak ng katawan nito.