Chapter 26

Matapos mapatumba ni Mateo ang kaniyang kalaban, tumalsik naman sa kaniyang kinaroroonan ang katawan ng isa pang matrukulan. Wala na itong ulo at tila ba sinadyan itong inilagay sa ibabaw ng natalo niyang nilalang.

Napalingon na lamang si Mateo at nakita niya si Amihan na pababa na sa ere. Nang lumapat ang paa nito sa lupa ay nagbago na rin ito ng anyo. Doon ay nasilayan ni Mateo sa unang pagkakataon ang taong anyo ng babae. Napapailing pa si Mateo at nagkibit ng balikat abgo itinuon ang pansin sa kalaban ni Esmeralda.

Mas malaki ng ilang beses sa nakalaban niya ang kaharap ngayon ng dalaga. Sa pakiwari niya ay ito ang pinuno ng grupo na umatake sa kanila. Sa kabilang banda naman ay patuloy din pinaglalaruan ng isang di nakikitang nilalang ang isa pang matrukulan. Para itong baliw sa kaniyang paniningin na nakikipaglaban sa hangin.

Kitang-kita ni Mateo ang pagtapyas ni Esmeralda ng ulo ng kalaban nito. Napakabilis ng pangyayari nang mga sandaling iyon, Sa isang iglap lang ay gumugulong na ang ulo ng halimaw sa lupa at ang katawan nitong akma sanang kakalmutin si Esmeralda ay nabitin at ngayong bumubulwak na ang masasaganang d*go nito. 

Isang malakas na sigaw ng halimaw ang siyang naging hudyat ng pagtatapos ng laban, bumagsak rin nang wala ng buhay ang isa pang nilalang sa lupa. 

"Ang kukunat ng mga balat nila, mabuti at napatumba niyo na rin ang mga kalaban niyo. sa ngayon, paniguradong hindi na sila mangangahas na umatake pa, pero paniguradong babalik sila." Wika pa ni Esmeralda habang pinupunasan ang kaniyang itak.

"Tama ka, sandali lang silang tatahimik, magmamatyag at hahanap ng panibagong pagkakataon para makasalisi. Kaya kailangan pa rin nating maging alerto. Mga sanga pa lang ang nakakalaban natin at hindi pa ang piunaka-ugat nila." Sang-ayon naman ni Amihan.

Naglaho na rin nang tuluyan si Liyab matapos ang labanan, si Esmeralda at Mateo naman ay sandaling nanatili sa labas ng bahay para kausapin si Amihan. Dahil kasi sa mga pangontra, hindi makapasok ang dalaga sa bahay nila Kaled.

"Madaling araw na, kailangan niyo nang magpahinga, maraming salamat, dahil pinagkatiwalaan niyo ako." Wika ni Amihan at tuluyan nang nagpaalam sa dalawa. Nang mawala na sa paningin nila si Amihan ay pumasok naman sila sa bahay. Doon ay mahinahon silang sinalubong ni Ismael, na siyang natitirang gising na lang sa mga tao doon sa loob.

"Mabuti naman at ligtas pa rin kayong natapos. Magpahinga na kayo. Bukas na tayo mag-usap-usap, alam kong pagod na kayo." Wika ni Ismael.

Tumango naman si Esmeralda at diretsong tinungo na ang sala kung saan sila nagpapahinga. Sakto naman nakapaglatag na doon si Ismael. Walang imik na siyang nahiga at ipinikit ang kaniyang mata.

Kinabukasan, tinanghali na ng gising si Esmeralda. Nagising siya sa amoy ng nilulutong sinangag at tuyo. Napabangon siya at bahagyang inilibot pa ang paningin sa paligid. Napakamot pa siya ng ulo nang marinig ang mga nag-uusap-usap sa kusina.

Gising na pala ang mga buntis at kasalukuyan silang magtitipon-tipon sa kusina para mag-almusal. Marahil ay kagigising lang din ng mga ito.

Pagdating naman niya sa kusina, mga nakangiting mukha ng mga babae ang bumati sa kaniya. Si Nanay Merly naman ay kasalukuyang nagluluto habang si Sylvia ang nagtitimpla ng gatas sa mga ito. Para silang naging isang buong pamilya sa bahay na iyon. Maalaga si Sylvia sa mga babae na parang mga kapatid niya ito.

"Magandang umaga, hija." Bati sa kaniya ni Nanay Merly. Ngumiti siya at tinugon rin ito mg pagbati. Matapos mag-almusal, isang hindi inaasahang bisita ang dumating sa bahay nila Kaled.

Ang matandang guwardiya sa mansyon ni Don Hernan. Hindi na ito magpaligoy-ligoy pa at mabilis na inilahad ang nais nito.

"Sige ho, manong. Susunod ho kami sa inyo. Mauna na po kayo." Wika pa ni Esmeralda.

Ilang sandali pa, matapos umalis ng matandang guwardiya ay gumayak na rin si Esmeralda kasama si Mateo at Ismael.

Mabilis naman silang pinapasok ng guwardiya at iginaya sa loob ng mansyon.

"Wala bang nakapansin sa inyo?" Tanong ng Don.

"Wala ho, may problema po ba Don Hernan?" Tanong ni Esmeralda.

"Esmeralda, pasensiya na kung walang pasabi ko kayong pinatawag sa mansyon. Pero nababahala ako dahil biglang nagkasakit ang apo kong si Hanna. Biglaan ang mga pangyayari, dalawang araw matapos kang pumarito ay nagkalagnat siya. Inakala namin na simpleng lagnat lang ito sa una, pero nang magtagal ay lalo siyang nanghihina. Hindi na tumatalab ang mga gamot na nabibili sa botika, maging ang mga gamot na nireseta ng mga doktor sa bayan." Saad ng Don, bakas sa boses at mukha nito ang pag-aalala.

Agad naman silang iginaya ng Don patungo sa silid ng apo nitong si Hanna. Pagpasok pa lamang ay agad na nakaramdam ng bigat si Esmeralda. Gayon din si Ismael na mabilis na lumapit sa dalaga. Pinulsuhan niya ito ngunit sa. Pagdampi pa lamang ng kamay ni Ismael sa balat ng dalaga ay agad itong napahiyaw na tila napapaso.

Umigtad ito sa higaan at namilipit sa sakit.

"Masama ito, kinukulam ang anak niyo Don Hernan, ang nakakapagtaka lang, hindi ko matukoy kung paano niya ito nakuha. May gamit ka po ba ng apo ninyo na hindi pa nalalabhan. Iuong ginamit niya bago siya magkaganito." Tanong ni Ismael.

"Amang, mabigat ang pakiramdam ko sa kaniya, aswang ba ang may kagagawan ng pagkukulam?" Tanong ni Esmeralda at tumango naman si Ismael.

"Oo, at malakas ang isang ito."sagot ni Ismael at kaagaran na siyang naghanda para sa isasagawang pagtatawa sa dalaga.

Matapos ang ritwal ng pagtatawas, tatlong imahe ang kanilang nakitang nabuo sa palanggana.

"Amang, tama nga ba ang nakikita ko, tatlong pigura iyan, at ang isa ay isang tao?"

"Oo anak, tama ka ng pagbasa sa imahe. Ang isang pigura ay sa aswang, ang isa ay sa mangkukulam habang ang pangatlo ay isang tao. Don Hernan, nitong nakaraang araw, nagkaroon ka ba ng bisita bukod sa anak ko?" Baling tanong ni Ismael sa matandang Don.

"Bisita, bukod kay Esmeralda, marami akong naging bisita sa mansyon. Pero, may dalawa ang nagtagal at nakausap rin ang aking apong si Hanna." Saad ng Don. Sa pagkakataong iyon ay napaisip siya ng malalim at napapailing.

"Imposible, hindi maaring siya." Iiling-iling na wika ng Don.

"Don Hernan, maaari ka ba naming makausap, iyon sanang walang makakarinig na kahit sino." Ranong ni Esmeralda at tumango naman ang matanda. Dinala sila ng Don sa isa pang silid na kalapit lamang ng silid nito.

"Ano ang sasabihin mo hija?"

"May nais sana akong ipakiusap, sa ngayon, nasa bahay nila Kaled ang mga buntis sa bayang ito. Mahihirapan kaming gamutin ang anak niyo kung nababahala kami sa kalagayan ng mga babae at nina Kaled. Ibig ko sanang imungkahi sa inyo na ilipat sa mansyon niyo ang pamilya ni Kaled at ang mga buntis."

Agad na kumislap ang mga mata ni Don Hernan sa marinig. Nabakas ni Esmeralda ang pagkasabik sa mga mata ng Don.

"Walang problema. Malaki ang bahay, at may mga silid na bakante. Maaari silang ilipat rito. Pero paano aila ililipat gayong may mga aswang ring nakamatyag sa mansyon namin? Hindi kaya mahihirapan kayo?" Tanong ni Don Hernan.

"Kami na po ang bahala, madaling araw kami kikilos, sa oras na magsiuwian na ang mga magmamatyag sa mansyon." Saad naman ni Esmeralda.

"Sang-ayon ako sa mungkahi mo. Naway maging maayos ang paglilipat niyo sa kanila rito. Nasasabik na rin akong makausap sila. " Halos naiiyak pang wika ng matanda.

Nang araw ding iyon, pinauwi ng Don ang kaniyang mga katulong at katiwala sa mansyon sa mga sari-sarili nitong bahay. Ang naiwan lamang ay ang matandang guwardiya na siyang tanging pinagkakatiwalaan naman ng Don.

"Mag-iingat kayo, doon kayo sa likod dumaan dahil nariyan na naman sila nagmamasid." Pabulong na wika ng guwardiyan nang makalabas na sila ng mansyon.

"Salamat ho manong." Tugon ni Mateo at nagmadali na silang umalis. Sa likod sila dumaan kung saan tanaw nila ang malawak na palayan. Sinundan lamg nila ang mga pilapil hanggang sa marating naman nila ang likurang bahagi ng bahay nila Kaled.

Noon lang napagtanto ni Esmeralda na mainam palang daanan iyon sa oras na ilipat na nila ang mga babae at malaki ang maitutulong ni Amihan rito.

Nang makabalik na sila ay umalis naman si Esmeralda. Dumaan na siya sa harapan na tila ba noon lamang siya nakalabas. Dala ang kaniyang basket ay nagpunta siya sa talipapa para numili ng mga gulay. Nagkunwari siyang pumipili ng isda nang mamataan niya si Amihan na nakatayo sa 'di kalayuan at nakamasid lang sa kaniya. Bahagya siyang kumaway rito na tinugon naman ng babae.

Matapos makapamili ay dahan-dahan na siyang naglakad patungo sa kubo ni Amihan.

"Ako ang sadya mo at hindi talaga pamimili,ano?" Nakangiting wika ni Amihan, kaswal itong nakikipag-usap na animo'y matagal na silang magkaibigan.

"May pagbabago sa plano..." Hindi na magpaligoy-ligoy pa si Esmeralda at kaagaran namang inabisuhan ang dalaga sa plano nila. Walang pag-aalangan si Amihan na pumayag.

Kinagabihan ay maagang nagpahinga ang lahat, hindi nila inalintana ang mga pag-alulong ng mga aso sa kanilang paligid.

"Hindi ka pa ba magpapahinga Mateo?" Tanong ni Esmeralda nang maabutan niya ang binata sa kusina na nagkakape.

"Bukas na siguro kapag nakarating na tayo. Mauna ka na, gigisingin na lamang kita kapag nangahas na pumasok ang mga hinay*pak na mga aswang na 'yan. "

"Ikaw ang bahala, hindi mo naman kailangang magbantay dahil, nasa labas si Liyab at Amihan na nagbabantay. At sa nangyari kahapon, mangingilag pa silang umatake. Hanggang ganyan lang sila, magmamatyag at magmamasid. " Wika pa ng dalaga at humiga na sa nakalatag na kutson sa sahig ng sala.