Chapter 9

Pumasok ng clinic sina Emma at Bobby, at agad silang sinalubong ng receptionist. Ang amoy ng antiseptic at malinis na paligid ay medyo nakakapanghinayang, pero hindi pa rin siya matanggal ang kaba na nararamdaman.

Kahit na mas okay na ang pakiramdam niya at unti-unti na niyang nararamdaman ang pagdahan ng sakit sa kanyang ngipin, alam niyang ang totoong laban ay magsisimula pa lang. Ipinagpapaliban niya ito ng ilang araw, umaasa na mawawala rin, pero ngayon, ang oras ay dumating na. Ang sumunod na hakbang ay hindi na maiiwasan.

Habang nagsusulat si Emma sa form, nakasandal lang si Bobby sa upuan, pinagmamasdan siya.

"Kinakabahan ka, 'no?" bulong nito atsaka ngumiti ng mapanloko.

"Hindi ah," depensa agad ni Emma.

"Weeeh?" Bobby smirked, saka tinignan ang kamay ni Emma na hawak ang ballpen. "Bakit nanginginig kamay mo habang nagsusulat?"

Napahinto si Emma at mabilis na isiniksik ang ballpen sa kamay ni Bobby. "Ikaw na kaya ang magsulat!"

Tawang-tawa lang si Bobby habang inaabot pabalik ang ballpen sa kanya.

Matapos mag-fill up ni Emma ng form, binalik niya ito sa receptionist. Tahimik silang naka-upo ni Bobby hanggang sa tinawag ang pangalan ni Emma.

Tumayo si Emma, at nang makita niyang tumayo rin si Bobby, napalingon siya rito. Ngumiti lang si Bobby. Hindi sana siya papasok, pero curious siya sa magiging reaksyon ng kaibigan.

"Huy, hindi ka pwedeng pumasok," sita ni Emma.

Lumingon naman si Bobby sa receptionist. "Miss, pwede bang pumasok sa loob? Takot kasi itong kasama ko at siguradong iiyak siya," paliwanag ni Bobby. Pasimpleng hinila ni Emma ang laylayan ng damit ni Bobby, pero hindi siya tumanggi.

"Tanungin ko po muna. Mauna na po kayo sa loob, Ma'am," sagot ng receptionist.

Tumango si Emma at pumasok na sa loob ng treatment room. Habang siya'y umuupo, ramdam na ramdam pa rin niya ang tensyon sa kanyang katawan.

Maya-maya, pumasok si Bobby at naupo sa isang sulok malapit sa pinto, nakatingin sa kanya ng may halong pag-aalala. Hindi naman sinabi ni Emma, pero sa totoo lang, mas kumportable siyang nandoon si Bobby.

Sumunod ang isang babae at nagsimulang maghanda ng ilang gamit ang dentista, habang si Bobby ay patuloy na pinagmamasdan si Emma.

Maya-maya, pumasok ang isang lalaki at linapitan si Emma. Lumingon si Emma nang maramdaman ang presensya ng lalaki sa kanyang tabi. Medyo nanlaki ang mata niya, ngunit sinubukan niyang magpakatatag.

"Hi, I'm Dr. Cruz," sabi ng dentista na may mahinahong ngiti. "Okay. Open your mouth."

Habang nagsisimula siyang magtrabaho, naramdaman ni Emma ang dahan-dahang pagkabahala sa bawat galaw ng doktor.

Tulad ng inaasahan, nagsimula nang magtanong ang doktor tungkol sa kung gaano katagal na ang sakit na nararamdaman ni Emma, at kung may iba pa siyang nararanasang sintomas.

Habang ang doktor ay abala sa pagsusuri ng mga ngipin ni Emma, nararamdaman niyang dumadami na ang tensyon sa kanyang katawan. Hindi na siya makatingin kay Bobby, ngunit alam niyang naroroon lang siya, nagmamasid.

"Wala bang ibang nararamdaman na sakit?" tanong ng doktor habang inaayos ang gamit.

"Wala na po... medyo gumaan na 'yung sakit," sagot ni Emma, kahit na may konting kabang nararamdaman.

"Good to know," sabi ng doktor at nagsimulang maglagay ng isang uri ng gel sa gilid ng ipin na may cavity. "Kailangan lang nating tiyakin kung puwede pang lagyan ng pasta. Kung hindi, baka kailanganin nating mag-implant."

Emma forced a nod. "Hindi naman po masakit 'yon, 'di ba?"

"Depende," sagot ng dentista.

"Depende?!" gulat na tanong ni Emma.

"Huwag kang mag-alala. Kailangan din ng pasta ng dalawa pang ngipin mo. Gagawin na ba natin lahat ngayon o sa susunod na lang?" tanong ng dentista.

Bago pa makasagot si Emma, inunahan na siya ni Bobby. "Lahat na, Doc, para minsanan."

"Doc, isang ngipin lang po muna. Kulang po ang dala kong pera," kontra agad ni Emma.

"Mas mabuti nang ipagawa mo lahat. I'll pay. Bayaran mo na lang ako," ani Bobby.

"Pero—"

"Tatakbuhan mo ba ako?" biro ni Bobby.

"Hindi," sagot ni Emma, nag-aalangan.

"Then we're good. Doc, ikaw na ang bahala sa kanya," nakangiting sabi ni Bobby.

Ngumiti ang doctor at lumabas muna, naiwan ang dalawa sa loob. Tumayo si Bobby linapitan si Emma. 

"Kaya mo 'yan. Ano ba 'yung konting tusok?" biro niya, pigil ang tawa.

Sinamaan siya ng tingin ni Emma.

"Kaya mo pa bang tiisin o hihimatayin ka na?" pang-aasar pa ni Bobby.

Emma crossed her arms. "Tumigil ka nga!"

Ngunit nang makita ni Bobby ang bahagyang panginginig ng mga kamay ni Emma, bumuntong-hininga ito. "Kapit lang, okay? Hindi ka mamamatay."

Nang bumalik ang dentista, kasama na niya ang maga-assist sa kanya. Sinimulan na nila ang procedure. Habang ginagawa ito, pilit na pinakakalma ni Emma ang sarili. 

Pinikit niya ang mga mata, pero napaigtad siya nang maramdaman ang unang kaskas ng drill at agad na namuo ang kanyang mga luha.

Ngunit nang maramdaman ni Emma ang mas matinding pag-drill sa ngipin niya, tumulo ang kanyang mga luha. 

Napansin ito ng doctor kaya tinigil niya muna ang kanyang ginagawa.

"Masakit ba masyado?" tanong ni Doc. 

Umiling si Emma, pilit na pinipigilan ang hikbi. "Iyakin lang po talaga ako. Kaya ko po 'to," naiiyak niyang sabi.

Hindi nakapagpigil ng ngiti si Bobby, at pati ang dentista ay hindi napigilang ngumiti bago tinuloy ang procedure.

Mabuti na lang at hindi kinailangang hugutin ang ngipin ni Emma at kaya pa itong i-pasta. Maya-maya, natapos din ang procedure.

Emma exhaled shakily, pinapahiran ang mga luhang naiwan sa kanyang pisngi. Finally.

Naunang lumabas si Bobby at sumunod naman si Emma.

"Success?" biro ni Bobby nung makalabas sila.

Ngumiti si Emma atsaka tumango.

"Magkano po 'yung bayad? Pati 'yung extra charge sa pagiging OA ng patient?" tanong ni Bobby nung nasa reception na sila.

Sinikuan ni Emma si Bobby sa inis.

Napangiti ang dentist at receptionist. "Wala pong ganung charge."

"Sayang," Bobby smirked. "Siguradong malaki ang babayaran ng kasama ko kung sakali."

Emma rolled her eyes pero hindi napigilan ang maliit na ngiti. Kahit nakakainis, alam niyang kahit paano, ginagaan ni Bobby ang loob niya.

Pagkatapos nilang magbayad, lumabas na sila ng clinic. Napangiti si Bobby, may halong awa sa itsura ni Emma. Dahil sa pag-iyak niya kanina ay medyo maga ang mga mata nito. 

"Mamaya tayo umuwi," ani Bobby saka hinawakan ang braso ni Emma at inakay ito papunta sa convenience store na nasa tabi lang ng clinic.

"Wait here," aniya at pinaupo si Emma sa bench sa harap ng store bago siya pumasok sa loob.

Pagkalipas ng ilang minuto, lumabas si Bobby mula sa convenience store, may dalang maliit na supot. Umupo siya sa tabi ni Emma at inilabas ang biniling yogurt kasama ang isang maliit na kutsara.

"Ito lang muna," aniya, iniaabot ito kay Emma. "Pwede mong kainin kahit kakagawa lang ng ngipin mo. Hindi matigas, hindi rin malamig."

Napasimangot si Emma habang tinititigan ang yogurt. Halata pa rin ang trauma sa mukha niya.

Kinuha ulit ni Bobby ang yogurt, binuksan ang takip, at saka inabot muli kay Emma. Of course, he had to lick the lid para hindi masayang bago niya iyon itinapon sa supot.

Sinimulan nang kainin ni Emma ang yogurt.

Samantala, inilabas naman ni Bobby ang ice cream niya at tinanggal ang balot nito. Habang kumakain, nahagip ng tingin niya ang pagtitig ni Emma sa ice cream.

Natawa si Bobby. "Hindi ka pa pwede dito. Yogurt ka lang muna. Next time kita bibilhan."

Napasimangot na lang si Emma. Binuksan niya ang kanyang bag at naglabas ng wet wipes, saka pinunasan ang pumatak na ice cream sa damit ni Bobby na hindi nito napansin.

Napatingin si Bobby sa kanya, bahagyang nagulat sa ginawa ni Emma. Ramdam niya ang malamig na wipes sa balat niya kahit may suot siyang damit, at hindi niya alam kung bakit parang biglang nagkaroon ng awkward na tension. 

Medyo nanigas ang katawan niya, at para pagtakpan ang kung anumang nararamdaman niya, bahagya siyang umubo at tumingin sa ibang direksyon. Hindi siya sanay sa ganitong klase ng close contact.

Karaniwan, hindi siya komportable kapag may ibang babae na lumalapit nang ganito, maliban na lang kung girlfriend niya. Pero dahil si Emma ito, na matagal na niyang itinuring na parang kapatid, pinili na lang niyang huwag bigyan ng malisya.

"Uh... Thanks," aniya, pilit na kaswal ang tono. Pero hindi niya maiwasang kamutin ang batok niya.

Si Emma naman, parang wala lang. "Welcome," sagot niya, walang malisya, bago itinapon ang wipes sa malapit na basurahan.

Bobby watched her for a second, then exhaled, shaking his head with a small smirk. Some things really never change.

Matapos nilang maubos ang pagkain, bumalik na sila sa sasakyan. This time, Bobby kept the AC off and lowered the windows for fresh air to enter.

Pag-start pa lang ng sasakyan, biglang tumunog ang cellphone ni Emma. Napatingin si Bobby kay Emma at aksidenteng nakita niya ang pangalan na naka-display sa screen ng phone nito. Jake. 

"Napatawag ka?" tanong ni Emma.

Tahimik lang na nagmaneho si Bobby habang kausap pa rin ni Emma ang nasa kabilang linya. Pagkatapos ng tawag, napa-lingon si Emma kay Bobby. Hindi niya alam kung paano sasabihing itigil ang kotse. Balak sana niyang ilibre ng lunch si Bobby, pero nagbago ang plano niya nang tumawag si Jake.

"Just tell me what you want to say," ani Bobby nang mapansin niyang parang may gustong sabihin ang kaibigan.

"Aaah, pwede bang itigil mo na lang dito ang sasakyan?"

"May iba ka pang lakad?" takang tanong ni Bobby.

"May imi-meet lang ako, pero ililibre talaga kita bukas, promise," ani Emma.

"May date ka ba?" tanong ni Bobby habang pinagilid ang sasakyan. Bahagya siyang sumulyap kay Emma, saka muling ibinalik ang tingin sa daan, tila hindi gaanong interesado sa sagot pero gusto lang malaman.

"Magkikita lang kami ng kaibigan ko."

Tumango si Bobby at maya maya ay tinigil na niya ang kotse at bumaba si Emma.

"Thank you ulit. Tatawagan kita bukas," ani Emma.

"Teka," ani Bobby bago pa maka-alis si Emma. "Alam mo ba ang number ko?"

"Ah..." sagot ni Emma, napakunot-noo. Hindi nga pala niya alam ang number ni Bobby.

"Give me your phone," ani Bobby, at agad namang inabot ni Emma ang telepono niya. Nilagay niya ang phone number niya at sinave sa contacts ni Emma.

"Para 'pag may emergency, alam mo kung sino tatawagan," paliwanag ni Bobby habang inaabot pabalik ang phone.

Tumango lang si Emma pero napangiti siya. Bago siya makaalis, tinawag siyang muli ni Bobby.

"Ria!"

Humarap ulit si Emma.

"In case na kakain kayo, don't eat any solid food. Don't drink anything hot or eat something that's too cold. Iyong mga pagkain ng walang ngipin ang kainin mo."

Napailing si Emma saka natawa. "Copy, boss."

"Good. Ingat," sagot ni Bobby bago siya umalis.

Habang naglalakad papunta sa coffee shop, napangiti ulit si Emma. Parang kuya ko lang ah.

Pagkalipas ng ilang araw, nasa unit ni Emma sina Bobby at Seb. Halos mahulog si Seb sa kinauupuan niya sa sobrang tawa habang kinukuwento ni Bobby ang nangyari sa sasakyan at sa clinic.

"Ang OA mo," inis na sabi ni Emma bago sinadyang sipain ang hita ni Seb. Kasabay nito, marahas niyang inilapag ang kape ng dalawa sa coffee table.

"Pre, nakalimutan ko palang sabihin sa'yo na bukod sa pagiging iyakin ni Emma, hiluin na rin siya ngayon. Epekto ng katandaan niya," ani Seb, pilit pinipigilan ang tawa bago kinuha ang baso at humigop ng kape.

Emma rolled her eyes at Seb's comment but didn't bother to argue. Instead, she leaned against the couch and took a sip of her own coffee, pretending to ignore the two men snickering beside her.

"Ano ka ngayon, Emma? Lola levels na?" pang-aasar ni Bobby, sabay ngisi.

"Hoy! Mas matanda ka sa'kin, huwag kang ano diyan," sagot ni Emma, sabay irap.

Bago pa man makasagot si Bobby, si Seb na ang sumingit. "Tama! Pero kahit mas matanda kami, ikaw 'yung may maintenance."

Halos mabulunan si Emma sa iniinom niyang kape. "Gusto mo talagang sipain ulit, 'no?"

Natawa lang nang malakas si Seb habang si Bobby ay umiling, aliw sa pang-aasaran nila. "Ganyan talaga, tumatanda na tayo. Next time, kailangan mo nang may dalang Salonpas at Omega."

"Pati tungkod, pre." Napa-ubo si Seb dahil sa labis na pagtawa. 

Karma, ani Emma sa kanyang isipan at napangisi. "Tama na 'yan, baka gusto niyong masamid nang sabay."

Tumayo siya at kumuha ng tissue sa kusina, saka iniabot kay Seb. Agad namang pinunasan ni Seb ang gilid ng kanyang labi, kung saan napunta ang kaunting kape nang siya ay masamid.

Habang nag-aabot si Emma ng tissue, napansin ni Bobby kung paanong tila natural lang sa kanya ang mag-alala sa iba. Napangiti siya nang bahagya bago muling humigop ng kape.

Napuno ng tawanan ang buong living room dahil sa dalawang lalaki, habang si Emma naman ay tahimik na nagpipigil ng inis. 

Kung siya lang ang masusunod, matagal na niyang pinalayas ang dalawa, pero dahil pinalaki siyang may tamang manners, kahit minsan gusto niyang kalimutan, pinili na lang niyang magtimpi. She just started cursing them in her head instead.

"Kaya ngayon, alam mo na, bro. Kapag si Emma ang sakay mo, kung ayaw mong masukahan ang loob ng sasakyan mo, huwag mong i-on ang aircon at palaging buksan ang mga bintana. Ikaw nga lang ang magsa-suffer sa init, pero at least hindi ka gagastos ng pampa-cleaning," ani Seb.

Tahimik namang tinitigan ni Emma si Seb ng masama. Bwisit talaga 'to.

"Maglagay ka na rin ng mga extra supot sa bawat sulok ng sasakyan mo para in case talagang matuluyan, may sasalo naman," dagdag pa ni Seb, hindi pa rin tapos sa pang-aasar.

Tahimik lang na nakatitig si Emma kay Seb, pero kitang-kita sa tingin niya na gusto na niyang ibalot sa supot ang ulo ng lalaking nagngangalang Seb.