Hindi matapos-tapos ang sumbatan at paliwanagan sa pagitan ng dalawang Don dahil naging sarado na ang puso at isip ng isa. Mabilis na lumipas ang oras hanggang sa hindi nila namalayan ang tuluyang pagbabadya ng paglubog ng araw.
"Nais mong makita si Criselda hindi ba? Sige, pagbibigyan kita." Nakangisi siyang tumingin sa matangkad na lalaki at tumango naman ito. Bahagya pa itong umangil bago nilisan ang sala.
Sa pagbabalik nito, hatak-hatak na nito ang isang malaking hawla. Umalingasaw ang amoy ng nabubulok na laman sa buong bahay at kamuntikan pang maduwal si Don Hernan. Awtomatikong napatakip naman sina Mateo at Esmeralda sa kanilang mga ilong.
"Criselda, anak, narito ang ninong Hernan mo, kamustahin mo siya!" Humahalakhak na wika ni Don Pablo at ginising ang nilalang na nakayukyok sa hawla.
Dahan-dahang nagtaas ito ng mukha at bumungad sa kanila ang naaagnas nitong mukha, buhaghag ang manipis nitong buhok na tila nauubos na rin. May mga uod pang labas-masok na sa kalamnan ng bawat parte ng katawan ng babae. Halos wala na itong pinagkaiba sa isang nabubulok na bangkay, pero ang mas nakakapangilabot do'n, ang nanlilisik nitong mga mata at ang mga matutulis nitong pangil na nangingitim na. Nakaririmarim ang buong kabuuan ng babae at tila naitulos si Don Hernan sa kinatatayuan nito.
"Ano, Hernan, bakit hindi ka makakibo diyan?" patuyang tanong ni Don Pablo sa kaniya, nawala na ang maamo nitong mukha at napalitan ito ng mabalasik na anyo na makikita mo lamang sa mga taong nawawala na sa sariling pag-iisip.
"Anong ginawa mo sa anak mo Pablo, bakit nagkaganito si Criselda?" Kahit papaano ay napamahal na sa kaniya ang babae, dahil inaanak nga niya ito at nakita niya ito mula pagkabata hanggang sa magdalaga ito.
Pagak na tumawa si Don Pablo, nanlilisik ang mga matang binalingan niya ng tingin ang kaibigan.
"Huwag mo akong pakitaan ng huwad mong awa Hernan, kung naaawa ka, hindi mo dapat hinayaan ang anak mo na iwan si Criselda? Siya ang nagtulak sa anak ko para magpakamat*y, siya rin ang nagtulak sa akin na gawing halimaw ang aking anak, para lang may makasama ako!" Sigaw ni Don Pablo.
"Ikaw lang ang nagdesisyon ng lahat ng ito. Hindi mo man lang isinalang-alang ang nararamdaman ng anak mo. Sa palagay mo ba natutuwa siya sa kinahinatnat ng katawan niya? Sa palagay mo ba malaya ngayon ang kaluluwa niya? Isinangla mo ang kaluluwa niya sa d*monyo, Pablo. Pinahirapan mo lang ang anak mo." Giit ni Don Hernan, nais sana niyang lapitan ang nakahawlang nilalang, ngunit mabilis siyang pinigilan ni Esmeralda.
"Don Hernan, hindi na siya ang babaeng kilala mo dati. Huwag kang lalapit, dahil nakikita kong wala nang kaluluwa ang isang iyan. Ang mutyang inilagay sa katawan niya ay kompleto na at hindi na siya maibabalik sa normal, kamatayan na lamang ang magpapalaya sa kaniya at sa kaniyang pagod na kaluluwa." Wika ni Esmeralda at nanlaki naman ang mata ni Don Pablo at mabilis na humarang sa hawla.
"At akala niyo ba ay papayag ako sa balak niyo? Magkakamatayan muna tayo. Tutal narito na lang din kayo, ako na ang magpapasiya ng inyong paglaho sa mundong ito." Galit na sigaw ni Don Pablo, isang baril ang mabilis na hinugot ng matanda sa tagiliran nito at mabilis na itinutok iyon sa ulo ni Don Hernan.
Napakaiblis ng mga pangyayari, bago pa man makakilos si Esmeralda ay nagawa nang itutok ni Don Pablo ang baril nito kay Don Hernan.
Kasabay ng mabilis nitong galaw ay ang pag-angil naman ng mga taong nakapalibot sa kanila. Nang ilibot ni Esmeralda ang paningin, napansin niyang nanlilisik na ang mga mata ng mga taong iyon, may iilan pang nangungulubot na ang mga mukha.
"Nagsisimula na silang magbago ng anyo," alistong wika ni Mateo, mahigit ang pagkakahawak niya sa hawak na itak at tumayo sa gilid ni Esmeralda.
Hindi sila makagawa ng aksyon dahil sa pangambang makakalabit ni Don Pablo ang gatilyo at mapahamak nang wala sa oras si Don Hernan.
"Akala niyo ba ay naisahan niyo na ako? Akala niyo ba matatalo niyo ako kung maigapos niyo man ang mga tauhan ko sa labas? Wala sa labas ang malalakas, kun'di narito sa loob." Wika ni Don Pablo at isa sa mga ito ang mabilis na nagpalit ng anyo at sinunggaban ang pinakamalapit na taong kasama nina Esmeralda. Napahiyaw ito sa gulat at muling napasigaw nang tumusok sa kalamnan nito ang matatalas ng kuko ng nilalang.
"Sige, sugod!!!" sigaw ni Don Pablo. Tulad ng inaasahan, sabay-sabay na umatake ang mga aswang na naroroon sa loob ng mansyon kasama sila. Ang malala pa, ay tila biglang dumami pa ang bilang ng mga iyon. Nasa walo lamang ang bilang nina Esmeralda, kasama si Don Hernan subalit ang mga kalaban nila ay nasa higit sa sampo o dalawampu. Hindi na ito napagtuunan ng pansin ni Esmeralda dahil naging abala na siya sa pagsangga sa mga atake ng mga nilalang, habang ginagawa ito ay itinutuon din niya ang pansin sa pagprotekta sa matandang Don. Bagama't, may hawak na buntot-pagi ang matanda at matapang rin itong nakikipaglaban sa mga aswang kasama sila, matanda pa rin ito at marami na itong kahinaan.
Ibang-iba ang lakas at bilis ng mga aswang kumpara sa mga tao, kaya hindi maiiwasang masugatan sa labanang iyon. Mahapdi at masakit ang bawat kalmot na galing sa matutulis na mga kuko ng mga nilalang. At halos lahat ng kasama nila ay may mga sugat nang iniinda. Si Mateo at Esmeralda lang talaga ang nananatiling wala pang tama. Gayon pa man, doble rin ang hirap nila sa pakikipaglaban sa mga aswang na halos sabay-sabay na umaatake sa kanila.
Mabilis na initak ni Esmeralda ang papasugod na babaeng aswang sa kaniya, tinamaan niya ito sa balikat ngunit patuloy pa rin ito sa pagsugod na tila hindi iniinda ang sakit. Akmang kakalmutin sana siya ng nilalang nang mabilis siyang umilag at sinipa ito ng ubod nang lakas. Natumba ang aswang at nagkaroon ng pagkakataon si Esmeralda na sabuyan ito ng asin.
Humiyaw sa sakit ang babae at naitakip ang kamay sa mukha niyang tinamaan ng butil ng mga asin na ngayon ay umuusok na at tila ba naaagnas pa. Parang pinaghalong tunog ng kinakatay na baboy at nasaktang aso ang tunog na lumalabas sa lalamunan ng nilalang.
"Nakakatuwang makitang nahihirapan ka Hernan, hindi ka ba nakokonsensiya? Nagdala ka pa talaga ng mga tao rito para lang isama sa paghihirap mo?" patuyang wika ni Don Pablo habang humahalakhak ng malakas. Sa kabila ng samo't saring palahaw, hiyaw at angil sa buong paligid, nangingibabaw ang maladem*nyo nitong tawa. Tila hayop na nagwawala naman mula sa hawla nito si Criselda, pilit inaabot ang mga dugong nagkalat sa sahig.
"Baliw ka na Pablo, pati anak mo pinahihirapan mo, dahil lang sa ano? Takot kang mag-isa? Hindi mo man lang naisip na dahil sa ginawa mo, lalo mo lang inilagay sa kapahamakan ang anak mo." Sigaw ni Pablo habang patuloy na hinahataw ng hawak niyang buntot-pagi ang aswang na nais siyang atakihin.
"Huwag mo nang pag-aksayahan ng laway ang taong iyang Don Hernan, hindi rin niya maiintindihan dahil nabulag na siya ng kaniyang galit sa'yo. " Wika ni Esmeralda at mabilis na pintulan ng ulo ang aswang na hawak niya. Inihagis ito ni Esmeralda sa paanan ni Don Pablo na ikinagitla naman ng matanda.
"Mga mabababang uri lang ang mga ito, hindi ko kailangan ang kanilang mga bato. Mateo, punteryahin niyo ang kanilang mga tiyan, sa bandang ilalim ng kanilang pusod dahil nandiyan ang kanilang mga mutya." Sigaw ni Esmeralda at umalerto naman ang kaniyang mga kasama.
Dahil hindi nila masabayan ang mga aswang, pinagtulungan ng iba ang mga ito. Samantalang sina Mateo at Esmeralda naman ay walang kahirap-hirap na pinapatumba ang mga kalaban at walang pagdadalawang-isip na itinatarak ang kanilang mga punyal sa parteng sinabi ng dalaga.
Nagmistulang digmaan ang naganap sa loob ng mansyon ni Don Pablo. Walang kaalam-alam ang mga kabahayan sa labas sa mga nangyayari sa loob. Dahil nagsisimula nang gumabi ay wala na ring namamataang tao sa labas. Malayo rin ang agwat ng susunod na bahay dahilan para walang nakapansin sa nakaririmarim na labanan sa loob.
"Sumuko ka na Pablo, ibalik mo na sa akin ang anak at apo ko." Muling pagsusumamo ni Hernan, kahit papaano ay itinuturing pa rin niyang kaibigan ang matanda. Bagama't galit siya, naroroon pa rin ang awa at simpatiya niya sa lalaking naging kasangga niya noon.
"Hindi ako susuko!" Sigaw ng matanda at mabilis kinalabit ang baril na hawak niya. Bago pa man niya ito makalabit ay tila kidlat na nasipa ni Esmeralda ang kamay ni Pablo dahilan para ang balang tatama sana sa dibdib ni Don Hernan ay lumihis at dumaplis sa braso ng matanda.
Parehong natumba ang dalawang matanda, ang isa ay dahil sa tama ng baril at ang isa naman ay dahil sa sipa ni Esmeralda. Akmang itatarak na ni Esmeralda ang punyal kay Don Pablo, biglang lumitaw naman si Liyab upang pigilan siya.
"Esme, tandaan mo, tao siya!" Malumanay na wika ni Liyab at tila nahimasmasan naman si Esmeralda. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang halos gahibla na lang ang pagitan ng talim ng punyal sa dibdib ng matanda.
Dahil sa galit ay saglit siyang nawala sa sarili, mabuti na lamang at naroroon si Liyab upang pigilan siya.
Maingat na kinuha ni Liyab ang punyal sa kamay ni Esmeralda at mabilis na inihagis iyon sa papasugod na aswang. Bumagsak nang walang buhay ang nilalang at marahas namang napabuntong-hininga si Esmeralda.
"Muntik na naman ako, salamat Liyab." Pasasalamat ng dalaga at tumayo na. Nang ilibot niya ang paningin sa paligid ay nakita niyang halos napatumba na nila ang mga aswang sa loob ng mansyon. Karamihan sa mga ito ay tiktik at maliit na bilang na lang ang mga matrukulan. Nang mapabaling naman siya sa aswang na nasa hawla ay napailing na lamang siya.