CHAPTER NINETEEN

"NABABAGOT na kaming mag – antay, Felicia." Iyon lang ang narinig niyang reklamo ni Angely. Sinipatan niya ito at hindi siya sumagot.

 

Hindi niya nakuha ang kaluluwa ni Ashley, dahil ito ang magiging daan sa paglaya nila sa mundong ginawa ni Leah.

 

Gagawin ko ang lahat para makalaya ako rito, ayokong mabulok ang kaluluwa ko sa lugar na ito! Napasabi na lamang niya sa kanyang isipan.

 

Tsk.

 

Nakita niya ulit si Leah, na tinitingnan sila. Nabigla na lamang siyang kasama nito si Ashley. Hindi pa patay ang katawan nito, ngunit, maari itong maglakbay, at pwede silang pakawalan ng bata ngayon.

 

"Ikukulong mo rin ba ang batang iyan?" napatanong na lamang niyang tiningnan si Leah.

 

Patuya silang nginitian nito. "Kagaya ng sinabi ko sa inyo, hindi ko idadamay ang walang kinalaman rito." Sabi pa nito.

 

"Ashley, palayain mo kami, tutulungan namin ang Mommy mo, may nangyari sa iyo, hindi ba? Tutulungan namin siya." Pangungumbinsi ni Angely sa bata.

 

"Kilala mo Mama ko?" tanong na lamang nito.

 

Tumango – tango pa ito para makuha nila ang loob ng bata. "Paano ninyo nakilala si mama?" tanong nitong pabalik sa kausap.

 

"Ah, palaging nakwento sa lola mo noon. Matalik kaming magkaibigan ni Lola mo, kaya nakilala namin ang Mama Sharlene mo."

 

Hinayaan na lamang niyang magsalita si Angely ngayon, naniniwala siyang maniniwala ang batang kaharap nila ngayon.

 

Lumapit ang bata sa kanila.

 

Ito na ang pagkakataon.

 

Biglang hinila ni Leah ang bata papalapit nito at itinago ito sa likuran. Tiningnan siya ni Leah noon, at tinaasan sila ng kilay wala itong imik.

 

"Ashley, hindi ka rito nararapat, nandoon ka lang sa katawan mong nagbabantay." Rinig niyang sabi ni Leah sa bata.

 

"Tinatawag ako ni Lola rito, sabi niya dadalhin ko si Mama."

 

"Ashley, namiss ko lang ang mama mo, saka gusto ko lang siyang makausap ngayon." sabi pa niya.

 

"Lola, bad po ang magsinungaling." Iyon lang ang narinig niya sa bata.

 

Narinig pa niyang napatawa si Leah sa sinabi ng bata. Napahagikhik pa ito na tinitingnan sila.

 

"Tingnan mo nga naman, bata na ang nagsabi sa iyo na masama ang magsinungaling." Sabi pa nito.

 

"Hawakan mo ang kamay ko, Ashley." Sabi naman niya.

 

"Malalaman mo kung nagsisinungaling ba ako sa iyo." Inabot niya ang kanyang kamay noon.

 

Nakatalikod si Leah noon, nag – oobserba kung anong ikikilos ng bata.

 

"Halika." Ingganyo niyang sabi para hawakan siya nito.

 

Unti – unting iniabot nito ang kamay, napangiti siya ngunit ilang segundo lang niyang nahawakan ang bata noon.

 

"Sinusumpa kong hindi ka makalabas rito, Ashley, dalhin mo ang mama mo rito, kapag hindi ka sumunod sa akin mananatili ka rito sa kadilimang ito." napangisi siya noon.

 

Humangin nang malakas, ang salita ng isang kaluluwa ay may kapangyarihang dulot sa mga kaluluwang hindi pa tuluyang naging kaluluwa.

 

Ngunit, ikinulong ito ni Leah bago pa magkabisa ang sumpa niya, ngunit alam niyang hindi na ito makalalabas pa.

 

Napangisi siya kay Leah noon. "Anong sabi mo na hindi madadamay ang walang kinalaman rito, Leah?" tanong naman niya rito.

 

Seryoso siyang tinitigan ni Leah, halata nito ang galit na ginawa niya, nagkatitigan na lamang silang dalawa.

 

"You really good doing something like this, Felicia." Napailing – iling pa ito.

 

"Akala mo ba na mananahimik lang ako rito? Ibabalik ko sa iyo, ang karma na ginawa mo sa akin."

 

"Karma? Ang gumamit ng isang batang inosente, para masunod sa kagustuhan mo?" napatawa pa ito sa kanya.

 

"Ang batang iyan ang magsisilbing daan para makapunta si Sharlene dito." Sabi pa niya noon.

 

Alam niya noong bata pa si Sharlene ay may kakayahan na itong maglakbay at makita ang mga pangitain, ngunit, pinipigilan na lamang nito ang abilidad niya, kahit, hindi niya ito kadugo ay may natatangi itong abilidad.

 

Nais niyang dalhin ang dalawa niyang totoong apo rito, ngunit, alam niya ang mangyayaring wala rin dahil ang kagaya ng dalawa'y hindi interesadong matulungan siya. Kumakapit siya kay Sharlene, dahil alam niyang madali itong paikutin, hindi lang siya nagtagumpay na kunin si Ashley, ngunit, masaya siyang nandito ngayon ang bata, isinilid din ito, ngunit, hindi kagaya nilang nagdurusa.

 

"Gusto mo talagang maglaro no?" tanong naman ni Leah sa kanya na napangiti sa kanya.

 

"Gusto ninyo talagang madamay ang mahal ninyo sa buhay, well, tingnan natin ang mangyayari, Felicia." Saad naman ni Leah.

 

Nakita niyang nawalan ng malay ang kaluluwang bata, dahil sa nangyari.

 

"Ikaw ang sisisihin ni Sharlene, alam ko kung paano mag – isip ang babaeng iyon, alam ko kung paano siya maging ina sa batang iyan."

 

Hindi ito nagsalita sa kanya. Ngunit, nakakakilabot ang ngiting namutawi nito sa labi. Naramdaman niyang unti -unting naghiwalay ang katawan niya, matinding sakit ang naramdaman niya, napansin niyang napabalik siya sa nakaraan.

 

Nakikita niya noong malakas pa siya, habang binubuhay niya si Sharlene, may mga larawan na kanyang nakikita.

 

"Ayosin mo iyan! Ang bubo – bubo mo!" pasinghal niyang sabi sa batang si Sharlene na naglilinis ng bahay, takot na takot si Sharlene sa kanya na ayaw tumingin sa kanyang mga mata.

 

Pinarusahan niya ito, isinako at pinausukan pa, dahil gustong - gusto niyang manakit ng batang hindi naman niya kadugo, napatda siya sa kanyang pag – iisip.

 

Napansin niyang nasa sako siya, at naramdaman niya ang mainit na apoy na humahaplos sa kanyang balat, unti – unting lumalakas ang apoy at tila napapaso na siya ngayon.

 

"Pakawalan mo ako rito, Leah!" sigaw niya.

 

Alam niyang si Leah ang gumagawa nito ngayon, gusto niyang makaalis, dahil napapaso na siya, kahit kaluluwa na ang katawan niya, nakaramdam pa rin siya ng sakit. Hindi lang siya ang nagsusumamo, pati na rin ang kasama niya noon sa sildang hindi sila makatatakas.

 

"Ibabalik ko ang sakit na nararamdaman namin ngayon, Leah! Ibabalik ko sa iyo!" sigaw pa niya nang ubod lakas.

 

Biglang lumitaw si Leah sa harapan niya, na napangisi noon, kitang – kita nito sa mga mata ang walang bahid na pagkaawa sa kanila.

 

"I will gladly, accept it, Felicia. Maglalaro tayo sa gusto ninyong laruin. I'm very excited." Napasabi nito at tumawa nang walang bukas.

 

"Ano ang gusto mong laruin?" napatanong naman nito nakaupo sa kanyang trono.

 

"I'm sorry, masakit ba?" mapang – uyam nitong tanong.

 

Habol – habol niya ang kanyang paghinga, masakit pa rin ang balat niyang napaso. Pinukulan niya ito nang masamang tingin, hindi ito nagpaawat sa kanya na ningitian na lamang siya.

 

"Tatanggapin ko nang buong – buo si Sharlene, kapag dumalaw siya rito sa mumunti kong palasyo." Iyon lang ang narinig niya kay Leah.

 

"Hindi mo pa alam kung paano gamitin ang kakayahan mo bilang isang kaluluwa, Felicia." Pabulong nitong sabi. "Hayaan mo, makikita at maiintindihan mo rin ang sinasabi ko sa tamang panahon."

 

Lumayo ito kaagad sa kanya.

 

"Leah!" iyon lang ang sigaw na narinig niya kay Angely, nakahubad ito at may mga uod sa katawan nito. "Tanggalin mo!"

 

"Oh no, takot din ako sa uod, ipatanggal mo na lang sa asawa mo."

 

Tumatawa ito habang nawala sa kanilang paningin, mahimbing na natutulog si Ashley noon. Kinuyom niya ang kanyang kamay at nanginginig na siya sa galit na nararamdaman niya.