Nang mapansin ni Liyab ang kakaibang itsura at amoy ng pagkain ay agad niya itong sinabi kay Esmeralda. Doon naman pumagitna ang dalaga at gumawa ng kuwento tungkol sa mga pinagbabawal na pagkain para kay Don Hernan.
"Ako man ay tumatanda na rin, mabuti ka pa at kahit papaano ay may mga apo ka," saad ni Don Pablo at malungkot namang napangiti si Don Hernan.
"Alam mo naman siguro ang pinagdadaanan ng pamilya ko. Nawawala ang anak at isang apo ko. Hindi ko rin alam kung nasaan ang pamilya ni Danilo. Si Hanna na lang din ang natitira sa tabi ko.napakasaklap ng buhay minsan." Malungkot na wika ni Don Hernan, sa lob-loob niya, kanina pa niya nais halungkatin ang buong bahay para mahanap ang anak at apo niya. Pero dahil may plano na sila, tinikis niya ang pananabik sa mga ito at itinuon ang pansin sa mapanlinlang niyang kaibigan.
"Alam ko amigo, hanggang ngayon ba ay wala ka pa ring balita?" Tanong ni pablo sa kaniya. Umiling naman si Don Hernan at uminom ng tubig na baon nila.
"Wala pa, ni hindi ko nga alam kung buhay pa ba sila o wala na." nalulungkot niyang tugon. Sa bawat tanong ni Don Pablo at bawat tugon ni Don Hernan, nakatuon ang pansin ni Esmeralda sa ekspresyon ng nauna. Samo't saring emosyon ang nakikita niya sa mga mata nito, may poot, pangamba, takot at panibugho. Ngunit kahit anong gawin niyang pag-aanalisa, wala siyang nakikitang pagsisisi sa mata nito o di kaya naman ay awa.
Habang ang mga salita niya ay puno ng pag-aalala at awa sa kaibigan, bakas sa mga mata nito ang kasiyahan para sa pagdurusa ni Don Hernan. Napapailing na lamang si Esmeralda at lihim na naawa kay Don Hernan.
Matagal pa silang nag-usap hanggang sa muling na namang lumabas ang ginang para tawagin sila para sa tanghalian. Sumunod naman sila sa kusina at muli nang inalalayan ni Esmeralda si Don Hernan sa paglalakad.
"Huwag kang kakain ng mga pagkaing may karne Don Hernan," bulong ni Esmeralda at tumango naman ang matanda. Pagdating nila sa hapag ay nakita nila ang magarbong handa na inihanda para sa kanila.
Agad na hinanap ni Don Hernan ang anak ng kaibigan niya, nang makita niyang wala roon ang hinahanap ay hinarap naman niya si Don Pablo.
"Pablo, nasaan na si Criselda, hindi ba siya sasabay sa atin?" Inosenteng tanong ni Don Hernan. Agad na sumama ang timpla ng mukha ni Don Pablo, ilang segundo lamang iyon dahil nagawa pa rin niyang ngumiti nang sumabad sa usapan ang isang lalaki.
"Masama po ang pakiramdam ng aking kasintahan, Don Hernan. Kasalukuyan siyang natutulog kaya hindi siya makakasabay sa atin ngayon."
"Oo nga naman amigo, hayaan muna natin siyang magpahinga." Nakangiting wika pa ni Don Pablo.
Nagpaubaya naman si Don Hernan at umupo na sa kaniyang upuan. Hinayaan naman niyang si Esmeralda ang kumuha ng pagkain niya, tahimik na pinagsilbihan ng dalaga si Don Hernan, hindi alintana ang masasamang tinging ipinupukol sa kaniya ng mga nakaupo sa harap ng hapag lalo na si Don Pablo at ang lalaking nagsalita kanina.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagkain ay tila hindi na nakapagtimpi si Don Pablo. Marahas na inilapag nito ang hawak na kubyertos sa mesa at naglikha iyon ng malakas na tunog na ikinagulat naman ni Don Hernan.
"Amigo, sadya yatang binabastos mo ako?" Wika ni Don Pablo. Maang na napatingin naman sa kaniya si Don Hernan at marahang inilapag ang hawak na kubyertos sa plato.
"Anong ibig mong sabihin, amigo? Hindi ko yata maintindihan, sa paanong paraan kita nababastos?"
"Lahat na lang ng inihanda ko ay tinatanggihan mo, hindi ka naman ganiyan dati," sumbat ng matanda. Marahang natawa si Don Hernan at animo'y hindi pinansin ang matalim na titig ng kaibigan.
"Sinabi ko naman sa iyo, tumatanda na ako at marami ng bawal sa akin, gulay at prutas na lang ang kinakain ko ngayon, umiiwas na talaga ako sa mga karne," marahang tugon ng Don at lalong nanggigil sa galit ang kausap.
Kuyom ang palad, inihampas ng matanda ang kamao sa mesa. Nanlalaki naman ang mata ni Don Hernan sa iginawi ng matalik niyang kaibigan.
"Tama na, tama na ang pagpapanggap. Hernan, ngayong nandito ka na. Oras na para maningil ako sa lahat ng atraso mo." Galit na sigaw ni Don Pablo. Bakas sa mukha nito ang panggigigil, halos malukot nang husto ang mukha ng matanda at namumula rin ang mukha nito sa sobrang galit.
"Atraso, baka nagkakamali ka, Amigo," sambit ni Don Hernan.
"Hindi ako nagkakamali, napakalaki ng atraso mo sa akin Hernan. Sinira mo ang masayang buhay na pinangarap ko para sa akin at sa anak ko!"
Nagimbal si Don Hernan sa narinig. Napakuyon ng palad ang matanda at tiim-bagang na tinitigan ang kaibigan.
"Kaya mo ba ginagawa ang lahat ng ito? Kaya ba pinapat*y mo si Danilo? Kaya ba dinukot at pinahihirapan mo ang anak at apo ko? Kaya ba pinakulam mo si Hanna? Ano ba ang atraso ko para gawin mo ang lahat ng iyon?" Sumbat ni Don Hernan, nanlalaki ang mga mata ng kausap dahil sa narinig.
"Alam mo?" Gulat na tanong ni Don Pablo. Pagkaraan ng ilamg segundo ay sumilay ang nakakalokong ngisi sa labi ng matanda.
"Kung gano'n hindi na pala ako mahihirapan, oo ako ang gumawa ng lahat ng iyon. Dahil sa anak mo nawala ang nag-iisa kong anak, dahil sa'yo nasira ang buhay ko. Dahil sa'yo, tinalikuran ko ang liwanag at niyakap ko ang kadilimang kinamumuhian ko."
"Kung ano man ang ginawa mo sa buhay mo, desisyon mo iyon. Walang kinalaman si Danilo roon. Traydor ka Pablo, gin*go mo ako. Anak ko ang pinat*y mo. Ibalik mo sa akin si Grace at Hazel!" Sigaw ni Don Hernan at doon na nagsitayuan ang mga tao sa hapag. Nanlilisik ang mga matang pinalibutan sila ng lima katao. Alam ni Esmeralda na lahat ng taong naroon ay hindi normal at purong mga aswang kaya naman nakangisi siyang tumayo sa likuran ng Don.
"Sige, sugod. Para makita niyo ang hinahanap niyo. Akala niyo ba nagpunta kami rito nang hindi handa?" Patuyang wika ni Esmeralda. Hinugot niya mula sa kaniyang beywang ang nakataling buntot-pagi at hinataw ito sa hangin. Agad na nagsipag-angil ang mga nilalang at bahagya pang nalukot ang mga mukha ng mga ito.
"O, ano, hindi kayo makapagpalit ng anyo? Hindi kami t*nga para magpaabot ng gabi rito. Kung ako sa inyo, ibalik niyo sa amin ang ang mga binihag niyo. Iyon lang naman ang nais namin." Wika ni Esmeralda. Bawat nilalang na magtatangkang lumapit sa kaniya ay hinahagupit niya ng buntot-pagi. Bagaman nasa katawang-tao pa rin ang mga ito ay nasasaktan pa rin sila sa bawat pagtama ng buntot-pagi sa balat nila.
Agad na inilayo roon ni Esmeralda ang Don at lumipat sila sa sala kung saan nakatayo na sina Mateo.
"Tapos na kami sa labas Esme, lahat sila naigapos na namin at siguradong katakot-takot na sakit ang dadanasin nila kapag magpapalit sila ng anyo mamaya." Anunsyo ni Mateo.
"Don Pablo, alam na namin na kayo ang ugat ng lahat ng pat*yan sa bayan namin at sa mga karatig bayan," wika pa ng kapitan.
Sa halip na matakot ay tila baliw na natawa si Don Pablo sa mga nangyayari.
"Talaga ba? Kung gano'n, hayaan niyong ihayag ko sa inyo ang totoong pinagmulan ng lahat ng ito." Humahalakhak na wika ni Don Pablo. Para itong baliw na tumatawa hanggang sa tuluyan itong napatigil at prente itong naupo sa malkaing upuan.
"Hindi ka pa rin nagbabago Hernan, sa buong buhay natin, isa ka sa pinakamasuwerteng tao na nakilala ko. Masuwerte ka sa buhay, sa anak at sa asawa. Sa lahat na lang ng bagay ikaw ang masuwerte." Panimulang sumbat ni Don Pablo. Bawat salitang binibitawan nito, nakahalo roon ang inggit at galit. Hanggang sa umabot ito sa punto ng usapan nila noon na pagpapakasal sa nag-iisa niynag anak sa panganay ni Don Hernan.
Hindi makapaniwala si Don Hernan sa nalaman. Nagpakamat*y si Criselda dahil hindi natuloy ang kasunduan, nag-iwan ito ng katagang kung hindi rin naman sila ni Danilo ang para sa isa't isa, para saan pa ang buhay niya.
Dahil walang ibang pamilya, at si Criselda ang natatanging naiwan sa kaniya. Nakipagkasundo si Don Pablo sa mga aswang na buhayin ang anak niya. Kapalit nito ang pagtulong naman niya sa mga aswang na manghagilap ng pagkain. Niyakap ni Don Pablo ang kadiliman noon ay nilalabanan nila nang magkasama.
Nanlulumong napapailing lang si Don Hernan sa kinalabasan ng lahat. Inaamin niyang may pagkakamali siya. Hindi na sana sila humantong sa ganito kung hindi na lamang siya pumayag sa kasunduan noong una pa lang.
"At dahil sa anak mo, kaya ang pinakamamahal kung anak ay parang hayop na kumakain ng mga bangkay. Hindi masilayan ang araw at palaging wala sa kaniyang sarili."
"Walang kasalanan si Don Hernan sa nangyari sa anak mo Don Pablo. Ikaw ang nagdesisyon mg lahat, ikaw ang nagdala sa anak mo sa pagdurusa niya. Pinili niya ang mawala dahil ayaw na niyang maghirap pero binuhay mo siya para maghirap ng habang buhay. Hindi ka ba nakokonsensya sa ginawa mo? Bakit si Don Hernan ang sinisisi mo. Pareho kayong nawalan dahil lumayo din nag anak niya sa kaniya." Laban ni Esmeralda ngunit lalo lamang nanlisik ang mga mata ng matandang Don. Tila hindi na nito iniintindi ang lahat at wala nang umiikot sa sistema niya kundi galit.