Bago sumapit ang alas-tres ng madaling araw ay gising na silang lahat. Ginayak nila ang kanilang mga sarili at nagdala lamang ng kakaunting gamit. Tulad nang napagplanuhan nila, sa likod sila nang bahay dumaan. Naglalakad ang mga babae habang si Ismael naman sa likuran ay nagsasaboy ng pinulbos na dilaw na luya.
"Ano 'yong binubuhos ni Tiyo sa hangin? Bakit parang ang baho naman yata, makati sa ilong."reklamo ni Mateo.
"Makati sa ilong, ano ka aswang? Luyang dilaw 'yan na dinurog. Ginagamit yan para hindi tayo maamoy ng mga aswang na nagmamasid doon sa harap ng bahay." paliwanag ni Esmeralda. Napakamot naman ng ulo si Mateo at pasimpleng kinamot rin ang ilong, para kasi siyang nakakaamoy ng pulbos ng paminta, pakiramdam tuloy niya ay kaunti na lang at babahing na siya. Pero dahil sa kanilang sitwasyon ay pinigilan niya ito, napangisi naman si Esmeralda subalit hindi na nagsalita pa. Nang dumating na sila sa likod ng mansyon ni Don Hernan, ay naroon na ang matandang guwardiya na kaagaran silang pinagbuksan ng gate. Dali-dali naman silang pumasok at tumuloy na sa mansyon. Pagkapasok pa lamang sa mansyon ay doon na tuluyang nabahing si Mateo. Sunod-sunod iyon at kulang na lang ay kapusan siya ng hininga.
Nagtawanan naman ang mag-amang Ismael at Esmeralda dahil dito. Napawi nito ang tensyong kaninang nararamdaman ng lahat. Natawa na rin ang mga babae at maging si Nanay Merly at napangiti at napabuga ng hangin.
"Mabuti naman at ligtas kayong nakarating, Sige na, pumanhik na kayo sa ikalawang palapag, nakabukas na ang magiging silid niyong lahat doon." Wika ng Don. Nangilid ang mga luha ng matanda nang mapatingin sa magkakapatid na Kaled, Sylvia at Rimo.
"Pasensiya na kung biglaan itong paglipat ninyo. Hindi ko naman talaga hangad na sirain ang buhay niyo, matagal ko nang tanggap ang pagkakaroon ng pamilya ni Danilo rito. Patawad kung masyado akong nilamon ng aking takot, hindi ko man lang nagawang protektahan kayo." mahinahong paliwanag ng Don. Napapsinghot na iniiwas ni Kaled ang kaniyang paningin sa matanda, habang si Sylvia naman ay hindi na napigilan ang sarili na hindi maiyak.
"Totoo ba, lolo ka namin?" si Rimo ang siyang unang naglakas ng loob na magtanong. Napalingon naman si Kaled at maging si Sylvia ay napatingin rin sa Don, naghihintay ng kasagutan nito.
"Totoo, iyon. Anak ko ang papa niyo, kaya lolo niyo ako." nakangiting sagot ng Don, ngunit hindi nito naitago ang luhang kumawala mula sa mata ng matanda.
Habang nag-uusap naman ang magpapamilya, tahimik na lumisan si Mateo at Ismael. Si Esmeralda naman ay bumalik sa labas upang kausapin si Amihan.
"Maraming salamat sa tulong mo, pasensiya ka na din kanina sa isinaboy ni amang, hindi ka ba nasaktan?" tanong ni Esmeralda.
"Hindi naman, may ibinigay naman si Ka Ismael na pantakip sa ilong, at isa pa, sanay ako sa amoy ng luya, bawang at kalamansi." wika naman ni Amihan.
"Ang sabi ni Don Hernan, may kubo siya rito na maaari niyong tuluyan ni Liya, ngayong nasa iisang lugar na ang mga taong kailangan ng mga aswang, hindi na tayo mahihirapan. Walang pangontra sa unang palapag ng bahay ng Don, kaya malaya pa rin kayong makakagalaw dito."
"Sige, aayusin ko lang muna ang kubo namin, bukas bago maghapon, lilipat kami."
Matapos ang kanilang maiksing pag-uusap ay nagpaalam na si Amihan sa kaniya. Napabuntong hininga naman si Esmeralda at tinungo ang malaking puno ng balete na nasa loob lang din ng bakuran ni Don Hernan, nasa tabi lang iyon ng pader sa likurang bahagi kaya naman malayo ito sa mapagmatyag na mata ng mga nagmamasid.
Inilapat niya ang palad roon at pabulong na nag-usal ng mga dasal. Walang laman ang punong iyon kaya naman minabuti niya itong gisingin upang matirhan ni Liyab pansamantala.
Ilang sandali pa ay lumitaw na sa tabi niya si Liyab. Umupo ito sa ilalim ng puno ng balete at ngumiting binati ang dalaga. Bagaman nakaupo, nakakamanghang halos magkapantay pa rin ang kanilang mga ulo. Matangkad si Liyab at ang tangkad nito ay maikukumpara niya sa dalawang normal na taong pinagpatong.
"Malakas na kakampi ang mga mandurugong katulad ni Amihan. Batid kong hindi pa siya nakakatikim ng dugo at karne ng tao, sa kabila ng pagiging mandurugo niya, ganoon rin ang kapatid niya. Likas sa magkapatid ang pagiging busilak ang kalooban." Wika ni Liyab.
"Tama ka, ramdam ko rin iyon. Siya nga pala, kumusta ang pagmamatyag mo sa kanila?"
"Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makuha ang eksaktong kinaroroonan ng mag-ina. Pero pasasaan ba't mahahanap ko rin sila." Nakangiti pa ring wika ni Liyab. Napangiti na rin si Esmeralda at napatitig lang sa binata. Malamlam ang mga mata nito habang nakatitig rin sa kaniya.
Agad na napansin naman ni Esmeralda ang panghihina ng kausap. Bumuga siya ng hangin at marahang idinampi ang kaniyang kamay sa mukha ng binata.
"Magpahinga ka muna, bukas, ako naman ang lalakad. Bawiin mo ang lakas mo dahil sa mga susunod na araw ay siguradong kakailanganin kita."
Kumunot ang noo ni Liyab ngunit wala itong nagawa at tumango na lang. Napangiti naman si Esmeralda nang makita ang pagsang-ayon ni Liyab.
Alam niyang kahit na makapangyarihan ang uri ni Liyab, may mga panahong nauubusan rin ang mga ito ng lakas, lalo pa at nasa mundo sila ng mga mortal. Kailangan din nilang bumalik sa kanilang mundo upang doon magpalakas muli. Nang tuluyan nang maglaho si Liyab sa paningin niya ay doon lamang siya magdesisyong bumalik sa loob. Sa mga oras na ito, naabutan niya ang Don at si Sonia na nag-uusap. Pareho nang nakangiti ang mga ito at tuwang-tuwa naman ang matanda habang karga ang bunso nitong apo.
Kinabukasan, tahimik na silang nag-aalmusal sa mahabang hapag ng mansyon.
"Huwag kayong mahiya, kain lang." Masayang utos ng Don sa mga babae. Malapad ang pagkakangiti nito at bakas talaga sa mukha ng matanda ang labis na kasiyahan. Karga pa rin nito ang sanggol habang kumakain pa ang ina nito.
Nasa hapag na rin si Hanna na bagama't mahina pa ay nakangiti pa ring nakikipag-usap sa mga pinsan niya.
Matapos ang almusal, inalalayan naman ni Sylvia si Hanna pabalik sa silid nito, kung saan ay sinimulan na siyang gamutin ulit ni Ismael.
"Bakit parang nakikita ko si papa sa nangyayari kay Ate Hanna? Ate, parang ito rin ang nangyari noon kay papa, hindi ba?" Puna ni Rimo at nagkatinginan naman si Sylvia at Kaled. Noon lang din nila napagtanto na may pagkakatulad nga ang mga nararamdaman ni Hanna sa nangyari noon sa kanilang ama.
"Mawawala rin ba si Ate Hanna?" Muling tanong nito na may takot sa mga mata.
"Ang bibig mo Rimo, hindi mangyayari iyon dahil nandito si Ka Ismael. Tutulungan nila ang ate Hanna mo, hindi siya marutulad kay Papa, hindi na tayo mababawasan pa." Giit ni Sylvia bagaman kahit aiya ay nakakaramdam na ng matinding takot at kaba.
Pabiling-higa ang ginagawa ni Hanna habang patuloy na hinihilot ni Ismael ang tiyan ng dalaga. Nag-uusal ito habang ginagawa iyon. Namumuo ang pawis sa noo ng lalaki habang tagaktak naman nag pawis ng dalaga. Napapakunot pa ang noo ni Esmeralda dahil ramdam niyang lumalaban ang kung sino mang nagpapahirap sa dalaga.
Hindi lamang ang dalaga ang nahihirapan, kun'di maging ang kaniyang ama. Hingal na hingal naman si Ismael nang matapos ang unang pag-oorasyon niya.
"Napakalakas ng mangkukulam na ito. Nahihirapan akong sugpuin at putulin ang sakit na ipinapataw niya sa apo ni Don Hernan." Wika ni Ismael, dali-dali naman siyang inabutang ng maligamgam na tubig ni Esmeralda.
"May maitutulong ba ako, amang? Sabihin niyo lang."
"May naiisip ako, pero imposible, mahihirpaan pa rin tayo. Pero, kung mapapasakamay natin ang mutyang ito, mapapadali nag paggaling ni Hanna. Malalabanan niya ang kulam." Sagot naman ni Ismael.
"Mutya? Anong mutya iyan Ismael?" Tanong ni Don Hernan.
"Ang mutya ng tubig Don Hernan. Maari itong matagpuan sa mga bukal, lawa, o talon o kahit saan lugar na may tubig. Mabisa ito sa pagpapagaling ng mga sakit, at mabisang panlaban rin ito sa kulam at barang. Pampasuwerte rin ang natong ito sa may tangan." Sagot ni Ismael.
"May kilala akong nagtatangan ng mutya ng tubig, pero naisasalin ba ang kapangyarihan na iyon?" Tanong ni Don Hernan.
"Hindi maaring isalin ang kakayahan, lalo kung hindi ito kadugo o napiling tagapagmana. Mas mabisa ang mga mutyang wala pang kinikilalang tagatangan, mas maigi rin kung ang mutyang ito ay may basbas ng nangangalaga rito. " Sagot ni Ismael at tumingin kay Esmeralda. Agad namang nakuha ng dalaga ang punto ng kaniyang ama. Kailangan niyang lumisan upang hanapin ang mutyang iyon. At isang lugar lang ang dapat niyang balikan, ang lugar kung saan siya madalas noon.
"Ako na po ang bahala amang, narito naman si Mateo, at mamaya darating na rin si Amihan, magkakaroon kayo ng matibay na proteksyon laban sa magtatangka sa inyo." Wika ni Esmeralda at tinanguan naman si Mateo.
Kinahapunan ay inabangan ni Esmeralda ang pagdating ni Amihan at Liya. Nakakatuwang pagmasdan ang malapad na ngiti ng bata nang makita ang bakuran ng Don.
"Wow, Ate Amihan, dito ba tayo titira? Grabe, ang lawak-lawak naman ng bakuran. Tapos, ang laki-laki ng magiging bahay natin." Masiglang puna ng bata.
"Oo Liya, dito muna kayo pansamantala. Marami kasi tayong kalaban kaya dapat sama-sama tayo. Don Hernan, ito nga po pala ang magkapatid na Amihan at Liya, mga aswang rin po sila perp mababait sila. Sila po ang poprotekta sa inyo habang wala ako." Pakilala ni Esmeralda sa mga ito.
"Kinagagalak ko kayong makilala, lagi ko kayong nakikita noon sa bayan, tama nga ang hinuha ko sa iyong magkapatid. Pero natutuwa akong nasa panig pa rin kayo ng kabutihan sa kabila ng dugong nananalaytay sa inyong mga ugat." Nakangiting wika ni Don Hernan na ikinagulat naman ni Amihan.