Chapter 36

Itinali nila sa isang bangko si Don Pablo, habang ang mga katawan naman ng mga aswang ay tinipon nila sa labas ng bakuran at doon sinunog kasama ang mga bato nila.

"Sigurado ka bang hindi mo na kukunin ang mga mutya sa katawan nila?" Tanong ni Liyab sa dalaga. Umuling si Esmeralda habang pinagmamasdan ang apoy na tumutupok sa katawan ng mga aswang.

"Hindi na kailangan, mababang uri sila at hindi pa sila ang matataas na uri ng kanilang lahi." Tugon ni Esme at bahagya namang natawa si Liyab.

"Sabagay, may punto ka naman. Pero alalahanin mo, kailangan mo pa rin kumuha ng mutya ng mga aswang, hindi maaari ang laging ganito." Paalala ni Liyab.

"Sapat na ang mutyang kukunin ko sa nilalang na nasa hawla. Kakaiba ang isang iyon dahil patay na siya nang malagyan ng mutya at muli siyang nabuhay bilang isang aswang. Nalalapit siya sa lahi ng maranhig pero kakaiba dahil ang mutya niya ay kagaya sa mga tiktik." Saad ni Esmeralda.

"Mas delikado ang mutya na iyan dahil maaari itong gamitin ng mga taong ganid sa kapangyarihan. Kaya ang mutyang iyan ang kukunin ko." Dagdag pa ni Esmeralda at pumasok na sa loob ng mansyon.

"Anong gagawin mo, lumayo ka kay Criselda!" Sigaw ni Don Pablo habang pilit na nagpupumiglas na makawala sa pagkakatali niya.

"Hindi niya kasalanan kung bakit siya nagkaganito. Biktima lang din siya, kaya hindi ako ang kukuha ng mutya, kun'di si Liyab." Wika pa ni Esmeralda at napatingin sa engkanto. Tumango naman si Liyab habang papalapit sa tabi ni Esmeralda. Bukod kay Mateo at Ismael, wala nang ibang nakakakita kay Liyab, kaya naman inakala ng lahat na si Esmeralda lamang ang gumagawa ng lahat.

Marahang binuksan ni Esmeralda ang kulungan at tila hayok na umatake sa kaniya si Criselda.

"Sige, Criselda. Pat*yin mo silang lahat!" Sigaw ni Don Pablo ngunit ang inaasahan niyang magigibg resulta ay hindi nangyari, bagkus, walang kahirap-hirap na napigilan ni Esmeralda si Criselda sa pagitan lamang nang pagpigil niya sa ulod nito.

"Magpahinga ka na, Criselda." Sambit pa ni Esmeralda. Doon na kumilos si Liyab at iniangat ang kamay patungo sa mukha ng aswang. Sapilitang napanganga ang nilalang habang may tila hindi nakikitang puwersa ang humahatak ng mutya mula sa kalooban ng aswang.

Pilit itong nagpupumiglas at nangingibabaw ang mga pag-atungal nito na sumasabay naman sa mga huni ng uwak at alulong ng mga aso na nasa labas ng bahay. Ilang minuto rin siyang nagwawala at pilit na kumakawala sa pagkakahawak ni Esmeralda, subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi nito kayang makaalpas sa pagkakahawak ng dalaga.

"Ah, Manong Mael, ano pong nangyayari, bakit hindi kayang makawala ng aswang sa mga kamay ng anak niyo?" nagtatakang tanong ng isang tanod. Napabuntong-hininga naman si Ismael at nagdahilan na lamang sa mga ito.

"Ang lakas naman ng orasyon na iyan Manong Mael, walang magawa ang aswang eh, pero ano bang ginagawa niya, bakit hindi na lang natin paslangin ang aswang, hindi ba't mas mapapadali ang pagkuha sa mutya kapag ganoon ang ginawa natin?" tanong naman ng isa pang tanod.

"Kung mga aswang na halang ang kaluluwa, oo. Pero hindi sa pagkakataong ito, biktima lang din si Criselda ng galit ng kaniyang ama, hindi niya ginusto ang maging alagad ng dilim, kaya ito ginagawa ni Esmeralda, para bigyan ng walang sakit na kamat*yan ang babae." paliwanag naman ni Ismael at nagtanguan naman silang nakikinig. Muli na nilang itinuon ang pansin sa ginagawa ni Esmeralda.

sa Pagkakataong iyon, ay hindi na nagpupumiglas ang aswang, nakatingala ito habang nakabuka ang bibig. Nanklalaki ang mga mata nito habang tila naninigas naman ang buo nitong pagkatao. May kung anong orasyon na ibinubulong si Liyab sa tabi ni Esmeralda, habang magkapatong ang mga kamay nila, hanggang sa isang itim na bato ang lumulutang palabas mula sa bunganga ni Criseld. Nang tuluyang mapasakamay ni Esmeralda ang bato ay mabilis niya itong isinilid sa botelyang may lamang langis.

Bumagsak naman ang katawan ni Criselda subalit bago pa man ito lumapat sa sahig ay tuluyan nang naagnas ang natitirang laman nito hanggang sa tuluyan na itong naging kalansay. Ganoon na lamang ang pagkagulat ng mga nanonood, at napasigaw naman si Don Pablo dahil sa nasaksihan niyang pagkawala ng kaniyang anak. Nagwawala ito habang umiiyak hanggang sa dahan-dahan rin itong huminto at natulala na lamang sa hangin.

Nanlulumong napaluhod naman si Don Hernan sa harap ng mga kalansay ni Criselda, umiiyak na humihingi ng tawad ang matanda rito. Kasalanan niya at kasalanan ng kasunduan kung bakit nasira ang mga buhay ng dalawang taong mahalaga sa kaniya— ang anak niyang si Danilo at inaanak na si Criselda. Ang pinakamasaklap pa, nasira ang matagal na nilang pagkakaibigan ni Don Pablo.

Lumipas ang gabing iyon na halo-halong emosyon ang namayani sa puso nila. Ginalugad nila ang buong bahay at natagpuan nila si Grace at Hazel sa basement ng bahay na nasa ilalim lang din nito. Halos mamayat ang mga ito at walang kalakas-lakas. Mabuti na lamang at marami silang kasamang lalaki na siyang tumulong sa pagbubuhat sa mga ito. Ni ang pagkilos ay hindi magawa ng dalawa dahil sa sobrang panghihina.

Sa kanilang paglabas sa bahay ay sumalubong naman sa kanila ang grupo nila Amihan at Kaled na siyang tumugis naman sa mga aswang na nagsubok na tumakas. Pareho pang duguan ang mga damit ng mga ito at may mga sugat rin si Kaled sa braso at mga hita nito.

"Kaled, may mga sugat ka!" nag-aalalang puna ni Don Hernan.

"Ayos lang po ako lo, kaunting galos lang po ito." saad naman ni Kaled. 

"Nagawa naming puksain ang mga aswang na tumakas kanina, mukhang nagawa niyo rin ang dapat rito. Sa wakas ay matatahimik na ulit ang bayang ito at ang bayang pinoprotektahan ko." wika naman ni Amihan at napangiti si Esmeralda.

Hindi na sila nag-aksaya pa ng oras at agad na silang bumalik sa mansyon ni Don Hernan. Pagkarating ay agad na nilapatan ng paunang lunas sina Grace at Hazel. Umiiyak na humihingi ng tawad si Don Hernan sa mga ito. Halos hindi matapos-tapos ang paghingi niya ng tawad na siyang nagpapasakit naman sa puso ni Kaled at Sylvia.

Napapayuko na lamang silang dalawa dahil noon, sobra-sobra rin ang galit nila sa taong iyon. Noong hindi pa nila alam ang totoo. Ngayon naging malinaaw na ang lahat, labis na lungkot at pagkaawa naman ang nararamdaman nila. Hindi nila alam kung paano pagagaanin ang loob ng matanda, hinayaan na lamang nila itong umiyak hanggang sa nagawa na rin nitong makontrol ang kaniyang emosyon.

"Tapos na po, lolo. Wala kayong kasalanan. Siguro nagalit man kami noon sa'yo, dahil hindi namin alam ang totoo, pero wala na po iyon, napatawad na namin kayo. Hindi kayo nagkulang, tao ka lang din at hindi ka Diyos," wika ni Kaled habang pigil ang luha. Ramdam ni Esmeralda ang emosyong nagbabadyang kumawala sa binata. 

"Salamat apo, hindi niyo alam kung gaano ako nagtiis na hindi kayo mayakap noon, para lang mailayo kayo sa mata ng kalaban. Pero mali pala iyon, dapat hindi na ako naglihim, dapat ay kinausap ko na lang ng mahinahon ang papa mo. 'Di sana'y magkakasama pa tayo ngayon." Malungkot na saad ni Don Hernan.

"Iniadya ang lahat Don Hernan, minsan kailangan nating masaktan para mas makita natin ang halaga ng bawat bagay at bawat buhay na pinagkakaloob sa atin ng panginoon. Subukan na lamang nating tanggapin ang lahat at isiping, lahat ng namayapa ay ligtas na at payapa sa kabilang buhay." Tinapik ni Esmeralda ang balikat ni Don Hernan habang mahinahong sinasambit ang mga katagang iyon.

Natahimik naman ang mag-anak at tila malalim na napaisip. Natapos ang gabing iyon na nakasama na ni Don Hernan ang pamilya niya, bagama't naroroon ang lungkot, natutuwa na rin siya dahil sa wakas ay nagawa niyang mailigtas ang anak at mga apo niya.

Kinaumagahan, maagang nagising si Esmeralda at nakaramdam agad siya ng bigat sa kaniyang katawan.

"Esme, bakit parang namumutla ka yata, dapat nagpahinga ka muna doon, tapos na ang laban." Puna ni Ismael nang makita ang anak na nakatanaw sa labas ng mansyon.

"Amang, hindi ko nga rin alam, medyo mabigat nga ang ulo ko. Hindi ako masyadong nakatulog kagabi dahil parang nababahala ako sa sitwasyon ng kubo natin sa bundok. Para kasing may nangyayaring hindi maganda roon." Sagot naman ni Esmeralda.

"Magpahinga ka muna anak. Tandaan mo tao ka lang din, makapaghihintay naman ang obligasyon na iyan." Paalala ni Ismael at napangiti naman si Esmeralda.

"Alam ko po, amang. Luya at bawang lang ang katapat nito. Panigurado magiging maayos rin ako mamaya. Kamusta na nga pala ang anak at apo ni Don Hernan?"

"Sa ngayon, maayos na ang lagay nila, kailangan lang nilang maalagaan ulit. Ginutom sila ng husto doon, at napakalaki ng ipinayat nilang dalawa, kaya kahit paggalaw ng kamay, hindi pa nila magawa. Pero naniniwala akong malakas ang dalawang iyon, dahil nagawa nilang mabuhay sa lagay na iyon." Saad ni Ismael at napatango naman si Esmeralda.

"Mabuti na lang at naabutan natin silang humihinga pa, hindi ko lubos maisip ang magiging reaksyon ni Don Hernan."

"Tama ka. Sobrang pasakit na ang dinanas ni Don Hernan, siguro naman ay nahabag na sa kaniya ang Panginoon, kaya iniwan niya ng buhay ang dalawang iyon." Wika ni Ismael at natahimik naman si Esmeralda.

Siguro nga ay tama ang kaniyang ama. Nahabag na sa matanda ang Panginoon dahil sa dami ng pasakit nito sa buhay. Nabawi man ni Don Hernan ang pamilya niya, may sugat pa rin ang puso niya dahil sa nangyari sa kaniyang kaibigan. Tuluyan nang nabaliw si Don Pablo at nanh kunin ito ng mga pulis ay idineretso na nila ito sa kulungan ng mga may problema sa utak. Hindi kinaya ng matanda na makita ang muling pagkawala ng kaniyang anak kaya tuluyan na itong nawala sa katinuan. Kahabag-habag at nakakalungkot ang sinapit nito, marahil ay iyon na rin ang naging kaparusahan niya sa lahat ng kasalanang nagawa niya. Hindi man siya mausig ng batas ng mga tao, paniguradong ang batas ng Diyos ang kaniyang kinahaharap ngayon.