Chapter 43

Nanlilisik ang mga matanda binalingan ng tingin ni Esmeralda ang mga kasamahan nito, tila nabahag naman ang bunto ng mga ito at singbilis pa sa alas kuwatro na na nagtatakbo ang mga ito.

"Tagabundok kami? Marunong kaming rumespeto ng kapwa namin, sige, subukan niyo uling saktan si Dodong, ako ang makakalaban niyo." Sigaw ni Esmeralda sa mga nanonood.

"Kahit kailan, problema lang ang dala mo sa pamilya. Isa kang sumpa, salot ka!" Sigaw pa ni Silma.

"Wala akong ginagawang masama sa'yo tiya. Nirerespeto kita dahil kapatid ka ni amang at anak ka ng lolo. Pero kung sakitang pisikalan ang hanap mo, huwag mong kakantiin si Dodong dahil hindi ikaw ang nagpapakain at nagpalaki sa kaniya." Litanya ni Esmeralda bago marahang inalalayan si Dodong. 

Dahil sa sinabi niya ay lalong umigting ang galit ni Silma, tila ba bawat katagang lalabas sa bunganga ni Esmeralda ay nag-uungkat ng galit niya. Akmang sasabunutan niya si Esmeralda nang walang sabi-sabing isang ginang ang mas nauna. Malakas ang pagkakahatak ng ginang sa buhok ni Esmeralda dahilan para mawalan ng balanse ang dalaga at mapasalampak sa lupa. Hindi pa man din siya nakakahuma sa mga nangyayari, isang malakas na sampal ang dumapo sa kaniyang pisngi.

"Sino ka para suntukin ang anak ko?" sigaw ng ginang at tila doon lang nakahuma si Esmeralda. Napangisi siya at idinura ang dugo sa kaniyang bibig. Akmang muli siyang aatakihin ng ginang nang isang sigaw ang pumigil rito.

"Hoy, tigilan niyo 'yan kung ayaw niyong ipatawag ko si kapitan!" humahangos na dumating si Mateo at agad na inilayo sa ginang si Esmeralda.

"Esme, ayos ka lang ba?" tanong ni Mateo habang sinusuri ang namumulang pisngi ng dalaga. Bakas doon ang malapad na kamay ng babae at siguradong mamaya lamang ay mamamaga na ito.

"Ayos lang ako, si Dodong ang may sugat sa ulo." wika ni Esmeralda habang tinatapunan ng masamang tingin ang ginang.

"Lintik langa ng walang ganti, ate. Pero siguradong hindi ko na kailangang kumilos para makaganti, dahil may gagawa na doon." Mahinang sambit ni Dodong. Sapo-sapo pa rin ng bata ang nasaktan nitong ulo.

"Anong sinabi mo? Kay bago-bago niyo rito, gulo agad ang dala niyo. Sino ka bang bata ka? At ikaw babae, sino ka ba?" paasik na tanong ng ginang.

"Anak ko sila, bakit may problema ka ba?" Hindi nila namalayang dumating na pala sa lugar si Ismael. 

"Ka Ismael? Anak mo ang dalawang ito?" gulat na tanong ng Ginang. Tanyag ang pamilya ni Ka Armando sa lugar dahil takbuhan ng may sakit ang bahay nila at ngayong si Ismael na ang humahalili sa matanda ay naging kilala na rin siya sa bayan. Tila napahiya naman ang ginang at hindi alam ang gagawin, nagpabalik-balik ang tingin ng ginang kay Esmeralda, dodong at Silma at napapakunot-noo na lamang ito sa pagtataka.

"Ano ba ang nangyari? Bakit nawalan ng malay ang anak ko?" tanong nito at napalatak naman si Mateo.

"Aling Sonya, sumasali ka sa gulo nang hindi alam ang dahilan, nakasakit ka ng tao nang hindi inuusisa kung ano ba talaga ang nangyari?" Umiiling na tanong ni Mateo bago itinuro ang mga taong nanonood doon. "Hoy, kayo, sabihin niyo nga kung ano ba talaga ang totoong nangyari rito. Huwag niyo nang subukang magsinungaling dahil siguradong uuwi kayo na namamaga ang iilang parte ng katawan niyo dahil sa mga gabay ni Tiyo Ismael," pagbabanta pa ni Mateo.

May iilan ang tumahimik, ngunit may iilan rin nanaglakas ng loob na isalaysay ang tunay na nangyari.Tila binuhusan naman ng malamig na tubig ang ginang na tinatawag nilang Sonya. Ngunit sa halip na humingi ng tawad ay padabog na itong lumayo para takasan ang nang-uusig na mga tingin ng taumbayan.

"Ikaw naman Silma, sa halip na tulungan mo ang mga pamangkin mo, ikaw pa itong nagdala ng gulo. Kinampihan mo na naman ang mga barkada ng anak mo. Hindi ka pa rin talaga nagbabago, bahala ka kung may mangyari sa inyo, hindi talaga ako mangingialam. Mateo, dalhin mo muna sina Esme at Dodong sa bukid, doon ko na sila gagamutin." Iyon lang ang sinabi ni Ismael bago tumalikod at nangmartsa pauwi.

KItang-kita naman ni Esmeralda ang paghabol ni Silma sa kaniyang ama. Nakita pa niya ang paglingon ni Lesli at pagtapon ng masamang tingin sa gawi nila ni Dodong.

"Tara na Esme, para malapatan muna ng paunang lunas iyang sugat niyo, nagsisimula nang mamaga ang pisngi mo," wika ni Mateo. Nagsimula na silang lumayo sa lugar na iyon at tinahak ang daan patungo sa bukid. Lingid sa kanilang kaalaman na naging mainit ang diskusyon ng magkapait pagkabalik ng mga ito sa bahay. Maging si Armando ay dismayado sa ugaling pinakita ni Silma sa bayan. Naturingan itong anak ng isang albularyo ngunit ang ugali nito ay hindi nila nakakayang sikmurain. 

Nang makarating na si Ismael sa bukid, una niyang ginamot ang sugat ni Dodong sa ulo. Nasa kalagitnaan na ito ng pagbebenda nang magsalita ang bata.

"Tatay Ismael, patawad po kung binigyan kita agad ng problema. Pero, hindi naman po talaga kami ang nagsimula. Lumayo na nga kami at pupunta na sana sa bukid pero hinarang kami nila." wika ni Dodong at napangiti si Ismael. Marahan niyang hinaplos ang ulo ng bata at nginitian ito.

"Alam ko, hindi mo kailangang magpaliwanag," sagot ni Ismael.

"Talaga po? Pero tatay, nakita ko po, may mangyayaring masama doon sa ale at sa anak niya. Dahil gumawa sila ng masama laban sa akin, sa amin ni Ate Esme, at hindi ko po sila mapipigilan doon." Umiling si Dodong at tinuro ang pisngi ni Esmeralda. "Nakita ko ring galit na galit si Kuya Liyab, at ang mga laman-lupa pagpasok namin kanina." 

Dito na biglang nabahala si Ismael, ganitong-ganito rin ang nangyari noon, noong minsan pagbuhatan ng kamay ni Roger si Esme at pinagtangkaang ibenta. Nagalit ang mga gabay at maging ang mga nilalang na hindi nakikita.

Bumuntong-hininga si Ismael at napapikit na lang. "Hayaan mo sila, mas maigi ngang maranasan nila ito, magiging leksyon rin ito sa kanila. Pero sana, huwag humantong sa permanenteng parusa." 

Natahimik naman si Dodong at napatingin kay Esmeralda. Kinatanghalian, nag-asikaso ng mga alay si Esmeralda at Dodong para sa mga galit na gabay. Nagsagawa sila ng ritwal at nagpausok sa harap ng malaking puno ng mangga na siyang naging tahanan ng mga ito.

"Dinggin niyo sana ang aming pakiusap. Tao sila at nagkakamali rin, hindi namin pipigilan ang pagpaparusa niyo pero maging mapagpatawad sana kayo. Isang paumanhin lang sa kanila, sana bigyan niyo pa sila ng pagkakataong magbago." Nakayukong wika ni Esmeralda. Si Dodong ay nag-usal rin ng pakiusap para sa mga gabay at nagbabantay sa kaniya bago yumuko hanggang sa lumapat ang noo niya sa lupa. Ilang beses rin nilang ginawa ang ganoong klaseng pagyuko hanggang sa maramdaman nila ang pag-ihip ng banayad at malamig na hangin, tanda na sumasang-ayon na sa nais nila ang mga gabay.

Pareho pa silang nagkatinginan at napangiti bago nag-usal ng pasasalamat sa mga ito. Masaya nilang nilisan ang puno at tumungo na sa kubo ni Mateo para magtanghalian.

Kinahapunan,

"O, sabi ni Tiyo Ismael, dito na na muna kayo sa bukid, mukhang mainit pa rin talaga ang ulo ni Aling Silma. Hay naku, hindi ko talaga maintindihan kung anong pinaghuhugutan ng galit ni Aling Silma sa'yo." Napapailing na lang si Mateo habang pinapaypayan ang uling na pinapabaga nito. Mag-iihaw kasi siya ng hito na nabili nila sa naglalako kanina. 

"Bata pa lang ako, gan'yan na siya. Ako man ay naguguluhan, ang alam ko lang at kuwento ni amang, may ginawa ang asawa niya sa akin noong sanggol pa lang ako, tapos nagkasakit ang asawa niya hanggang sa nawala ito. Kaya ayon, galit na galit siya sa akin," wika naman ni Esmeralda.

"Kung may ginawa sa'yo ang asawa n'ya, siguradong naparusahan iyon ng mga gabay. Hindi kasi basta-basta ang mga taong pinangangalagaan ng mga gabay. Ayaw nilang nasasaktan tayo o nadedehado. Hangga't nasa tama tayo, kikilos sila para bumawi." Sabad ni Dodong at nagkatinginan naman si Mateo at Esmeralda.

Kinaumagahan, tulad nang inaasahan, nabalitaan nila ang pagkakaroon ng sakit ni Sonya at ng anak niya. Nabalot ng pangamba ang pamilya nito at ng marinig ito ng mga kabitbahay, agad silang nabalot ng takot. Umaga pa lang ay nasa harap na ng bahay ni Armando ang pamilya ni Sonya para humingi ng tulong. Nag-iiyakan ang mga ito habang patuloy na nagmamakaawa na gamutin ang nanay at kapatid nilang bunso. 

"'Tay, hindi ba kayo naaawa sa pamilya ni Sonya, nagkasakit sila dahil sa salot na hatid ng mga inampon ni kuya," wika ni Silma.

"Magtigil ka nga Silma, naririnig mo ba ang sarili mo? Anong salot? Kayo ang salot, ang mga ugali niyo ang nagdudulot ng salot. Hanggang ngayon ba bulag ka pa rin? Kailan ka ba maliliwanagan, inosente si Esmeralda at lalong inosente si Dodong. Mababait silang bata, kayo itong nananakit at nanggugulo sa kanila. Hindi ko alam kung bakit nagkaroon ako ng anak na makitid ang utak. Umalis ka sa harap ko, kung ayaw mong ihambalos ko sa'yo itong tungkod ko." Galit na wika ni Armando. Sinapo nito ang dibdib at huminga nang malalim bago umupo. Padabog namang nagmartsa si Silma pabalik sa kuwarto nito, wala itong ibang nagawa kun'di ang magmaktol na parang batang napagalitan.

"Hayaan niyo muna silang magmakaawa hanggang sa maunawaan nila ang kanilang ginawa. mamimihasa lang ang mga iyan kung hindi bibigyan ng leksyon. Hanggang pahirap lang naman sila, dahil napakiusapan na ng dalawang bata ang mga gabay na hindi sosobra sa limitasyon nila." Salaysay ni Ismael habang pasimpleng umiinom ng kape. "Huwag mo na ho masyadong pag-aksayahan ng lakas si Silma, pasasaan ba't mauunawaan rin niya ang lahat."