Kinabukasan, nanguha lamang si Esmeralda ng mga bunga ng talong at naghukay ng mga luya sa taniman bago nila tinahak ni Dodong ang daan pabalik sa bahay ni Armando. Papasikat pa lang ang araw nang dumating sila, binuksan naman ni Esmeralda ang tarangkahan at manghang-mangha naman si Dodong sa mga nakikita. Noon lang kasi siya nakakita ng bahay na gawa sa bato.
"Hala ate, ang ganda pala ng bahay niyo rito sa bayan. Gawa sa bato, paniguradong matibay iyan, hindi basta-basta masisira ng mga aswang," puna ni Dodong. Natawa naman si Esmeralda dahil sa nakakaaliw na kainosentehan ng bata. Mulat sa mga bagay na hindi kapani-paniwala si Dodong habang wala naman siyang alam sa mga bagay na alam ng mga normal na tao.
"Amang, narito na po ako," tawag ni Esmeralda, agad namang bumungad sa kaniya si Ismael na noo'y kagagaling lang sa kusina. Halatang nagluluto ito dahil bitbit pa nito ang sandok sa kanang kamay nito.
"Anak, ikaw nga ba? Akala ko nagkakamali na naman ako ng pagkakarinig. Mabuti naman at nakabalik ka na," masayang wika ni Ismael, bakas sa boses nito ang kasiyahan. Napahinto naman ito nang mapatingin kay Dodong na noo'y nakangiti sa kaniya.
"Magandang umaga ho, ako po si Dodong, Tatay Ismael. Ayos lang po ba kung Tatay Ismael ang tawag ko sa inyo?" Tanong ni Dodong, sumilay naman ang malapad na ngiti sa labi ni Ismael nang makita ang bata.
"Amang, apo po si Dodong ng isang babaylan, siyanga ho pala, hinayaan ko si Lola Salya na doon na manirahan sa kubo natin sa taas, para hindi na pamahayan ng kung anong nilalang ang gubat. Itong si Dodong naman dinala ko na, para naman maturuan siya rito ng mga bagay na hindi pa niya alam. Ayos lang po ba amang kung ampunin na natin siya?" tanong ni Esmeralda at napatingin naman sa kaniya si Ismael.
Napahaba ang tingin niya sa dalaga na animo'y hinahanap ang ano mang pag-aalinlangan sa mga mata ng anak. Nang makita niya ang determinasyon sa mga mata ni Esmeralda ay napangiti naman siya.
"Oo naman, mukhang mabait na bata naman iyang si Dodong, ang magiging problema lang naman natin ay ang bunganga ng tiya mo. Pero hayaan niyo siya, hindi naman niya bahay ito, kung ayaw niya sa inyo, e'di umalis siya rito at bumalik na doon sa bahay niya." sagot naman ni Ismael na ikinatuwa naman ng dalawa.
Katulad ng inaasahan nila, nang makita ni Silma si Esmeralda ay agad na nalukot ang mukha nito at dumoble pa iyon nang makita namang sarap na sarap sa pagkain si Dodong habang inaasikaso pa ng tatay nila. Aliw na aliw dito si Armando dahil iyon ang unang beses na nagkaroon ng batang lalaki sa pamamahay niya. Puro babae rin kasi ang apo niya at hindi na sila biniyayaan pa ng batang lalaki sa pamilya.
"Inaampon mo ang batang 'yan kuya? Ang tanda na niyan ah, sigurado ka bang hindi galing sa masamang dugo ang batang iyan? Wala akong tiwala diyan, hindi ako papayag na amunin ang batang 'yan," tutol ni Silma, kulang na lang ay magdikit ang mga kilay nito habang masamang nakatingin kay Dodong.
"Hindi ko naman hinihingi ang opinyon mo Silma, tandaan mo ako ang mas matanda sa ating dalawa, kung ayaw mong nakikita ang mga ampon ko, bumalik ka na sa bahay niyo. Kaya ko naman si tatay rito. Araw-araw na lang may problema ka sa anak ko, hindi ka ba nagsasawa, bakit hindi ka na lang maging masaya, lumalaki na rin ang mga anak mo at nakikita nila ang trato mo kay Esmeralda. Akala mo ba hindi ko napapansin ang masasamang tingin ng anak mo kay Esmeralda? Tumatahimik lang ako dahil ayoko ng gulo," wika ni Ismael. Natameme naman si Silma pero halatang hindi nito nagustuhan ang panenermon ni Ismael.
"Silma, itikom mo na lang ang bunganga mo kung wala namang lalabas na maganda riyan, naririnig ka ng mga bata. Hindi ka ba nahihiya? PInalaki ba kitang gan'yan?" Mataas ang boses na sermon naman ni Armando. Kadalasan ay tahimik lamang si Armando sa away ng kaniyang mga anak, pero hindi lahat ng pagkakataon ay tatahimik lang ito. At kapag si Armando na ang nagsalita, siguradong tiklop na agad si Silma. Padabog na umalis si Silma sa harap ng mesa, hindi na nito tinapos pa ang pagkain niya at naiwan doon ang anak niyang babae.
"Kaya ikaw apo, huwag na huwag mong gagayahin ang ugali ng mama mo." baling na wika ni Armando sa anak ni Silma.
"Opo, lolo." Nagpatuloy lang sa pagkain ang dalaga at hindi na umimik pa. Matapos kumain ng agahan ay iginala naman ni Esmeralda si Dodong sa bayan ng Luntian, una nilang pinuntahan ang maliit na plaza sa sentro ng bayan. Doon ay nakita nila ang ilang mga kabataan na naglalaro ng basketball. Sa gilid naman ay may iba pag kabataang nanonood.
"Grabe ate, ang ganda talaga dito sa inyo, napakaraming maaaring gawin kaysa doon sa bundok. Doon kasi, magsisibak ng kahoy, pag-iigib ng tubig lang ang madalas na pampalipas ng oras ko. Dito, puwedeng maglaro, mamasyal at marami rin akong nakikitang nagtitinda ng kung ano-anong pagkain at makukulay na bagay," sabik na wika ni Dodong na kulang na lang ay magtatalon sa tuwa.
Habang nagkakasiyahan silang dalawa isang grupo ng mga kabataan ang lumapit sa kanila. Napahinto naman si Dodong nang isang plastic na may lamang tubig ang tumama at nawasak sa kaniyang ulo. Hindi man siya gaanong nasaktan, ay ganoon na lamang ang pagkunot ng noo niya bago binalingan ang taong nambato sa kaniya.
"Bakit ka nambabato? Inaano ka ba?" tanong ni Dodong, mas malaki ang batang lalaki na kaharap nito at halatang mas matanda rin sa kaniya.
"Aba, matapang pala itong bagong pinsan-pinsanan mo, Les." Tumawa pa ng malakas ang lalaki habang nakaakbay sa isa pang babae.
"Hindi mo ba kayang pagsabihan ang mga kaibigan mo Leslie? Wala namang ginagawa sa inyo si Dodong ah, ano bang problema niyo?" galit na tanong ni Esmeralda.
Napaangat naman ang kilay ng babaeng tinawag niyang Leslie habang nakangising umirap sa gawi niya.
"Bakit ko sila pagsasabihan, ako ba ang nanay nila? At isa pa, talaga namang panira kayo sa ganda ng plaza, para kasi kayong mga langaw na umaaligid rito, huwag ng kayo rito, baka kung sino pa ang bumagsak at bigla na lang magkasakit dahil sa dala-dala niyong kamalasan." wika ni Leslie na siyang lalong nagpagalit kay Dodong.
"Dodong? Seryoso? ang pangit naman ng pangalan mo bata, amoy imburnal," humagalpak ang mga ito ng tawa habang patuloy na binabato ng maliliit na basura ang bata.
Tiim-bagang na tinitigan lang ng masakit ni Dodong ang mga ito. Isa-isa niyang pinasadahan ng masamang tingin ang mga lalaki at babaeng nakapalibot at nangungutya sa kanila. Maya-maya pa ay napalatak ang bata at pagak na tumawa.
"Mabaho? Tingin ko sarili niyo ang tinutukoy niyo, ang tatanda niyo na pero, puro basura ang lumalabas sa bunganga niyo," laban ni Dodong. Dahil dito ay napikon ang lalaki at mabilis na kin'welyuhan ang bata. Ngunit bago pa man niya mahawakan ang damit ni Dodong ay agad naman siyang pinatid ni Esmeralda dahilan para masubsob ito sa harapan ni Dodong.
"Ilang palaka ang nahuli mo? Ang laki mong tao pero lampa ka naman. Hindi ako naghahanap ng gulo, namamasyal lang kami ni Ate Esmeralda rito, kayo ang lumapit, kayo ang unang nanlait, pero ngayong ibinalik ko sa inyo ang panlalait niyo, kayo itong pikon? Mga tao nga naman, tara na ate, binabawi ko na, hindi pala maganda sa plaza, ang daming basura, punta na lang tayo kay Kuya Mateo," pag-aaya ni Dodong at panabay na silang naglakad palayo. Hindi na nila pinansin pa ang pagtawag sa kanila ni Leslie dahil wala rin namang patutunguhan kung papansinin nila ito.
Ngunit bago pa man sila makaabot sa daanan patungo sa bukid, nakita na ni Esmeralda ang nagkukumahog na si Silma kasama ang anak nitong si Leslie.
Halatang nakapagsumbong ito kaagad sa nanay niya, dahil kitang-kita niya ang galit na galit nitong mukha. Kulang na lang ay umusok ang ilong nito sa sobrang galit sa kanila.
"Esmeralda, bruha kang babae ka. Sugo ka talaga ng dem*nyo. Anong ginawa mo sa anak ko? Bakit mo siya pinahiya sa mga kaibigan niya?" Malayo pa lang ay sigaw na ni Silma. Nakuha agad nito ang pansin ng mga taong naroroon. Dahil umaga, maraming tao sa daan dahil sadyang tumatambay ang mga iyon doon habang nagkakape at nakikipagtsismisan.
"Pinahiya? Pinagsabihan lang sila. Paanong pinahiya. Sila itong nauna dahil binasa nila at binabato si Dodong. Ano bang kasalanan ng bata sa kanila?" Balik-tanong ni Esmeralda.
"Anong karapatan mong pagsabihan sila, sino ka ba? Isa ka lang namang tagabundok na walang pinag-aralan. Pareho kayo ng mabahong batang iyan. Huwag kasi kayong pakalat-kalat kung saan-saan. Mas mabuti pang bumalik na lang kayo sa bundok, hindi kayo bagay rito." Singhal ni Silma sa kanilang dalawa.
Tila nakahanap naman ng kakampi ang mga binatang nakaaway nila. Nang makita nilang sa kanila pumapanig ang nanay ni Leslie ay lakas-loob nilang tinulak si Dodong. Dahilan para matimba ito.
Napaigik naman si Dodong nang tumama ang ulo niya sa isang bato. Mabilis naman siyang tinulungan ni Esmeralda at doon na napahawak si Dodong sa nasaktang parte ng ulo niya. Nang iangat niya ang kamay, nakita ni Esme na nabalot ito ng dugo.
Napakuyom ng palad si Esmeralda at agad na sinugod ang binatang tumulak kay Dodong. Sinuntok niya ito dahilan para makatulog ito at bumagsak sa lupa. Ganoon na lamang ang sigaw ni Silma nang makitang tila patay na bumagsak ang binatilyo dahil lang sa suntok ni Esmeralda.