Tumikhim ang matanda at bahagyang ipinilig ang ulo.
"Sa inyo ang bahay na iyon? Albularyo kamo ang tatay mo Ineng? Kaya pala ang paligid ay taniman ng mga halamang gamot." Wika ng matanda.
"Oho, pero saka ko na ho babalikan ang bahay namin. Tatapusin ko muna itong iniuutos ni amang. Salamat ho sa pagbibigay ng babala sa akin. Kailangan ko na hong puntahan ang sinasabi niyong kuweba." Wika ni Esmeralda at tumango naman ang matanda. Pero bago siya umalis, may ibinigay itong lubid sa kaniya na ayon dito ay magagamit niya sa pagkuha ang mutya.
Hindi man lubos na naintindihan, minabuti niyang tanggapin ito at malugod na nagpasalamat dito.
"Ate, sandali! Hintayin mo ako."
Isang tawag ang muling nagpahinto sa kaniya. Nasa kalagitnaan na siya ng kaniyang paglalakbay nang humahangos na humabol sa kaniya ang batang si Dodong.
"Bakit ka sumunod, may kailangan ka ba?"
"Sasama ako, ate. Alam ko ang daan patungo roon at alam ko rin ang eksaktong kinaroroonan ng mutya. Mapapadali po ang pagkuha niyo kung kasama niyo ako." Wika pa ng bata at napangiti si Esmeralda. Natutuwa siya sa pagiging masigla ng bata kaya naman hinayaan na niya itong sumama sa kaniya.
Tulad nga ng sinabi ng bata, mabilis nilang narating ang kuwebang tinutukoy nito. Nasa masukal itong parte ng gubat na napapalibutan ng matatayog at mayabong na kapunuan. Makitid ang mabatong daan papasok roon, at sa bawat gilid ay matarik na bangin. Kapag hindi ka nag-ingat ay maaari kang mahulog sa ilalim.
"Hindi ito naaabot ng mga tao, dahil masyadong matarik at mapanganib. May mga naririnig pa kaming usapan noon, na may mga naaksidente na raw dito."
Madaldal na bata si Dodong kaya ang dapat na tahimik na paglalakbay ni Esmeralda ay naging maingay at masigla na ikinatuwa naman ng dalaga.
"Minsan ko nang nagawi ang daan patungo rito pero hindi ako umabot rito. Ito ang unang pagkakataon na nakarating ako sa lugar na ito. Paano pala kayo napadpad dito, Dodong, Saan ba kayo galing?"
"Hindi ko alam ate kong paano ko sasabihin, pero maniniwala ka ba kung sasabihin kong galing kami sa ibang mundo? Hindi ibang lugar ha, ibang mundo, kung saan naninirahan ang mga gabay at mga engkanto."
Saglit na napahinto si Esmeralda at tiningnan ang bata. Hindi ito tumatawa at walang bahid ng pagbibiro sa mukha nito.
"Kayong lahat?" Tanong ni Esmeralda.
"Hindi ate, kami lang ni Lola, ang mga taong nakita mong kasama namin, kabilang sila sa isang tribong namumundok, layunin nila ang mapangalagaan ang kalikasan , may mga babaylan rin sa grupo nila at napasama lang kami sa kanila dahil nagkataong narito ang nilalang na hinahabol namin."
"At alam nilang nanggaling kayo sa ibang mundo?" Tanong ulit ng dalaga.
"Opo, dahil si Lola isa rin babaylan, hindi ko alam ang buong istorya bakit doon kami nakatira pero simula pagkabata doon na ako namulat, kasama ang mga nilalang na hindi pangkaraniwan sa mundong ibabaw."
Namamanghang napatingin naman si Esmeralda sa bata. Dahil sa tinuran nito, naunawaan niya kung bakit ganoon na lamang kagaan ang loob niya sa bata, at bakas rin sa katawan nito ang pagiging kakaiba nito sa ibang normal na bata.
Lumaki ito sa ibang mundo, sa kabila ng pagiging tao nito. Tila lumipad tuloy ang isip niya sa mga ikinukuwento ng bata at hindi na niya namalayang nasa harap na sila ng bunganga ng kuweba.
"Nandito na tayo ate." Tumingala si Dodong at napatingala na rin si Esmeralda, sa hinaba-haba ng kanilang paglalakad ay inabot na sila ng dapit-hapon.
"Sandali lang ate, maghahanap lang ako ng maaari nating gamiting siga sa loob ng kuweba." Wika ni Dodong, maliksi itong tumakbo palayo at naiwan siyang nakatingala naman sa kuweba.
Malaki ang bukana ng kuweba ngunit kapansin-pansing tila hindi ito naaabot ng liwanag ng araw o buwan. Masukal ang parteng nakapalibot dito subalit ang mismong bunganga ay wala kang makikitang damo bukod sa mangilanngilang maliliit na halamang namumulaklak. Ang iba pa nga ay nakadikit pa si pinakadingding ng kuweba.
Nilapitan ito ni Esmeralda at bahagyang inamoy ito. Namangha pa siya nang maamoy ang mabango nitong halimuyak. Kakaiba rin ang bulaklak nito dahil sa tuwing naabot ito ng liwanag ay tila nagiging maliwanag rin ito. Hindi niya alam kung anong klaseng halaman iyon dahil ito ang unang beses na nakita niya ito.
Nang makabalik si Dodong, may dala na itong makapal na kahoy na kasing-laki lang ng braso niya, may nakapulupot na tela doon.
Paglapit ay agad na iniabot ni Dodong sa kaniya ang kahoy. Yumuko naman ang bata at agad na kumuha ng dalawang bato para ipagkiskis ito sa tapat ng maliliit na sanga.
Muli na namang napamangha si Esmeralda sa bata, maaasahan na ito sa kabila ng bata nitong edad. Bukod doon, matalino rin ito at may angking bilis.
Nang makagawa na ito ng apoy, agad naman inabot ni Dodong ang kahoy upang kunin sa dalaga. Itinapan niya ito sa nagniningas na sanga. Nang magliyab ang kahoy ay sinimulan na nilang maglakad papasok sa loob ng kuweba.
"Talagang alam na alam mo ang lugar na ito, ano?"
"Opo ate, madalas kasi ako nagagawi rito para pagmasdan ang mutya. Napakaganda kasi nito. Kung hindi lang dahil sa mga pangitain ni Lola, malamang kinuha ko na ito. Pero dahil ginagalan namin ang mga gabay, hindi kami maaaring tumaliwas sa kanilang mga utos at paalala." Tugon ng bata.
"Pero paano kung hindi ako ang tinutukoy sa pangitain ng lola mo?" Tanong ni Esmeralda at natawa naman si Dodong.
"Ikaw 'yon ate. Dahil ang sabi sa pangitain, isang babae. At ikaw lang naman ang babaeng nangahas na akyatin ang bundok na ito." Sagot ng bata at natawa na rin si Esmeralda.
Lumipas pa ang kalahating oras ay narinig na ni Esmeralda ang rumaragasang tubig sa ilog at ang marahas na pagbaksak ng tubig mula sa talon.
Tunay ngang may talon sa loob ng kuweba, at hindi iyon maliit. Dahil nang marating nila ang talon ay namangha si Esmeralda dahil parang nasa kabilang dimensyon na siya ng mundo. Malamig ang hangin roon na mamasa-masa, marahil dahil sa bumabagsak na tubig ng talon. May mga halaman ding tumutubo roon.
"Kakaiba naman ang mga halaman dito. Paano sila nabubuhay kung hindi man lang inaabot ng sinag ng araw ang lugar na ito. Tingnan mo, mapusyaw na kukay berde ang kulay nila pero kung dito sa malayo, para silang nagliliwanag." Manghang turan ni Esmeralda.
"Alam mo ba ate kung saan talaga tumutubo ang mga halamang iyan? Sa mundo ng mga engkanto. Subukan mo silang hawakan."
Dahil sa matinding kuryusidad, marahang umupo si Esmeralda at h
Sinubukang hawakan ang mga halaman. Nanlaki ang mga mata niya nang tumagos doon ang kaniyabg mga kamay. Animo'y tubig itong nagalaw dahil sa bahagyang pag-alon nito sa hangin.
"Naiintindihan mo na ba kung paano sila nabubuhay kahit walang sinag ng araw? Ang totoo, hindi sila mabubuhay sa loob ng kuwebang ito pero doon sa mundo ng mga engkanto, oo." Nakangiting wika ni Dodong.
"Nakakamangha talaga, hindi ko lubos akalain na may ganitong nangyayari sa tunay na mundo. Pero Dodong mas nakakamangha ka, ang bata mp pa pero napakarami mo ng alam. "
"Marami talaga akong alam ate kung mundo ng engkanto ang pag-uusapan pero mangmang pa rin ako sa mata ng mga tao kung ang pag-uusapan ay ang tunay na mundo." Tugon ng bata at napatango naman si Esmeralda. May punto ito, lumaki si Dodong sa mundo ng mga hindi nakikita, at ang mundong tunay ay tila isang malaking hamon para dito.
"Hayaan mo kapag naayos ko na ang pinapagawa sa akin, babalikan ko kayo, kung gusto mo ipapasyal kita sa mga bayab sa baba, ituturo ko rin sa'yo ang mga alam ko," wika ni Esmeralda at kumislap sa tuwa ang mga mata ni Dodong.
"Talaga, sige ate, hihintayin ko ang pagbabalik mo." Tuwang-tuwang tugon ng bata.
Matapos ang maikling tagpo nilang iyon ay naging seryoso namang ang mukha ni Dodong, lumapit ang bata sa gilid ng ilog at itinuro ang kumikislap na bato sa gitna nito.
"Nakikita mo ba ang nagliliwanag na batong iyon, ate? Ang parang malinaw na kristal na nagkukulay asul at berde? Iyon ang mutya ng tubig. Mag-iingat ka ate dahil ang lalim ng ilog na ito ay taliwas sa nakikita mo." Tanong at paalala ni Dodong sa dalaga.
Muling sinipat ni Esmeralda ng tubig at nagtaka siya dahil parang mababaw lang naman ito kung titingnan, kung malalim man ay siguradong hindi ito aabot sa kaniyang ulo.
Pero nagkamali siya, dahil nang lumusong na siya sa tubig ay nagulat pa siya nang bumulusok paibaba ang kaniyang katawan. Tila bumigat ng sampong beses ang kaniyang bigat at tuloy-tuloy siyang pumailalim sa tubig hanggang sa maabot niya ang dulo nito. Mabilis niyang dinampot ang mutyang tinutukoy ni Dodong, hindi niya pinansin ang iba pang mga kristal na nasa paligid niya na animo'y inaakit siya. Kung gaano siya kabilis nakarating sa ibaba ay kabaligtaran naman nito ang paglangoy niya paitaas.
Dahil sa bigat ng kaniyang katawan, pahirapan ang pag-usad niya paitaas. Pakiramdam niya ay hinahatak pa siya lalo paibaba.
Tumingala siya at naaaninag pa niya si Dodong na tila naghihintay sa itaas. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagkawala ng hangin sa kaniyang baga. Ngunit kahit anong gawing niyang pag-usad ay tila napako ang kaniyang katawan sa ilalim ng tubig.