Chapter 30

Patuloy na ipinadyak ni Esmeralda ang paa upang makalangoy siya paibabaw ngunit tila ba mayroong pumipigil sa kaniya. Pagtingin niya sa ibaba ay nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang nilalang na nanlilisik ang mga matang nakahawak sa kaniyang mga paa.

Dahil hindi makapagsalita at kailangan rin niyang pigilan pa ang hininga, mabilis siyang gumalaw at sinubukang sipain ang nilalang na nakahawak sa kaniya, upang makawala rito. Ilang beses pa niyang ginawa ito hanggang sa tuluyan siyang makawala rito.

Ngunit akmang aangat na siya ay napakaraming katulad na nilalang pa ang umatake sa kaniya. Napakabibilis nitong lumnagoy patungo sa kaniya at kaniya-kaniyang hawak ang mga ito sa parte ng katawan niya. Muli siyang hinatak ng mga ito paibaba, at ilang beses din siyang nakainom ng tubig dahil sa pagpupumiglas.

Habang nakikipagbuno siya sa mga halimaw, napansin niya ang lubid na nasa tagiliran niya na tila umiilaw. Nanlaki ang mga mata niya at naalala niyang ibinigay ito ng matanda sa kaniya.

Dahil dito, mabilis siyang kumilos at hinugot ang lubid na iyon. Makapal iyon na animo'y baging, gawa iyon sa kung anong uri ng halaman o ugat ng puno na parang hinabi para maging lubid. Iwinasiwas niya ito sa tubig at namangha pa siya nang tila tumigas iyon at tumama sa mga nilalang na pumipigil sa kanya.

Dinig pa niya ang matitinis na atungal ng mga nilalang nang matamaan ng lubid. Kinuha naman niya ang pagkakataong iyon para mabilis na makatakas sa nga nilalang. Hawak pa rin niya sa kaniyang kaliwang kamay ang mutya ng tubig habang nasa kanan naman ang lubid na ginagamit niyang panghagupit sa mga nilalang na magtatangkang hawakan siya.

Nang makaalpas siya sa tubig ay mabilis siyang gumapang sa sahig ng kuweba para makalayo doon. Umuubo pa siya habang isinusuka ang mga tubig na aksidenteng nainom niya.

"Ate, nakuha mo ba?" Agap na tanong ni Dodong. Dinaluhan siya ng bata at hinagod ang kaniyang likod habang patuloy niyang inilalabas ang mga tubig sa sistema niya. Nang mahimasmasan siya ay tumango naman siya at ipinakita sa kanang kamay niya ang mutya ng tubig.

"Ang galing mo ate, paano mo nalaman ang tamang paggamit ng lubid ni lola? Nakita ko iyon, ang galing mo kanina. Rinig na rinig ko mula dito ang nasaktang iyak ng mga halimaw na iyon. Grabe, nakakita sila bigla ng katapat nila."

Natawa naman si Esmeralda, saglit siyang napaupo at isinandal ang likod sa malaking bato.

"Nakakagulat ang mga halimaw na iyon. Akala ko noong una, sadyang bumigat lang ang katawan ko, huli ko nang nalaman na may nakahawak na palang nilalang sa mga binti ko. Ano ba ang mga iyon, hindi naman sila engkanto 'di ba?"

"Mga nilalang sila na walang pangalan, mas mababa sila sa engkanto at hindi mo rin sila maihahanay sa mga tamawo o laman-tubig. Ang sabi ni lola, ang mga nilalang na iyon ang siyang pumipigil sa mga nangangahas na kumuha ng mutya ng tubig. Parang pagsubok lang sila. Ang kailangan lang, alam mo kung paano mo sila lalabanan. Halika na ate, gabi na, lalamigin ka kung magtatagal tayo rito sa loob ng kuweba." Wika ni Dodong.

Nang mapakiramdaman na niyang nagbalik na ang kaniyang lakas, tumayo na si Esmeralda at sabay na silang naglakad ni Dodong palabas ng kuweba.

Katulad ng sinabi ni Dodong, unti-unti nang naramdaman ni Esmeralda ang pagbaba ng temperatura sa loob ng kuweba. Nang makalabas naman sila sa bunganga ay doon na naramdaman ni Esmeralda ang maalinsangang hangin na naghuhudyat ng isang dahilan.

"Dito talaga magsisimula ang huling pagsubok, ate. Humanda ka, dahil lahat sila, nais mahawakan ang mutya na iyan." Sambit ni Dodong, mabilis na hinugot ng bata ang sandata nito sa tagiliran. Dahil walang dalang itak, ang lubid ang ginawang sandata ni Esmeralda.

"Tingnan mo nga naman, nagbabalik ang bantay ng gubat. Ano ka ngayon, wala na ang bahay niyo dahil pinamahayan na ito ng Markupo. Nasaan ang tatay mong albularyo, inuuod na ba sa lupa?" Patuyang wika ng isang nilalang. Dumagundong ang lupa sa bawat hakbang nito.

Napakunot naman ang noo ni Esmeralda nang makilala kung sino ito.

"Ang lakas naman ng loob mong magpakita sa akin. Baka nakakalimutan mo, nasa akin pa rin ang mutya ng kapatid mo, at anong sinasabi mong kinakain ng uod? Maayos na nabubuhay si amang, at tumataba pa nga, hindi tulad mo, pangit ka na nga, lalo ka pang pumangit ngayon." Sarkastikong tugon ni Esmeralda at hinampas ang nilalang ng hawak niyang lubid.

Malakas na atungal ang kumawala sa nilalang dahil sa pagdampi ng lubid sa katawan niya. Kitang-kita ni Esmeralda kung paano tila nagliyab ang balat nitong tinamaan ng lubid. Ang resulta, para itong nahiwa ng matalim na utak at nasunog dahil sa apoy.

"Esmeralda, ibigay mo sa akin 'yang mutya kung ayaw mong dumanak ang dugo mo sa gubat na binabantayan mo!" Galit na galit na sigaw ng nilalang.

"Hindi ako t*nga para ibigay sa inyo ito. Lalasunin niyo lang ang mutya at gagamitin sa masama. Kunin mo kung kaya mo, ni hindi ka nga makalapit 'di ba?" Humalakhak si Esmeralda at muling hinagulit ang aswang ng lubid. Ito lamang ang nangahas na kalabanin siya habang ang iba ay nanatiling nakamasid, naghihintay ng pagkakataong makasalisi ng atake, pero dahil nasa likod niya si Dodong at nagbabantay, walang nangahas na gumalaw.

"Kahit kailan talaga, sagabal ka sa amin!" Sigaw ng nilalang sa malaki at malahalima2 nitong boses. Nang akmang susugod na ito kay Esmeralda ay mabilis naman tumalilis si Dodong at sinalubong ang halimaw. Buong lakas na itinarak ng bata ang hawak na itak sa leeg ng nilalang. Bumaon ang kalahati ng talim ng itak sa leeg ng nilalang at bumulwak ang d*go nito. Walang pag-aatubiling hinatak naman ng bata ang itak, dahilan para mahiwalay ang ulo ng nilalang sa katawan nito.

"Ang dami mong sinasabi, naalibadbaran ako sa boses mo." Sambit pa ni Dodong at hinarap ang mga nilalang na patuloy lang na umaangil sa kanila.

"Kayo diyan, mag-isip-isip na kayo kung aatake kayo. Kung gusto niyong matulad sa pangit na to, sige sugod lang. Pero isa lang ang magiging resulta ng laban. Lahat kayo hahalik sa lupa, habang kami ni Ate Esmeralda, uuwi ng masaya!" Maangas na sigaw ni Dodong.

Bahagya pang natawa si Esmeralda dahil bigla niyang naalala ang kahanginan ni Mateo. Parehong-pareho ang mga ito kung magsalita, may yabang pero may ibibuga naman.

Noon lang din niya nakita ng harapan ang abilidad ni Dodong. Mabilis itong kumilos at ang hagupit nito ay maihahalintulad mo na sa lakas ng isang binata.

Dahil naman sa sinabi ng bata, dahan-dahang nagsi-atrasan ang mga aswang. Walang nangahas na umatake sa kanila.

"Iyan, ganiyan dapat, huwag na kayong babalik, dahil kung makikita ko pa kayi sa gubat na ito, pati pang-upo niyo ay hihiwain ko ng pinong-pino." Banta ni Dodong. Malakas na tawa ang kumawala sa bata nang makitang nag-uunahan nang makatakas ang mga aswang.

"Mga duwag naman pala ang mga iyon. Akala ko ba mabagsik ang mga aswang dito. Wala pa rin pala silang panama sa mga itim na tamawo na nakakasagupa ko eh."

"Hindi talaga lalaban ang mga iyon sa'yo. Kitang-kita nila kung paano mo walang kahirap-hirap na pinutol ang ulo ng kanilang pinuno eh. At isa pa, mga ordinaryong aswang lang ang mga iyon. Kung hindi asbo, marahil kiwig ang iilan sa mga iyon."

"Gano'n ba ate? Sayang naman pala, akala ko pa naman may mahirap tayong makakalaban. Balak ko pa sanang magpakitang gilas sa'yo eh. Hindi mo tuloy nakita ang umaatikabong aksyon kapag lumalaban na ako." Wika ni Dodong habang umaarte pa itong tila may kinakalaban. Natawa lang si Esmeralda at pinagpatuloy na nila ang paglalakad pabalik sa munting baryo nila Dodong.

Malalim na ang gabi nang makabalik sila, naghihintay naman sa labas ng kubo si Apo Salya na tila kanina pa naghihintay sa kanila. May maliit na siga sa harapan ng bahay at nangangamoy din ang usok na galing sa sinunog na kora at goma.

"Lola, nakabalik na kami." Masiglang anunsyo ni Dodong.

"Ang kulit mo talagang bata ka, pinag-alala mo na naman ako ng husto. Esmeralda, hindi ba pinasakit ng batang ito ang ulo mo?"

"Hala,si lola, hindi ako nagkulit sa lakad ni ate, tinulungan ko pa mga siyang marating nang mas maaga roon."

"Totoo po iyon lola, malaki po nag naitulong ni Dodong sa akin." Tugon ni esmeralda habang nakangiti.

"O 'di ba, ikaw lang talaga lola ang walang bilib sa akin eh. Nakakatampo ka naman lola." Sumimangot si Dodong at pinagkrus pa nito mga braso.

"Hay naku, ang dami mo talagang palusot. Ay siya, tara na sa loob, naghanda na ako mg hapunan. Esmeralda, dito ka na magpalipas ng gabi, magpalit ka na rin muna ng damit roon at baka magkasakit ka pa diyan sa suot mo." Utos ng matanda at sabay-sabay na silang pumasok sa loob ng kubo nito.