Chapter 37

Lumipas ang ilang araw, nakauwi na rin ang mga buntis na kinupkop nila sa sari-sarili nilang mga pamilya at paunti-unti nang nakakabawi ng lakas si Grace at Hazel. Nakakangiti na rin ang mga ito lalo na kapag naririnig nila ang tawa mg bunsong anak ni Danilo.

Dahil naman sa magandang reaksyon ng katawan ng mga ito, ay napagdesisyunan na ring bumalik nina Mateo, Esme at Ismael sa bayan ng Luntian. Masaya silang nagpaalam sa pamilya ng Don at natuwa naman sila dahil kasalukuyan nang nakatira ang pamilya ni Kaled kasama ang lolo nila. Naging panatag na rin si Ismael dahil alam niyang naroroon lang din sa malapit si Amihan na magsisilbing tagabantay ng bayang iyon. Ano't ano pa man, alam na ng dalaga kung saan sila hahanapin, sakaling may manggulo ulit sa tahimik nilang bayan.

Halos hapon na rin nang makabalik sa bahay ang maglolo, si Mateo naman ay agad na ring dumiretso sa bukid dahil, matagal na ring napabayaan ang taniman nila. Pagdating sa bahay, agad namang sumalubong sa kanila ang bunganga ni Silma. Napapailing naman si Ismael at agad na inilagay sa loob ng kubo ang mga gamit nila bago tuluyang pumasok sa bahay at hinarap si Silma.

"Nasa labas pa lang, rinig na rinig ko na bunganga mo. Ano ba naman 'yan Silma, hindi ka ba mabubuhay kung hindi ka magbubunganga?" saway ni Ismael sa nagtatatalak nitong kapatid. Tila nagulat pa ang ginang nang makita sila roon, umayos naman ang nakakunot nitong noo at agad na nagreklamo sa kapatid.

"Paanong hindi ako magbubunganga, Kuya? Iyong magsasaka ni tatay, kay bibilis kapag uutang, pero kapag magbabayad na eh, nag-uunahan nang makahanap ng lusot. Hindi naman siguro tayo bangko para utangan lang nang utangan. Aba, ano sila sinusuwerte?" 

"Hay naku, Silma. Sino ba ang nagpautang, wala naman akong natatandaang nagpapautang tayo?" tanong ni Ismael sa ginang.

"'Yong asawa ni Marie, naawa lang naman ako doon sa kaibigan kong iyon dahil nga kabuwanan na kaya pinahiram ko para sa panganganak. Eh, nalaman ko hindi naman pala doon ginasta ng hinay*pak niyang asawa, kaya siningil ko. Ayon, ang dami nang palusot, ginagamit pa si Marie." Tugon ni Silma at nasapo na lamang ni Ismael ang noo.

"Si Nestor? Sabungero ang taong iyon at halos lahat alam na hindi talaga nagbabayad iyon. Anong aasahan mo. Alam mo na ngang mahirap singilin, pinautang mo pa." Umiiling na wika ni Ismael at naupo na sa mahabang bangko na gawa sa kawayan.

"Esme, magpahinga ka muna, lumabas ka na lang mamaya kapag maghahapunan na." Utos ni Ismael na agad namang sinunod ng dalaga dahil sa dalawang dahilan— una, pagod na talaga siya at pangalawa, ayaw niyang marinig ang mga salitang ibabato na naman sa kaniya ng kaniyang tiyahin.

Pagpasok sa silid ay agad na niyang inihagis ang sarili pahiga sa higaan niya. Dinampot niya ang unan at mabilis na isinaklob iyon sa kaniyang ulo para hindi marinig ang ingay na nagmumula sa labas.

Halos madilim na rin nang muli niyang imulat ang kaniyang mata, naramdaman niya ang malamig na kamat na humahaplos sa kaniyang pisngi.

"Esme, mabuti naman at gising ka na." Ang malumanay na tinig ni Liyab ang siyang nabungaran niya. Nakita niya itong nakatunghay sa higaan niya habang malamlam ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya. Napangiti naman si Esmeralda at marahang bumangon.

"Nakatulog pala ako," napakamot na lang si Esmeralda sa kaniyang ulo. Tahimik na rin at halatang mahinahon na ang kaniyang tiyahin.

"Bumabawi ng lakas ang katawan mo, masyadong nasagad ang lakas mo sa ginawa nating orasyon para hatakin ang mutya sa katawan ng aswang. Sa susunod, hindi na talaga ako papayag na gagawin natin iyon." Ang kaninang malamlam na mata ni Liyab ay bigla namang tumalim. Subalit saglit lang iyon dahil agad din itong napalitan ng ngiti.

"Alam ko naman, pero hindi ako mangangakong huli na iyon. Dahil kung mahaharap ulit ako sa ganoong sitwasyon, gagawin ko pa rin ang nararapat. Salamat Liyab, dahil pinahintulutan mo akong gawin iyon. Alam kong mas matindi ang epekto nito sayo, pero ginawa mo pa rin." Nakangiting wika ni Esmeralda.

"May magagawa pa ba ako? Alam ko namang matigas talaga ang ulo mo. Ang mabuti pa, pumunta ka ngayong gabi sa puno doon sa bukid, mas magiging madali ang pagbabalik ng lakas mo roon." Suhestiyon ni Liyab at agaran din ang paglaho nito. Napakamot lang ng ulo ang dalaga bago kumuha ng damit at dumiretso na sa banyo para maligo.

Matapos, ay tumungo naman siya sa sala at doon niya naabutan ang kaniyang ama habang masayang nakikipag-usap sa kaniyang lolo. Mukhang wala doon si Tiya Silma dahil tahimik ang bahay.

"O, mabui naman at gising ka na, kamusta ang pakiramdam mo?" Tanong ni Ismael nang makita siyang papalapit rito.

"Medyo maayos na po, amang. Magpapaalam ho, sana ako na doon muna ako magpapalipas ng gabi sa kubo sa bukid." Wika ni Esmeralda at nagkatinginan naman ang dalawa.

"Bakit hija, inaway ka na naman ba ng tiyahin mo?" Tanong ng lolo niya. Agad namang napailing si Esmeralda at ngumiti.

"Hindi ho, ang totoo niyan, suhestiyin po iyon ng gabay ko, kaya kailangan ko talagang manatili roon, lo." Sagot ng dalaga.

Nakakaintinding tumango naman si Ismael at mahinahong kinausap ang ama.

"Hayaan niyo na si Esme, itay. Naroon naman si Mateo para bantayan siya. Sige na Esme, magdala ka na lamang ng makakain mo roon, bukas ng umaga, papanhik rin ako sa bukid para kamustahin ang mga pananim nating halamang gamot. Mukhang kailangan nating pagtuunan ng pansin ang mga iyon." Masayang wika ni Ismael.

"Mabuti pa nga, matagal na rin akong hindi nakakabisita sa bukid, sasama na rin ako, kaysa naman maburyong ako rito at makinig sa mga reklamo ni Silma. Iyong kapatid mong iyon, walang katahimikan sa buhay. Lahat na lang pinupuna." Umiiling na wika naman ng matanda.

Matapos maihanda ni Esmeralda ang mga dadalhin ay nagpaalam na siya sa ama at lolo niya. Madilim na ang kalangitan ngunit naging tanglaw niya ang maliwanag na ilaw galing sa mga poste.

Panatag rin siyang naglalakad sa daan dahil alam niyang wala naman siyang makakasalubong na tao patungo sa bukid nang gano'ng oras.

Makalipas ang ilang minuto ay narating rin niya ang maliit na daanan patungo sa bukid ng kaniyang lolo. Tinahak niya iyon hanggang sa matanaw niya ang malaking puno ng mangga na ngayon ay nagliliwanag dahil sa mga alitaptap na namamahay roon. Dahil din sa kumpol ng mga alitaptap, nagmistulang malaking ilaw iyon sa gitna ng kadiliman sa bukid.

Natanaw rin niyang nakatingin si Mateo sa puno ng mangga habang nakaupo ito sa labas ng bahay nito. Napatayo naman ang binata nang makita siyang paparating.

"Esme, gabi na, bakit ka nagpunta rito?" Tanong ni Mateo na noo'y sumasalubong na sa kaniya. Kinuha ng binata ang bitbit niyang basket at ito na rin ang nagpasok nito sa kubo ni Esmeralda.

"Napag-utusan lang." Nakangiting tugon ni Esmeralda.

"Nagpasabi ka sana para nasundo kita kanina. Nagpunta ako kanina sa bahay niyo pero natutulog ka. May bata kasing nagpunta rito kanina at hinahanap ka. Pero ang sabi niya babalik na lang daw siya sa susunod na araw. Hindi ko na rin naitanong ang pangalan niya dahil nagmamadali siya." Kuwento ni Mateo at napatango naman ang dalaga.

"Nagdala ako ng hapunan, sabayan mo na ako." Alok ni Esmeralda at masayang tumugon naman ang binata. Ito na rin ang kumuha ng maiinom nilang tubig sa banga.

Pagkatapos kumain ay agad namang tinungo ni Esmeralda ang puno ng mangga. Doon ay tahimik siyang naupo at sumandal sa katawan nito, habang si Mateo naman ay tahimik lang din na nakamasid sa di kalayuan.

Mangha at gulat naman ang namutawi sa mukha ni Mateo nang makita niya na palibutan ng mga alitaptap si Esmeralda. Dumapo iyon sa bawat parte ng katawan ng dalaga na animo'y kinalulugdan siya ng mga ito.

Halos buong gabi na nasa ganoong posisyon lang ang dalaga at nakatulugan na rin ni Mateo ang pagbabantay rito. Naalimpungatan lamang siya nang marinig ang unang pagtilaok ng kaniyang tandang sa kabilang bakod.

Pupungas-pungas na napabalikwas si Mateo mula sa kinahihigaan niyang papag at agad na hinanap ng kaniyang mata si Esmeralda. Napabuntong-hininga lamang siya nang makitang naroroon pa rin naman ang dalaga at mukhang mahimbing na rin itong nakatulog sa ilalim ng puno ng mangga.

Hinayaan lamang niya ito at hindi na inistorbo pa, mukhang komportable kasi ang mukha ng dalaga sa pagkakahiga nito sa damuhan. Pansin rin niya ang nakapatong na tila makapal na tela na hindi niya mawari kung sa anong materyales gawa.

Dali-dali naman siyang bumalik sa bahay niya para kumuha ng kahoy na gagamitin niyang pangsiga sa kalan ng dalaga. Kinuha na rin niya ang maliit niyang takure at mabilis na bumalik sa bakuran ng kubo ni Esmeralda.

Papasikat na rin ang araw nang muling magising si Esmeralda, tulad nang inaasahan, nahing magaan na ang katawan niya at nawala na rin ang bigat ng ulo na nararamdaman niya simula nang matapos ang huling misyon nila.

Agad niyang naamoy ang mabangong sinangag at pritong tuyo at naririnig pa niya ang pagkiskis ng sandok sa kawali. Pagbangon niya ay napansin agad niya ang isang balabal na siyang ginamit na pangkumot sa kaniya. Saglit oa siyang nag-inat at binati ang mga nilalang na noo'y nakamasid lamg din sa kaniya bago tinungo ang pinanggagalingan ng mabangong amoy.