"TASHIA, Tashia!" Napapitlag na lamang si Tashia nang tinatawag ang kanyang pangalan, kaya naman napalingon na lamang siya.
"B—Bakit?" tanging tanong na lamang niya.
Napabuntong-hininga na lamang ang iba niyang kasamahan.
"Hindi ba maganda ang pakiramdam mo? Kanina ka pang wala sa sarili nang dumating tayo rito." Puna naman ng kanyang isang kasama.
Nagkibit-balikat siya; minsan, hindi niya mapigilan ang kanyang isip na kusang maglakbay.
"Pasensya na." Paghihingi na lamang niya ng pasensya sa mga kasamahan niya.
"Kailangan na nating matulog, kapagod, wala man lang sasakyan rito." Reklamo pa ng isa niyang kasamahan.
"Tashia, okay ka lang ba na mag-isang matutulog sa kwarto?" biglang napatanong ng isang kasamahan niyang babae.
Tiningnan naman niya ito; tanging tango na lamang ang kanyang binigay.
"Tash, kailangan mo nang magpahinga." Tinapik pa siya sa likod nito.
Alam niyang mag-iinuman na naman ang kasamahan niya, kaya hindi na siya makikisali. Diretso na siya sa kanyang kwarto. Malinis naman ang kanilang tulugan ngayon, saka, nag-aaya na ang tulugan na umakyat at magpahinga.
Nagbihis na muna siya ng pantulog at naglinis sa kanyang katawan. Hindi niya alam kung bakit wala siya ngayon sa huwesyo niya; hindi tuloy siya maka-focus sa kanyang dapat gawin, kung bakit nandito siya ulit sa bayan.
Napabuntong-hininga siya; naririnig niya ang tawanan ng kanyang mga kasamang nagkakasiyahan sa labas, kahit pagod ang kanyang katawan, hindi naman siya makatulog, hanggang sumakit na lamang ang kanyang ulo sa paghiga, bumakod siya, may study table naman doon.
Gusto na muna niyang gumawa ng narrative report na hindi niya magawa-gawa kanina. Kinuha niya ang kanyang notebook; bubuo na muna siya ng draft. Kinuha niya ang kanyang phone noon.
Natatakot siyang buksan ang phone niya at tingnan ang mga larawan.
Kailangan mo itong gawin, Tashia. Pinagalitan pa niya ang kanyang sarili. Naglakas loob siyang pumunta sa gallery niya at tiningnan ang mga larawang kinukunan niya kanina; normal na larawan lamang ang kanyang nakikita ngayon.
Kung ano-ano na lang ang iniisip mo, Tashia.
Sinimulan na niyang gawin ang narrative report, habang masayang nagkuwentuhan sa labas ng kwarto ang kanyang kasama. Hindi niya namamalayang unti-unting tumahimik ang paligid.
Baka lasing na ang mga iyon. Napasabi na lamang sa kanyang isipan, patuloy siyang gumagawa ng kanyang naobserbahan kanina, nawala ang takot niya at nakaka-focus na rin siya ngayon.
Narinig niya ang pagbukas ng pintuan, naririnig niya ang yabag ng paa na may pumasok sa kwarto niya ngayon, hindi niya ito nilingon, dahil baka kaibigan niya lamang ito, at makikitulog na dahil sa kalasingan.
Hinayaan na lamang niya iyon; tatapusin na muna niya ang kanyang narrative report bago siya matulog. May mga matang nakatingin sa kanya; baka kaklase lang niya iyon, tahimik lang siyang tinitingnan sa kanyang ginagawa, nagtagpo ang kanyang kilay nang mapansin niyang kakaiba ang pinupukol na tingin nito sa kanya.
Dali-dali niyang tiningnan ito, nilamon siya ng kadiliman. Nandito ulit siyang minamasdan ang kanyang lola Felicia sa kulungan.
"Apo, Tashia." Tawag sa kanya.
Hindi siya sumagot, tiningnan niya ang batang si Ashley, doon siya lumapit, lumayo siya kung nasaan ang kanyang lola.
"Apo, huwag kang matakot sa akin, hindi kita sasaktan." Inaabot pa nito ang kamay para abotin siya.
"Lola, sinabi ni ate Sharlene sa iyo na tutulungan ka niya matapos niyang alamin ang nakaraan ninyong lahat." Kalma niyang paliwanag rito sa matandang kanyang kaharap.
"Hanggang kailan kami maghihintay, Tashia? Lalong—lalo na si Ashley, baka hindi na iyan makabalik ang kaluluwa nito sa katawan."
Napantig ang kanyang tenga sa kanyang narinig, nangunot ang kanyang noo at tinitigan ang matanda. "Lola, huwag na po kayong magsinungaling, alam kong gusto mo ng makalaya, riyan."
"Nagsasabi ako ng totoo, Tashia. May posibilidad na hindi makabalik kaagad ang kaluluwang si Ashley sa katawan nito." naging seryoso ang boses nito.
"Ano bang nais kong gawin?"
"Pakisabi ng ate Sharlene mo na bilisan niya ang kinikilos niya, bago mahuli ang lahat." napasabi na lamang nito sa kanya.
Napansin niyang may tinatago ito. "Ano ba ang tinatago mong sekreto sa amin?" tanong naman niya na tinitigan niya nang mataman ang matandang kanyang kaharap.
Hindi kaagad ito nakaimik. "Ang ginagawa ko noon ay para mabuhay kayo, para mapaganda ang buhay ninyo." Nakita nito sa mga mata ang umuusbong na galit nito.
Napabuntong-hininga siya.
"Bakit hindi mo tinulungan si Carmela?" diretsahan niyang tanong rito. "Ano ang rason mo kung bakit itinago mo iyon, lola?"
Hindi kaagad ito nakasagot, tila naalarma pang tingnan ang isang kasama nito.
"A—Anong ibig mong sabihin?" Biglang tanong ng lalaki sa kanya, walang iba kundi ito ang kapatid at panganay ng Santiago.
"Kilala mo si Carmela, Felicia?" Napabaling ang atensyon nito kay Felicia, na halata sa mukha nito ang maraming katanungan.
"Hindi ko kilala si Carmela." Tanggi pa nito. Sinipatan siya ng kanyang lola. "Pakisabi kay Ate Sharlene mo, dalian mo at baka magsisisi siya sa huli."
Nabalik siya sa bahay ng Santiago. Nabigla na lamang siyang nakarinig siya ng isang malakas na sampal, sunod-sunod pa ito.
"Putragis kang babae ka! Wala kang delikadesa!" Galit na galit ang boses nito.
"Anak, Carmela, ang bata-bata mo pa, patapos ka pa sa pag-aaral." Napasabi ng isang babae.
"Dad, papakasalan po naman ako." Napasabi ng isang babaeng hawak-hawak ang pisnging nasaktan at pinangingiliran ng luha.
Sasampalin sana ito ulit ng ama nito, ngunit pinigilan ito ng ina.
"Kaya nga ayoko sa babaeng anak! Nagbibigay ng kamalasan sa pamilya!"
Nagbago ulit ang paligid ni Tashia. Nanganak na ito at babae ang sanggol.
"Anong gusto mong ipangalan sa kanya, Carmela?" tanong naman ng lalaki sa kanya.
Ngingiti-ngiti itong tiningnan ang kanyang butihing asawa.
"Sharlene Ellena."
Nagulat siya sa kanyang narinig.
Sharlene Ellena? Napatitig siya sa dalawa.
Dinala siya ulit sa nakaraan, nakita niya ang batang babae, malinaw na malinaw.
A—Ashley? Napatanong sa kanyang isipan.
"Ellena! May ibibigay si mommy sa iyo!" May tumatawag sa bata na nasa tatlo o apat na taong gulang.
Nakita niyang may pulseras ito sa kamay, isang mamahaling pulseras.
"Anak, ingatan mo iyan, dahil ito lang ang kaya kong maibigay sa ngayon."
A—Ate Sharlene? Napatanong sa kanyang isipan na litong-lito. Nakaraan ba ito ng ate?
Nabigla siya sa kanyang nakita, na ang ina nilang si Linda ang nakakita kay Sharlene at naging ate nila kahit hindi sila magkadugo. Sa kanyang paglalakbay sa nakaraan, nakita niyang itinago ng kanyang lola ang pulseras nito.
Alam nga ni Lola ang totoong pagkatao ni ate, at itinago pa niya ito. Napasabi sa kanyang isipan.
Nabalik siya sa kadiliman, nakita niya si Leah na nakatingin sa kanya.
"Alam mo rin ba ito?" tanong naman niya sa kaluluwa.
Hindi ito sumagot sa kanya. Naglakad ito papalayo sa kanya.
"Malapit na kayo sa katotohanan; kapag nalaman na ninyo ang totoo, kaya na ninyong tagpi-tagpiin ang pangyayari."
Nawala ito na parang bola sa kanyang paningin, nagising si Tashia. Nakatulog siya sa study table, tiningnan niya ang kanyang paligid, at nandoon na ang iba niyang kasamahang natutulog sa kama na amoy alak. Napailing-iling na lamang siya noon.
Kailangan kong pumunta sa mansion ni Lola. Napasabi sa kanyang isipan.
Tatapusin ko na muna ito; pagkatapos, aalamin ko ang katotohanan. Hindi ako papayag na ilihim ko kay Ate Sharlene ang buo niyang pagkatao. Determinadong saad sa kanyang isipan.
Hindi na siya makatulog noon; tiningnan niya ang narrative report na ginawa niya. Kailangan na munang malaman ng ate Vivianne niya ang nakikita niya.
Baka rin may alam ito sa pangyayari.