Nang makita ni Esmeralda ang gulat at pagtataka sa mukha ni Amihan ay agad niyang pinaliwanag rito ang angkang pinagmulan ni Don Hernan. Doon ay mas naintindihan pa ng dalaga ang pinupunto nito. Napangiti siya at ipinakilala naman ang kaniyang kapatid.
Matapos ang pagpapakilala ay tumuloy na sina Amihan at Liya sa kanilang kubo. Malaki ang kubong iyon, kumpara sa tinitirhan nila sa gitna ng palayan. Maaliwalas rin ang buong loob ng kubo, Kompleto ang mga kagamitan at may dalawang maliit na silid rin na sakto lamang sa kanilang magkapatid.
"Ate, ang gaganda naman ng gamit nila rito, talaga bang puwede nating gamitin ang mga ito. Tingnan mo, malambot rin ang higaan, gawa sa kawayan pero may malambot na bagay sa itaas. Ang sarap sigurong matulog diyan." puna ni Liya na ikinatawa naman ni Esmeralda.
"Masarap matulog diyan Liya, subukan mo, ang sabi ni Don Hernan, malaya klayong gamitin ang mga bagay na narito." tugon ni Esmeralda.
"Talaga po Ate Esme, ang bait naman pala ng Don, akala ko dati, masama ang ugali niya kasi mayaman siya." inosenteng wika naman ni Liya.
"Kaya dapat, araw-araw kang maglilinis sa loob ng bahay ha, kapag wala kami ni Ate Esme, panatilihin mong maayos at malinis ang bahay. Para hindi naman sayang ang kabaitan sa atin ng Don."
"Opo ate, ako po ang bahala. kahit isang butil ng alikabok, wala silang makikita." masiglang tugon ni Liya at natawa naman si Esmeralda at Amihan.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagbyahe na pabalik sa bayan ng Luntian si Esmeralda. Pagbaba sa dulo ng bayan ay agad na niyang tinahak ang daan patungo sa paanan ng bundok, halos tanghali na rin nang marating niya ito at sa daan, may nakakasalubong ring siyang mga tao na halatang kakababa lang din sa bundok para mangahoy.
"Ineng, aakyat ka ba ng bundok?" tanong ng isang matandang lalaki, may bitbit itong isang bungkos ng kahoy na huminto sa lilim ng isang puno sa gilid ng daan.
"Oho, manong. Doon ho ba kayo galing?"
"Oo, pero ineng, nag-iisa ka? Delikado ang pusod ng gubat sa taas, huwag kang gagawi roon, kung mangunguha ka ng kahoy, dito ka lang sa bungad." saad pa ng matanda. Napakunot naman ang noo ni Esmeralda sa narinig, paanong naging mapanganib ang pusod kung nandoon ang kanilang bahay.
"Sige ho manong, mauuna na ho ako para makababa ako agad." nakangiti lang niyang wika at nagpaalam na sa matanda. Naiwan itong nakatingin lang sa papalayo niyang likuran.
"Mag-iingat ka." Sigaw pa nito. Itinaas lang ni Esmeralda ang kamay bilang tugon at walang lingon-lingon nang nagpatuloy sa paglalakad.
Pagtapak pa lamang niya sa bungad ng gubat ay nakaramdam na siya ng kakaiba. Tila ba nababalot ng makapal na hamog ang buong lugar na tanging siya lamang ang nakakakita.
Panaka-naka pa siyang nakakasalubong ng mga matatanda at binatang nangangahoy sa bungad at ilan sa mga ito ang nagbigay rin ng babala sa kaniya. Gayunpaman, pinagpatuloy lang niya ang paglalakad hanggang sa marating na niya ang matarik na bahagi ng bundok.
Tumingala siya sa mga matatayog na puno at kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa lugar. Naging mabigat na ang dating maaliwalas na kagubatan. May nararamdaman rin siyang mga kakaibang nilalang na ngayon ay naninirahan na sa kagubatang iyon, partikular sa mataas na bahagi ng kabundukan.
Hindi niya alintana ang mabato at matarik na daan paakyat. Napakabilis ng mga galaw niya habang inaakyat ang malalaking bato. Iyon kasi ang mas mabilis na daan patungo sa pusod ng gubat.
Nang malagpasan niya ang mabatong parteng iyon ay natanaw naman niya ang maliit na talon, dinig na dinig niya ang lagaslas ng tubig na bumabagsak mula roon.
Mula sa talong iyon, mabilis na niyang nilakad ang makitid na daan patungo sa kanilang tahanan. Pagdating ay agad niyang namasdan ang naging sitwasyon ng kanilang dating tahanan. Sa tagal na hindi na niya ito nadadalaw ay tila nabalot ng mga baging ang kanilang bahay. Naging mayabong din ang mga damo sa bakuran at ang kanilang hardin ay natatakpan na ng mga damo. Napansin rin niya ang isang kumpol ng mga kahoy sa gilid ng kubo nila. Bago lang iyon at sigurado siyang may naglagay ng mga ito doon.
Akma sana siyang tutuloy sa kubo, isang sigaw ang agad na nagpatigil sa kaniya. Isang batang lalaki ang nakita niyang tumatakbo patungo sa kaniya, mukha itong katutubo dahil sa kasuotan nito. Wala itong damit pang-itaas at maikling hinabing tela naman ang tanging saplot nito sa ibaba. May tali ang buhok nito at mga palamuting makukuha sa mga hayop sa kagubatan.
"Huwag kang pumasok diyan, mapanganib ang nilalang na naninirahan diyan." Sigaw ng bata. Bago pa man siya makapagtanong ay agad naman niyang naramdaman ang isang nilalang na tila gumagapang sa lupa. Mabilis itong kumikilos sa kaniyang likuran at nagulat na lamang siya nang bigla siyang sunggaban nito. Pumulupot sa katawan niya ang dambuhala nitong katawan. Doon lang niya napagtanto na isang malaking ahas pala ang tinutukoy ng bata.
Nakita niyang may inihagis rito ang bata na siyang nagpakalas naman ng pagkakalingkis ng ahas sa kaniya. Kinuha naman ni Esmeralda ang pagkakataon na makawala, tumalon siya palayo sa nilalang at doon niya nakita ang wangis nito.
Napakalakung ahas nito, kulay berde ang buo nitong katawan habang may matutulis itong buhok na kulay pula, malalaki ang kaliskis nito na animo'y nag-iiba pa ng kulay. Napakalaki rin ng bunganga nitong halos kayang lamunin ng buo ang isang matabang tao.
"Isang markupo ang ahas na iyan, isang engkantong ahas na napadpad sa ating mundo. Bakit ka narito, hindi ka dapat narito dahil mapanganib para sa inyong mga tao." Wika pa ng bata.
Noon lang din napagmasdang mabuti ni Esmeralda ang bata, sa kabila ng bata nitong katawan, bakas sa mga kalamnan nito na batak ito sa digmaan at mabibigat na trabaho.
"Sino ka bata, bakit alam mo ang tungkol sa nilalang na iyan?"
"Mamaya ko na sasabihin, sumama ka sa akin, hindi tayo maaaring magtagal rito dahil hindi ka titigilan ng nilalang na iyan kung ipipilit mong lumapit sa bahay na iyan."
Hinatak na siya ng bata at wala na siyang nagawa kun'di ang magpatianod rito. Mula sa bahay ay naglakad pa sila ng ilang oras hanggang sa marating na nila ang isang maliit na kumonidad. May limang kubo ang nakatirik doon at may namataan rin siyang mga tao na abala sa kani-kanilang mga gawain.
Sa kanilang pagdating, sabay-sabay na napahinto ang mga ito at matamang napatingin sa kanila. Dire-diretsong hinatak naman siya ng bata patungo sa may kalakihang kubo na napapagitnaan ng lima pang maliliit na kubo.
"Apo Salya, narito na po ako." Anunsyo ng bata.
"Saan ka na naman ba galing na bata ka, ilang ulit ko ba dapat sabihin sa'yo na iwasan mo ang lu—"
Napahinto sa pagsasalita ang matanda at mapatingin kay Esmeralda.
"Lola naman eh, kung hindi ako nagpunta roon, hindi ko maililigtas ng buhay ng dayong ito." Reklamo ng bata.
"Dayo ba kamo, iyang kasama mo. Ineng, bakit ka ba naparito sa gubat, hindi ka va nasabihan ng mga matatanda na mapanganib sa pusod? Lalo na doon sa abandonadong kubo?" Ani ng matanda.
"Ano ho ba ang nangyari, hindi ito ganito dati, at sino ho kayo?" Sunod-sunod na tanong ni Esmeralda.
"Nanggaling kami sa kabilang ibayo, napadpad rito dahil sa pagsunod namin sa nilalang na iyon. Ang Markupo ay isang uri ng nilalang na pinaniniwalaang alaga ngbmga engkanto, nakita mo ba ang wangis niya? May pulang korona sa ulo, malatinik na dila at ang malaking pangil niya sa bunganga, malatinidor din ang dulo ng buntot nito. Hindi naman mapaminsala ang nilalang na iyon subalit kapag naistorbo ito o nagambala ng mga taong walang alam sa mga tulad niya, siguradong isang malaking gulo ang mangyayari. Sana sa iyong pagbaba sa bundok, huwag mo na sanang banggitin sa iba ang nakita at nalaman mo rito." Mahabang paliwanag ng matanda.
"Lola, sa tingin ko at may hindi tayo pagkakaunawaan, hindi po ako naligaw o nagawi lang dito. Sinadya ko ang lugar na ito dahil sa isang misyon. Ang bahay na iyon ay dating bahay namin ng tatay ko. Kaya ako nagtataka kung paano at bakit naging tirahan iyon ng nilalang na tinatawang niyong Markupo. Sa ngayon ay hindi ito ang misyon ko kaya palalagpasin ko muna ito. Sadyang nagmamadali ho ako ngayon na magawa ang misyon dahil buhay ng isang tao ang nakasalalay rito." Umiiling na paliwanag ni Esmeralda. Nanlaki ang mga mata ng matanda at napanganga naman ang bata.
"Misyon? Ano namang misyon?"
"Anak ho ako ng isang albularyo, at isa rin po akong manunugis. Inutusan ho ako ng aking amang na hanapin ang mutya ng tubig para sa isang taong may sakit. Hindi kayang labanan ni Amang ang kulam sa katawan ng pasyente niya at ang mutya lang ng tubig ang makatutulong sa kaniya." Paliwanag ni Esmeralda.
"Mutya ng tubig? Lola, hindi ba't doon sa talon sa loob ng isang kuweba, may nakita tayo roon, pero hindi natin kinuha dahio sabi mo may darating na siyang magiging tagahatid nito? Hindi kaya ang babaeng ito ang sinasabi sa mga pangitain mo?" Wika ng bata.
Napabalik-balik ang tingin ni Esmeralda sa mag-lola. Maging ang matanda ay tila nahulog sa malalim na pag-iisip. Pilit na binabalikan ang mga pangitaing inilahad sa kaniya ng kaniyang mga gabay.