Chapter 39

Dumampi ang malamig na hangin sa balat ni Esmeralda. Napabuntong-hininga na lamang siya bago muling isinilid sa bitbit na bag ang sisidlan ng kaniyang tubig. Makaraan pa ang ilang minutong pahinga ay muli na niyang tinahak ang daan paakyat.

"Ineng, ikaw na naman, mukhang napaaga yata ang akyat mo ngayon?" Puna ng isang matanda. Ito rin nag matandang nakasalubong niya noong unang balik niya sa bundok. Tulad ng dati, may bitbit itong itak at kumpol ng mga kahoy na halatang nanggaling a itaas.

"Magandang umaga ho, tatang. Opo, medyo inagahan ko na para hindi ako abutin ng hapon rito. " Sagot naman niya at napangiti ang matanda. Lumabas ang bungal-bungal nitong mga ngipin.

"Tama iyan, huwag kang magpapaabot ng hapon, lalo na sa gabi. Maugong na ang bali-balita tungkol sa isang nakakatakot na halimaw sa pusod ng bundok, kaya huwag kang gagawi roon." Paalala ng matanda habang matamang nakatingin sa dala niyang basket. 

"Salamat ho tatang, tatandaan ko po ang mga bilin niyo. Sige ho, mauuna na ako." wika naman niya at nagpatuloy nang maglakad paakyat. Ramdam ng dalaga na nakasunod pa rin ang mga tingin sa kaniya ng matanda at nang malayo na siya rito ay narinig pa niya itong sumigaw na mag-iingat siya at ipagdarasal nito ang ligtas niyang pagbabalik. Lumingon naman si Esmeralda at saktong tumalikod naman ito at tuloy-tuloy nang lumabas ng bundok bitbit ang mga kahoy nitong dala.

PInapatuloy na ni Esmeralda ang paglalakbay hanggang sa marating na nga niya ang kinatitirikan ng kubo nila. Tulad ng sinabi ng kaniyang mga kaibigan, halos nangamat*y na ang mga damo at halaman sa paligid ng kanilang bahay. Maging ang lupa sa palibot ng bakuran nila ay tila naging itim na. Nawala na ang dating ganda ng lugar na iyon, habang nakamasid sa 'di kalayuan, narinig niya ang pag-ihip ng ahas. Hindi iyon kalakasan, sapat lang para umabot sa kaniyang matalas na pandinig. 

Batid niyang nararamdaman nito ang kaniyang presensya at ang tunog na iyon ay tila babala sa kaniya. Marahan siyang umatras at lumayo pa roon, tinahak naman niya ang makipot na daan patungo sa maliit na baryo sa gitna ng gubat kung saan naman nakatira ang tribo nina Apo Salya at Dodong. Pagdating ay agad naman niyang nakita ang mga tao roon na kaniya-kaniyang ginagawa ang kani-kanilang mga gawain sa araw-araw. Isang bata naman ang mabilis na tumakbo sa kubo ni Apo Salya upang ibalita ang kaniyang pagdating.

Huminto siya at inilibot ang mga mata, napansin naman niya ang pag-iiba ng lupa roon. Animo'y unti-unti na rin natutuyot ang lupa at may mga parte na rin nan natutuyo ang mga pananim. Sa paglingon niya sa kubo ay nakita naman niya ang paglabas ni Apo Salya.

"Magandang umaga ho, Lola Salya." bati ni Esmeralda at agaran ding nagmano sa matanda bilang paggalang rito.

"Kaawaan ka, mabuti naman at nakabalik ka Esme, pinababa ko si Dodong para hanapin ka, pero hindi ka niya naabutan."

"Nasaan na nga po pala si Dodong, Lola?" tanong ng dalaga matapos maibaba ang dalang basket sa lupa.

"Nasa talon, kumukuha lang ng tubig, natuyo na kasi ang sapa na malapit rito. Hindi na maganda ang lagay ng lupa at nalalason na ito dahil sa laway ng markupo." Tugon naman ng matanda, nakaalalay lang si Esmeralda rito habang naglalakad sila patungo sa sapa na sinasabi nito. Alam niyang may sapa nga malapit roon at ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makitang tuyo na nga ito, maging ang mga damo at puno at lanta na. Tila ba dinaanan ito ng matinding tagtuyot.

"Noong una, nasa bakuran lang ng kubo niyo ang nilalang na iyon, ngunit isang araw, namataan namin siya lumabas at umiikot na sa buong lugar. Iyon ang naging sanhi ng pagkalanta at pagkatuyo ng mga lupa. Tila ba isang sumpa ang hatid ng lasong nagmumula sa laway nito," paglalahad ng matanda.

"Ganoon katindi ang epekto niya, paano ba lalabanan ang nilalang na iyon lola, ngayon lang ako nakatagpo ng uri niya at inaamin ko, hindi ko alam kung paano magagapi ang isang iyon o kaya ko bang pantayan ang lakas nito," sabi ni Esmeralda. Napabuga siya ng hangin at napailing.

"Alam ko naman iyon, kaya nga minamadali ko si Dodong, para maihanda ko na kayo pareho, hindi maaaring magtagal ang nilalang na iyon dito sa mundo ng mga tao, Hindi ninyo siya kailangan paslangin, pahihinain lang siya para maibalik namin siya sa mundong nararapat sa kan'ya," paglilinaw naman ni Apo Salya. 

"Gagawin ko ho ang nararapat lola, kailangan ko lang hong malaman amg lahat patungkol sa nilalang na iyon." Saad naman ng dalaga at nakangiting tumango na ang matanda.

Bumalik na sila sa kubo at doon na nila hinintay ang pagbabalik ni Dodong. Buhat buhat pa nito ang dalawang balde ng tubig at iniabot ito sa isang nakakatandang babae. Kasunod nito ang iba pang kalalakihan na may kaniya-kaniyang bitbit din na balde ng tubig.

Nang makita naman siya ng bata ay mabilis itong tumakbo palapit sa kaniya.

"Ate Esme, mabuti naman ay narito ka na. Lola magsisimula na ba agad tayo?" Usisa ni Dodong.

"Oo Dong, hindi na tayo mag-aaksya pa ng oras kaya sumunod na kayo sa akin sa loob ng kubo." Tugon ng matanda bago ito tumalikod at naglakad na patungo sa kubo at pumasok roon.

Sumunod naman sila sa loob at naupo sila sa harapan ng matanda.

"Ang totoo niyan Esme, alam kong may gabay ka at isa siyang mahomanay na siyang nangangalaga noon dito sa gubat. Nang makarating kami rito, ramdam ko pa ang presensya niya mgunit kalaunan ay naglaho na lang ito bigla na siyang naging dahilan upang magjng kampante ang nilalang at tuluyang pinamahayan ang kagubatang ito." Paglalahad ni Apo Salya habang may kung anong nilalagay sa baga na nasa harapan lang din nila.

"Ang Markupo ay isang serpente na namamahay sa kabundukan sa mundo ng mga engkanto, tinuturing itong isang Diyos ng iilan ngunit napakapanganib ng nilalang na ito. Nakakamat*y ang laway nito at maging ang hininga nitkng lumalabas sa bunganga nito." Pagpapatuloy ng matanda. Napatingin naman si Esmeralda sa mga nilalagay ng matanda sa apoy— kamangyan, luya at kung ano-anong dahon. Kalaunan, naglabas ito ng pulang tela at kinuha ang abo mula sa ilalalim ng baga. Pinalamig niya ito saglit bago inilagay sa pulang tela.

"Ano po ang bagay na iyan lola?" Tanong ni Esmeralda.

"Ang bagay na ito ang siyang gagamitin niyo para patulugin ang Markupo. Hangga't maaari huwag na huwag niyong tatangkain na kitilan ng buhay ang nilalang, ayos lang na masugatan ito, dahil maghihilom rin ito kapag naibalik na siya sa tirahan niya."

"Eh, lola, mabisa ba ang pulbos na iyan sa halimaw na 'yon, kakarampot lang naman 'yan tapos ang laki-laki ng halimaw." Tanong ni Dodong at napailing naman ang matanda.

"Hindi ito gagana sa kaniya kung malakas pa siya. Kailangan niyo muna siyang pagurin at pahinain, pero hindi rin iyon basta-basta dahil malakas ang isang iyon." Sagot ni Apo Salya at napakunot-noo lang si Esmeralda. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung paano ang gagawin niya para mapahina ang nilalang na iyon.

"Kung narito lang sana si Liyab," sambit pa niya sa isipan niya. Magmula kasi nang makatuntong siya sa lupa ng kagubatan ay naglaho na si Liyab, marahil ay ipinatawag ulit ito sa mundo ng mga engkanto. Ganoon naman lagi ang gabay niyang iyon, panatag rin naman siya dahil dumarating ito sa oras ng kagipitan para sagipin siya.

"Isa lang ang maipapayo ko sa iyong dalawa, iwasan niyo ang matamaan ng laway ng markupo o kahit mabugahan ng hininga nito," paalala pa ni Apo Salya sa kanila.

Napakaraming bilin ng matanda at tinuro nito ang mga kailangan nilang malaman patungkol sa nilalang na iyon. Dahil nilalang ito na natural na naninirahan sa mundo ng mga engkanto at nabibilang rin ito sa nagpapanatili ng balanse ng kasamaan at kabutihan sa mundo, hindi nila ito dapat makitilan ng buhay. Iyon ang mas lalong nagpahirap sa misyon nila.

"Grabe naman talaga si Lola, pinahirapan pa tayo. Ate Esme, kakayanin ba natin ang nilalang na iyon?" Tanong ni Dodong habang nagpapatulis sila ng kawayan. Gagamitin kasi nila ito bilang sandata laban sa nilalang na iyon. Masaktan man nila ito gamit iyon, hindi nila ito makikitilan ng buhay.

"Hindi ko nga alam Dodong," simpleng sagot ni Esmeralda. Nahihirapan siyang sagutin ang bata dahil wala rin siyang maisip na sagot para rito.

"Ano ang gagawin natin, puro iwas lang? Sa tingin ko bago natin mapagod ang isang iyon, tayo muna ang unang babagsak sa sobrang pagod, Ate." Napakamot ng ulo si Dodong. Maging ang bata ay naguguluhan.

"Bahala na Dodong basta ang misyon natin, patulugin ang markupo at magawa iyon nang hindi tayo napapahamak. Hayaan mo at hihingi tayo ng tulong sa mga kaibigan ko." Wika naman ni Esmeralda. Bagama't sinabi niya iyon, hindi rin siya sigurado kung handa ang mga itong tumulong sa kaniya. Kung hindi man, maiintindihan pa rin niya dahil ayon sa nalaman niya, mapaminsala rin sa mga laman-lupa ang lason ng markupo.