Chapter 38

Nang marating naman niya ang harapan ng kubo niya, nakita niya si Mateo na nagluluto. Hawak pa nito ang isang tasa ng mainit na kape habang, pakanta-kanta pa sa paghahalo.

Hindi napigilan ni Esmeralda ang matawa dahil sa nakita. 

"Ano ba naman 'yan Mateo, para ka namang baliw diyan. Sigurado ka bang malinis 'yang niluluto mo? Baka may orasyon na iyan ha!" natatawang puna ni Esmeralda. Napalingon naman sa kaniya si Mateo at napangisi.

"Ano bang pinagsasasabi mo, hindi ako marunong no'n." Kakamot-kamot sa ulo na sagot ni Mateo. 

"Para ka kasing nag-oorasyon eh, tinalo mo pa si amang." wika ni Esmeralda. Pareho pa silang natawa at naupo na si Esmeralda sa isang bangko 'di kalayuan naman doon sa pinaglulutuan ni Mateo.

"Mag-almusal ka nga muna, simple lang ito dahil hindi pa ako nakakapunta ng bayan para makapamili, gusto mo ba ng kape?" tanong ni Mateo habang isinasalin ang sinangag sa isang malaking plato.

Matapos ang kanilanag simpleng almusal, siya namang pagdating nina Armando at Ismael.

"Amang, ang aga niyo naman, nakapag-almusal na ba kayo?" tanong ni Esmeralda habang nagmamano sa lolo at sa ama. Kinuha naman ni Mateo ang bitbit na basket ni Ismael at pinatong ito sa papag.

"Tapos na kami, mukhang nasimulan mo nang ayusin ang taniman, Mateo, nagpahinga ka ba kahapon?" tanong ni Ismael at tumango naman ang binata.

"Opo t'yong, nagpahinga naman ako noong makabalik tayo, hapon ko na rin sinimulan ang pagbubunot ng damo sa taniman, hindi nga ako nangalahati eh," sagot ni Mateo habang napapakamot sa ulo.

"Hayaan mo na, pagtulungan na lamang natin," wika naman ni Ismael.

Makaraan ang ilang sandali ay nagismula na rin silang magtrabaho sa bukid. pinagtuunan naman ng pansin ni Esmeralda ang taniman niya ng luya. Sinuri niya kung nagkakalaman naman ba ang mga itinanim niya. Ganoon na lamang ang tuwa niya nang sa pagbunot niya ay nakita niyang malaki at marami ang laman ng luya niya.

"Aba, mukhang maganda talaga ang lupa rito, napakaraming laman naman ng luyang iyan at malalaki pa," puna ni Ismael.

"Oo nga amang, nakakatuwa." masayang wika ni Esmeralda.

Sa kalagitnaan naman ng kanilang pagtatrabaho isang ginang ang nakita nilang paparating bitbit ang isang bata. Hinahanap nito si Ismael.

"Ano pong pakay natin, ale?" tanong ni Mateo.

"Ah, hinahanap ko si Ka Ismael, 'yong albularyo, ipapahilot ko sana itong anak ko." malumanay namang sagot ng ginang.

"Ako ho si Ismael, napano ho ba ang bata?" Tumayo ng tuwid si Ismael mula sa kinayuyukuan nitong lupa at napatitig sa bata.

"Amang, kami na po muna dito, tingnan niyo na po muna ang bata, mukhang may iniindang sakit eh." saad ni Esmeralda habang matamang nakatingin sa bata. Mula sa basket ng luya na naipon niya, ay kumuha siya ng luyang itim doon at ibinigay kay Ismael.

Nakakaunawang tumango naman si Ismael at inakay na ang mag-ina na sumunod sa kaniya.

"Ano 'yon, bakit nagbigay ka ng luya?" tanong ni Mateo.

"Nabati ng aswang, mukhang nanggaling ang mga iyon sa isang lugar o may nakasalubong silang aswang, walang pangontra ang bata at hindi talaga malabong mababati siya." sagot ni Esmeralda at bumalik na sa pag-aani ng mga luyang itim.

Ilang oras pa ang ginugol nila hanggang sa tuluyan na ngang sumapit ang tanghalian. Bumalik naman sa kubo sin Mateo at Esmeralda at naabutan nilang hinihilot pa rin ni Ismael ang bata sa papag.

"Paano ba nahulog ang batang ito, ginang, at bakit hinahayaan niyong umakyat sa matataas na lugar ang batang ito?" tanong ni Ismael habang hinihilot ang balikat ng bata.

"E, hindi ko nga ho malaman, nagulat na lamang kami na nasa taas na siya ng puno ng santol, nakalambitin. Nang mahulog siya, nasalo naman siya ng kuya niya, pero napuruhan pa rin itong braso niya. Ilang gabi rin siyang nilalagnat, inilapit namin siya sa isang hilot sa bayan, pero sa halip na guminhawa ang bata ay lalong namilipit ito sa sakit kinagabihan. Nataon naman kasing wala kayo roon sa bahay niyo o kahit dito sa bukid, kaya nagtagal ng ganito ang pilay ng anak ko." salaysay naman ng ginang.

Agad na kumunot ang noo ni Esmeralda nang marinig ang tungkol sa hilot.

"Ale, kakilala niyo ba ang hilot na iyon?" tanong ni Esmeralda at napailing naman ang ginang.

"Hindi, pero inirekomenda siya sa akin ng isang kapitbahay, magaling naman daw pero mukhang hindi rin pala. Kung magaling siya, bakit gabi-gabi nasasaktan ang anak ko?"

"Hindi dahil sa pilay kung bakit nasasaktan ang anak niyo ale," wika ni Ismael at kunot-noong napatingin naman ang ginang sa kaniya.

"Ano pong ibig niyong sabihin, Ka Ismael? May iba pa bang dinaramdam ang anak ko?" naguguluhang tanong ng ginang at napabuntong-hininga naman si Ismael.

"Nabati ang anak mo misis, at isang aswang ang dahilan kung bakit nasasaktan ang anak niyo. Natanggal ko na ang marka ng aswang sa kaniya, maging ang epekto ng bati, itong itim na luya, huwag mong tatanggalin sa kaniya, mabisang pangontra ito para hindi siya tablan ng ano mang engkantasyon ng aswang." Inisa-isa ni Ismael ang mga bilin sa ginang. Matapos mahilot ang pilay ng bata ay nagpaalam na rin ang mga ito. Saktong nakabalik na rin si Mateo na bumili ng kanilang tanghalian.

Sabay-sabay na silang kumain habang masayang nagkukuwentuhan. Nasa ganoong sitwasyon sila nang mapansin ni Esmeralda ang pagkabahala ng mga nilalang sa bakuran nila. Napapakunot ang noo niya habang kumakain ngunit hindi niya ito pinahalata sa mga kasamahan. Ganoon pa man, hindi nakaligtas kay Ismael ang iginagawi ng anak.

Pagkatapos kumain ay sinundan naman niya sa likuran ng bakuran nila si Esmeralda. Nakita niya itong nakayuko sa lilim ng puno habang may kung anong kinakausap.

Batid ng lalaki na mga nilalang iyon na hindi nakikita at madalas, ay tanging si Esmeralda lamang ang nakakakita sa mga ito.

Agad namang napalingon si Esmeralda nang maramdaman ang presensya ng kaniyang ama.

"Amang, mukhang kailangan ko nang pumanhik ng bundok, maging ang mga nilalang na lumipat rito ay nababahala na sa sitwasyon ng dati nating tirahan. Ayon sa kanila, nalalason na ang lupa at unti-unting namamat*y ang mga halaman at hayop na nagagawi roon." Nag-aalalang wika ni Esmeralda.

"Naiintindihan ko Esme, ang akin lang ay mag-iingta ka. Ikaw na lang ang natitirang alaala sa akin ng aking asawa, ayokong napapahamak at nasasaktan ka, alam mo iyan."

"Alam ko ho amang, mag-iingat ho ako. Kasama ko naman si Liyab. Kailangan ko lang talagang gawin ito." Paliwanag naman ni Esmeralda.

Nang gabing iyon ay muling nanatili si Esmeralda sa lilim ng puno kasama ang mga nilalang na naging kaibigan na niya. Tulong-tulong ang mga ito sa pagbabalik ng lakas ni Esmeralda at pagpapagaling sa mga sugat niyang natamo noong huling laban niya.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nag-ayos na si Esmeralda. Ibinilin rin niya kay Mateo ang kaligtasan ng kaniyang lolo at ama. Alam niyang matatagalan siya sa misyon niya sa bundok dahil hindi aswang ang makakalaban niya kun'di isang nilalang na nagmula pa sa mundo ng mga engkanto.

Alam niyang malakas rin ito at aminado siyang wala siyang karanasan kung paano haharapin ang isang markupo o ano ba ang kakayahan nito.

"Sigurado ka na ba riyan, Esme. Makakaasa ka naman na babantayan ko at tutulungan si Tiyo Ismael pero paano ka doon?" Tanong ni Mateo.

"Kasama ko si Liyab, hindi nila ako pababayaan, basta ako na ang bahala, babalik ako, pangako iyan." Sambit ni Esmeralda at wala na ngang nagawa pa si Mateo kun'di ang hayaan siya.

Hindi pa man sumisikat ang araw ay tinatahak na ni Esmeralda ang mahabang daan patungo sa paanan ng bundok. Lakad-takbo ang ginagawa ni Esmeralda para mas mapadali at nakasunod lang naman sa kaniya si Liyab sa anyo nitong uwak.

Pasikat na ang araw nang marating ni Esmeralda ang paanan, humihingal siyang napaupo sa malaking bato at sandaling nagpahinga para uminom ng tubig. Napatingala pa siya sa masaganang kabundukan na minsan nilang naging tirahan.