"Mas mahirap na kalaban ang mga taong hindi natin inaakalang kalaban na pala natin. Hindi natin alam, kapag nakatalikod na tayo ay saka nila tayo sasaksakin." Dagdag na wika naman ni Esmeralda.
"Ano na ho ang plano natin Don Hernan? Ngayong nabawasan na ang bilang ng mga aswang, siguradong nasa problemadong sitwasyon na ang panig ni Don Pablo. Sa tingin ko oras na para ikaw naman ang kumilos." Untag ni Ismael at napatango naman ang Don.
"Bukas, saktong kaarawan ng anak niyang si Criselda, dadalaw ako sa tirahan niya para magbigay ng regalo at pagbati. Kaya niyo bang pumasok nang hindi natutunugan?" Tanong ni Don Hernan sa kanila.
"Kami na po ang bahala doon Don Hernan, mag-iingat kayo, mahinang proteksyon lang ang maibibigay namin sa inuo para hindi makatunog ang kaibigan niyo at ang mga aswang sa paligid. Pero huwag kayong mag-alala, dahil kaya pa rin kayong protektahan nito laban sa mga karaniwang aswang na tauhan ng Don Pablo na iyon." Saad ni Ismael. Iniabot naman ng lalaki ang isang kuwentas na may hugis bala na palawit.
"Salamat dito, nananalig akong magiging maayos ang lahat. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa tulong niyo." Mahinahon nang wika ni Don Hernan. Hapon na nang muling maibalik ang buntis na nagpresenta bilang pain sa mga aswang.
"Maraming salamat sa tulong mo, napakalaki ng naitulong mo sa amin para magapi ang mga aswang, tapos na ang misyon mo kaya, magpahinga ka na muna dito. Ligtas ka na rito at hindi ka na magagambala pa ng mga aswang." Wika ni Esmeralda.
"Walang anoman, bayan din naman namin ito, naisip ko lang na, kung hindi ako kikilos, mananatili ang takot at pangamba sa amin. Paano namin isisilang ng matiwasay ang aming mga supling kung ganitong wala pa man ay may banta na sa amin?" Tugon ng babae.
"Napakatapang mo hija, halika na, may inihanda akong pampainit ng sikmura, makakapagpahinga ka na rin dito." Sabad naman ni Nanay Merly at inalalayan na papasok ang babae. May kalakihan na rin kasi ang tiyan nito at sa hinuha nila ay kabuwanan na ng babae.
Nang araw ding iyon, ginamit nila ang lahat ng oras nila para maghanda. At habang naghahanda sila ay inihahanda rin ni Don Hernan ang sarili niya.
Pinatawag niya sina Esmeralda kinahapunan at nagtipon-tipon sila sa sala ng mansyon. Kasama ang iilan sa mga tauhan niya at mga tanod ni Kapitan, binuksan niya ang isang malaking baul na naglalaman ng mga sandatang kalimitang ginagamit ng mga manunugis laban sa nga aswang.
"Walang ibang panlaban na gagana sa mga aswang kun'di ito. Tanggapin niyo ang mga ito, nagmula pa ito sa angkan namin at nababasan ito ng mga albularyo noon." Wika ni Don Hernan.
Unang lumapit si Ismael at sinuri ang mga sandata. Karamihan doon ay buntot-pagi at mga bolo. May mga nakasamang pana at palaso rin doon at punyal.
"Mas magiging mabisa nga kung ito ang gagamitin. Sige na kumuha na kayo, huwag na tayong mag-aksaya ng panahon. Kaunting oras na lang para kabisaduhin niyo ang paggamit ng mga ito." Wika naman ni Ismael.
Kinuha ni Mateo ang bolo at ang pana at palaso. Isa-isang lumapit naman ang iba sa baul para kumuha ng magiging sandata nila. Matapos ay dumiretso na sila sa likod ng mansyon para magsanay sa paghawak ng kanilang gagamitin.
"Ayos lang ba talaga iyon Don Hernan. Ramdam ko na bukod sa basbas ng mga albularyo ay maybmga baong mutya ang bawat sandata." Tanong ni Ismael, ngumiti naman si Don Hernan at umiling.
"Wala iyan para sa tulong na maibibigay nila sa pagliligtas sa aking anak at apo." Nakangiting tugon naman ng matanda.
"Matanda na ako at hindi na ako ang dating ako. Hindi ko na kayang makipagsabayan sa mga aswang tulad noong kabataan ko. Panahon na siguro para naman maibigay ang pangangalaga sa mga sandatang iyon sa mga henerasyon ngayon. Nakita ko naman sa kanila na disidido sila. Kung darating ang panahong ayaw na nila, maaari nilang ipamana iyon sa mga susunod pang henerasyon." Dagdag pa ng matanda.
Naunawaan naman ni Ismael ang nais ipahiwatig ng matanda. Kinahapunan, maaga pa silang nagsipagpahinga. Sa pagsapit ng gabi, sama-samang naghapunan ang lahat ng tao sa loob ng mansyon. Kasama ang limang buntis ang mag-anak ni Kaled, sina Esmeralda, Mateo at Ismael at si Nanay Merly, taimtim silang nag-alay ng panalangin bago ang hapunan.
Matapos ang hapunan ay nagpababa lang sila ng kinain at agad na ring nagsitulog.
Kinaumagahan, alas nuebe nang gumayak si Don Hernan kasama si Esmeralda bilang alalay niya. Hindi na niya isinama pa si Hanna dahil ayaw niyang makita nito ang mangyayari roon.
"Nailagay ko na ho, Don Hernan ang mga regalo sa sasakyan, aalis na ho ba tayo?" Tanong ni Esmeralda na noo'y nakabihis na ng simple ngunit mas pormal nang damit. Tatlong lalaki naman ang kasama nila kabilang si Mateo bilang bodyguards kunwari ng Don at isang driver na siyang magmamaneho ng sasakyan.
Habang sina Ismael naman kasama si Amihan at ang ibang kasama nila ay papasok lamang kapag natanggap na nila ang hudyat ni Esmeralda.
"Oo, nakahanda na ba ang lahat, tayo na at baka tanghaliin pa tayo." Wika naman ng Don, suot-suot na niya ang masaya niyang mukha na animo'y walang kaalam-alam.
Nasa kasunod na bayan ang inuupahang bahay ni Don Pablo, bagama't hindi malayo, napakapangit naman ng daanan patungo roon na siyang nagpapatagal sa kanilang byahe. Masyado kasing malubak ang daanan at kaliwa't kanan at taniman ng tubo o di kaya naman ay kugunan.
Eksaktong alas-onse naman nang marating na nila ang mas maayos na daanan at doon na mas naging matiwasay ang byahe nila. Medyo liblib rin ang bahay na iyon, nahihiwalay ito sa mga kabahayan at ang mismong bahay ay napapalibutan ng mga puno ng santol.
Huminto ang kanilang sasakyan sa harap ng isang malaking tarangkahan. Agad naman itong nagbukas nang magpakilaka si Don Hernan. Nang mapasok na nila ang lugar ay agad na umikot sa paligid ang mga mata ni Esmeralda. Pare-pareho nilang nakita ang pagkulo ng langis na hawak nila.
"Kumpirmado, Don Hernan, may mga aswang nga rito." Mahinang bulong ng isang lalaki sa tabi ng Don.
"Huwag kayong pahahalata, malalakas ang pakiramdam ng mga iyan. Unakto lang kayong normal." Bulong rin ni Esmeralda. Tinanguan niya si Mateo at tumugon rin ito ng tango sa kaniya.
Naunang lumabas si Esmeralda at inalalayan si Don Hernan pababa ng sasakyan. Nakaalalay ang dalaga sa matanda hanggang sa marating nila ang harapan ng bahay kung saan naghihintay ang kaibigan nitong si Don Pablo.
Kunot-noo at may gilat sa mga mata nito. Maaninag rin ni Esmeralda ang pagkabalisa sa sistema ng matanda. Animo'y hindi talaga niya inaasahan ang kanilang pagdating.
"Amigo, kamusta!" Masyang bati ni Don Hernan.
Nag-aalangan man ay walang nagawa si Don Pable kun'di ang sagutin ang kaibigan.
"Amigo, nasorpresa mo naman ako, anong sadya natin bakit ka naparito?" Tanong ng matanda.
"Kaarawan ngayon ni Criselda, narito ako para personal na ibigay ang aking regalo. Nais ko ring kamustahin ang anak mong iyon." Tugon ni Don Hernan.
Saglit na nalukot ang ekspresyon ng mukha ni Don Pablo, napakabilis lang niyon ngunit hindi ito nakatakas sa paningin ni Esmeralda.
"G—gano'n ba amigo, halika, pason kayo, pasok." Agad na tugon ni Don Pablo nang makabawi.
Nagyakap pa amg mga ito at masayang nag-akbay papasok sa bahay nito. Si Esmeralda naman ay inutusan na ang mga kasama nilang lalaki na ipasok ang mga regalong inihanda ni Don Hernan para sa anak ng kaibigan niya. May limang kahon iyon na nababalot pa ng makukulay na papel.
"Napakarami naman yata ng regalong inihanda mo amigo, hindi na bata si Criselda para regaluhan ng ganyan." Natatawa pang wika ni Don Pablo, sa kabila ng tawa nito ay nahimigan ni Don Hernan at Esmeralda ang pait sa bawat katagang binibitawan ng matanda.
"Naku, hayaan mo na at ilang kaarawan na rin niya ang pinalagpas ko. Sa ganitong paraan man lang ay makabawi ako sa inaanak ko. Nasaan na ba siya?" Tanong ni Don Hernan at natigilan naman si Don Pablo.
Napatingin siya sa kaibigan at tila hindi alam ang sasabihin. Nagtatakang napakunot naman ang noo ni Don Hernan dahil sa biglang pagbabago sa timpla ng ekspresyon ni Don Pablo.
"Bakit amigo, may problema ba?" Tanong niya at napabuntong-hininga naman ang kausap.
"Nais mo ba talaga siyang makita?"
"Oo naman!"
"O siya, sige, pero mamaya na. Doon muna tayo sa sala at nang makapag-usap." Nakangiting wika ni Don Pablo. Sumang-ayon naman si Don Hernan at sumunod na sa kaibigan.
Magkaharap sila sa sofa at doon ay sinimulan nilang balikan ang kanilang pinagsamahan noon. Tahimik lang naman na nakikinig si Esmeralda sa mga ito habang ang paningin naman niya ay nakamasid sa paligid. Nang makita niya ang isang ginang na may dalang inumin at pagkain ay umalerto naman siya.
"Amigo, uminom ka muna at kumain. Mamaya-maya lang ay nakahanda na rin ang tanghalian. Pasensiya ka na hindi ko alam na darating ka kaya hindi ko ito napaghandaan." Wika ni Don Pable.
Mabilis naman kumilos si Esmeralda at magalang na sumabad sa usapan ng dalawa.
"Paumanhin po Don Pablo, mahigpit na bilin kasi ng doktor ni Don Hernan na bawal sa kaniya ang mga pagkaing hindi natural."
Napatingin naman sa kaniya ang matanda at agad niyang napansin ang talim ng mga titig nito.
"Oo nga pala, hindi ko nasabi amigo, tumatanda na talaga ako at mahina na rin kahit ang sikmura ko. Napakarami nang pinagbabawal. Huwag kang mag-alala at hindi naman ako magugutom, may dalang pagkain si Esme para sa akin."
"Gano'n ba, sige! Manang pakibalik na lamang nito sa kusina." Utos ng Don sa kasambahay. Hindi nakaligtas sa pang-amoy ng dalaga ang nagkukubling alingasaw ng ginang. Isa itong aswang at ang pagkaing inihanda nila para kay Don Hernan ay may lason. Iyon ang klase ng lason na hindi basta-basta malalasahan o maaamoy. Kung paano niya nalaman, iyon ay dahil nasa tabi niya si Liyab nang mga panahong iyon.