Matapos magpatulis ng maraming kawayan, sunod naman nilang inihanda ang mga halamang gamot at langis na kakailanganin nila sa oras ng kagipitan. Bawat isa rin sa kanila ay naglagay ng tig-tatlong pulang tela sa kanilang bulsa na naglalaman ng pulbos na siyang pampatulog naman sa nilalang.
"Nakahanda ka na ba Dodong?"
"Opo, Ate Esme," tugon ni Dodong.
Mariing naikuyom ni Esmeralda ang pulang tela sa kaniyang palad, habang mataman itong pinagmamasdan. Pagkuwa'y napabaling naman ang tingin niya kay Dodong at napailing.
"Dong, bukod ba sa iyo, wala nang ibang maaaring maging taga-protekta sa tribo niyo? May mga nakikita naman akong kalalakihan rito, bakit ikaw ang isinusugo ni Lola Salya, napakabata mo pa, ah." Hinaplos ni Esmeralda ang buhok ni Dodong. Nalulungkot siya para sa bata habang ang isang parte naman ng puso niya ay namamangha dahil sa pinapakitang tapang at determinasyon nito.
"Noong una, hindi ko rin alam ate, pero ang sabi ni lola noong nagkaisip na ako, kakaiba raw ako, ipinanganak raw ako para maging isang mandirigma at obligasyon ko ang protektahan ang lahat laban sa kasamaan. Alam mo ba ate, doon sa mundo ng mga engkanto, nakakapamuhay kami na parang kauri lang din nila, hindi nila kami pinakikialaman, at kami, hindi rin namin sila pinakikialaman. Kapag may kailangan sila, malaya silang nakakahingi ng tulong sa amin, at tumutulong din naman kami bilang kabayaran ng tahimik naming buhay roon. Mas gusto ko nga roon, dahil walang problema, araw-araw masaya lang." Paglalahad ni Dodong.
Nakaluhod naman si Esmeralda sa harap nito upang magpantay ang kanilang taas, tinitigan ng dalaga ng mariin ang mga mata ng bata at doon niya nakita ang kakaiba sa mga mata nito.
"Ang sabi ni lola, pareho tayo. Hindi ka ba nagtataka ate, may bilis at lakas kang hindi normal sa mga tao. Ang kaibahan lang natin, dito ka ipinanganak at lumaki, samantalang ako, doon ako ipinanganak at lumaki. Ang pagkakaparehas lang natin, pareho nating hindi alam kung sino ang ating tunay na mga magulang," pagpapatuloy ng bata.
"Nagtataka rin naman ako, pero saka na iyon. Kung iaadya ng Diyos na makilala ko na ang mga magulang ko, malugod ko iyong tatanggapin. Ayokong pangunahan ang plano niya para sa akin. Kung kailangan kong maghintay, maghihintay ako. Hindi ba mas maigi ang ganoon? Hindi tayo mapapagod maghanap ng mga bagay na hindi pa natin dapat mahanap sa ngayon. Alam mo Dodong, naniniwala kasi ako na lahat ng bagay na nangyayari sa atin sa mundong ito ay may dahilan. Siguro nga may dahilan ang Diyos para ibigay ako sa pamilya ni amang, may dahilan kung bakit ako iniwan ng aking mga magulang at marahil ganoon din ang nangyari sa'yo," saad ni Esmeralda.
"Tama ka ate, 'yan din ang sabi ni lola sa akin, kaya nga hindi ko hinahanap ang mga magulang ko. At ginagawa ko na lang ang nararapat kong gawin para maipagpatuloy ang buhay ko." sang-ayon naman ni Dodong.
Napangiti pa sila pareho bago sila tuluyang nagpaalam kay Lola Salya at sa mga tao doon sa tribo. Tahimik na nailang tinahak ang daan patungo sa dating kubo nina Esmeralda. Makaraan ang ilang minuto ay pumainlalang sa buong kagubatan ang isang kakaibang huni— huni na noon lamang narinig ni Esmeralda.
"Naririnig mo 'yon, ate? Kumakanta ang markupo, tuwing umaga, habang sikat ang araw, ganiyan ang ginagawa niya, hindi ko alam kung para saan niya ginagawa iyan, pero sa tingin ko, hindi magandang senyales ang tunog na iyan," babala ni Dodong. Nagkukubli sila sa mayabong na halamanan habang nagmamasid sa bakuran ng kubo. Agad naman nilang nasipat ang malahiganteng ahas na gumagapang sa lupa, nakatayo pa ang bandang ulo ito habang nakanganga. Kitang-kita ni Esmeralda ang mapupulang tila korona nito sa ulo at ang malaking pangil nitong nakausli sa magkabilang panig ng mukha ng nilalang.
Kulay berde na maihahalintulad mo sa napabayaang lumot ang kabuuan ng nilalang. Nagbubuga ito ng kulay lilang usok at ang bawat pagpatak ng laway nito sa lupa ay tila ba asidong umuusok.
"Ay, grabe, nakakatakot talaga ang nilalang na iyan. Ano, ate, susugod na ba tayo?" tanong ni Dodong. Mahigpit siyang napahawak sa kawayan at tila ba nagdadalawang isip kung ngayon na ba sila susugod o maghihintay pa sila ng tamang pagkakataon.
"Teka lang Dodong, hintayin nating tumalikod siya. Magkabilaan tayo para malito siya, basta tandaan mo ang bilin ni lola, hindi dapat tayo madampian ng laway niya, ni makalanghap ng hininga niya," paalala ni Esmeralda at napatango naman si Dodong.
"Sige ate, mag-iingat ako. Syempre, pagkatapos nito, ipapasyal mo pa ako sa bayan," wika ng bata na ikinatawa naman ni Esmeralda. Lumipat ng posisyon si Dodong ay marahan na sila lumapit sa bakuran. Hinintay nilang makampante ang nilalang bago nila sabay na sinunggaban ito. Gamit ang hawak nilang pinatulis na kawayan, sabay nilang itinusok ito sa katawan ng nilalang.
Napakakapal ng balat nito na hindi man lang nila ito nasugatan. May kakaibang dulas rin ang makapal nitong balat dahilan para dumaplis lamang ang dulo ng matulis na kawayan sa katawan nito. Tumalilis ang ahas , sa kabila ang laki nito ay nakakamanghang napakabilis pa rin nitong kumilos. Dumura ito kaya mabilis silang umiwas. Kamuntikan pang silang matamaan, kung hindi lang sa angkin nilang bilis.
"Naloko na, walang silbi ang kawayan, masasayang naman ang pulbos kung gagamitin natin ngayon. Dodong, mag-iingat ka!" Sigaw ni Esmeralda at saka muling inatake ang nilalang. Tinalunan niya ito sa ulo ay mahigpit siyang kumapit sa tuktok nito. Dinukot niya mula sa kaniyang tagiliran ang isang maliit na kawayan na nasa korteng punyal at isinaksak ito sa bandang ulo ng nilalang. Inakala niyang magkakaroon siya ng pagkakataong masugatan ito pero nagkamali siya. Malakas siyang ibinalibag ng ahas at napabitaw siya mula sa pagkakahawak dahilan para lumagapak siya sa lupa.
"Ate!" Sigaw ni Dodong, akmang lalapitan niya si Esmeralda nang pigilan siya ng dalaga.
"Diyan ka lang Dong, huwag mo akong alalahanin. Gustong makipaglaro ng nilalang na ito kaya pagbibigyan natin siya. Sige na Dong, gawin mo na ang parte mo."
Nang marinig naman ito ng bata ay agad itong nakaunawa. Napangisi si Dodong at mabilis na tumakbo patungo sa likuran ng ahas at dinaluhong ito ng saksak. Mabilis na kumilos naman si Esmeralda at tumayo mula sa kinalalagpakang lupa at inatake rin ang nilalang. PInagtulungan nila ito at halos malito-lito ang nilalang kung sino ang uunahin sa kanilang dalawa. Salitan si Dodong at Esmeralda na nagpahilo sa Markupo.
Gayon pa man, kahit anong gawin nila ay hindi pa rin nila maitulos ang pinatulis na kawayan sa makapal na balat ng nilalang. At sa pagdaan pa ang oras na sinusubukan nila itong pagurin ay sila ang nauubusan ng lakas at bilis.
Parehong humihingal si Dodong at Esmeralda na lumayo sa nilalang para makapagpahinga, habang ang ahas ay patuloy na dumudura sa bawat lingunan nito.
"Ayos ka pa ba Dodong?" tanong ni Esmeralda. Pareho silang nakasalampak sa lupa, salikod ng isang malaking puno, malayo sa kinaroroonan ng markupo, hingal na hingal at halos hindi na makagalaw pa.
"Walang-hiya, paano natin masusugatan ang nilalang na 'yon, ate? Napaka-imposible dahil napakakapal ng balat ng isang 'yon!" reklamo ni Dodong, napahiga pa ito sa lupa habang patuloy na hinahabol ang hininga.
"Pero Dong, napansin mo ba? Bumabagal ang kilos niya sa tuwing sabay tayong umaatake. Nalilito siya, ipagpatuloy lang natin ang ganoong stratehiya, pasasaan ba't makakatama rin tayo. Mag-ipon muna tayo ng lakas, heto, uminom ka muna ng tubig." wika ni Esmeralda, sabay abot ng isang sisidlan na gawa sa kawayan.
"Salamat ate." Inabot ni Dodong ang sisidlan at binuksan ito para uminom. Ilang minuto lang silang nagpahinga at nang makabawi sila ng lakas ay muli nilang binalikan ang nilalang. Sa pagkakataong iyon, sabay na silang umatake sa magkabilang anggulo at halos hindi na malaman ng nilalang kung ano ang gagawin nito. Nagpa-ikot-ikto ang ulo nito na tila litong-lito hanggang sa mapansin ni Esmeralda ang pagkahilo nito. Kinuha ni Esmeralda ang pagkakatong iyon para saksakin ang nilalang sa pagitan ng tuktok at ilalim ng ulo nito. Doon ay tila may malambot na parte siyang naramdama at doon tinusok nang walang pagdadalawang-isip ang hawak na pinatulis na kawayan.
Isang malakas na tunog ang lumabas sa halimaw nang matagumpay na naitulos ni Emseralda ang hawak niyang kawayan. Tumalon pa siya palayo nang magwala nang husto ang nilalang. Mabilis ding lumayo si Dodong nang makita ang pagwawala nito.
"Huli ka ngayon," sambit pa ni Esmeralda at nagkatinginan pa sila ni Dodong. Nagtanguan sila at sabay na inilabas ang tig-isang pulang tela na naglalaman ng pulbos. Tumakbo sila papalapit sa nilalang at diretsong pinakawalan ang pulbos sa mukha ng nilalang.
Ilang ulit pang iwinawaksi ng nilalang ang ulo nito hanggang sa tuluyang bumagsak ang ulo nito sa lupa. Akmang lalapit na sana si Dodong nang pigilan siya ni Esmeralda.
"Sandali, Dong. Tingnan mo, gising pa siya at bumubuga pa siya ng nakalalason niyang hininga. Mamaya mo na lapitan kapag tuluyan na siyang huminahon." Dinukot ni Esmeralda ang dalawa pang pulang tela mula sa kaniyang bulsa at hinagis iyon sa gawi ng nilalang. Nahulog ito sa bandang ulo ng nilalang at nabuksan, dahilan para sentro itong natapon sa bandang ilong ng nilalang. Naghintay pa sila ng ilang minuto hanggang sa mapagtanto nilang tuluyan nang namahinga ang nilalang.
Nang malapitan na nila ang nilalang ay lumitaw naman sa kanilang tabi si Liyab na noo'y malapad ang pagkakangiti.
"Liyab, narito ka?" gulat na tanong ni Esmeralda at tumango naman ang nilalang.
"Kanina pa, at nakita ko lahat."
"Ito ba ang gabay mo ate, bakit kung kailan tapos na, saka siya nagpakita? Hindi ba niya obligasyon na tulungan ka sa mga misyon mo?" reklamo ni Dodong, halata sa boses nito ang pagkadismaya, marahil dahil sa pagod at sakit ng katawan na dinanas nito para lang magtagumpay sila.
"Hayaan mo na Dong, natapos naman natin ang misyon. Halika na, gamitin na natin ang orasyon na itinuro ni Apo Salya para maikulong ang nilalang sa sisidlan," wika ni Esmeralda.
"Hayaan niyong makabawi ako, ako na ang gagawa, buksan n'yo na lang ang sisidlan at ako na ang magkukulong sa kaniya."