Chapter 29: Parang nakaraan dumaan lang ang pasko na walang nangyaring espesyal.

Sa mga sumunod na match, hindi naging madali ang laban nila. Nakalaban nila ang isa sa mga pro player ng Europe at na kay Jacian ang target lock. Siya ang unang naka-first blood at meron siyang extra gold kaya hindi imposibleng siya ang target.

Tinarget siya ng enemy jungler sa puntong nagawa siya nitong pabalikin sa base, napatay niya 'rin ito at halatang nainis ito sa kanya kaya siya ang pinuntirya hanggang late game.

Dahil laging patay si Jacian, lagi 'ring patay si XiaoWang dahilan para hindi sila maka-level up. Sa huli umilaw ang kanilang Crystal at sumabog.

Natalo sila sa match.

Sumandal si Jacian sa kanyang gaming chair habang nakatingin sa madilim na screen. "Sorry, talo." Mahinang sambit ni Jacian. "Pero hindi ko naman binibilang kapag talo ang laro." Mahinang dagdag niya.

"Isa kang accompany player bakit naman hindi mo binibilang kapag talo? Sinamahan mo parin naman." Kalmadong sagot ni XiaoWang.

"Next?"

"No."

Natahimik si Jacian, bilang gamer alam niya 'rin sa sarili niya na hindi talaga nakakagana kapag lose streak, merong time na sunod-sunod talo sa puntong gusto mo ng i-uninstall ang laro.

"Bakit?" Tanong niya habang nakahawak sa mouse. "Huwag kang mag-alala mananalo tayo mamaya." Masiglang dagdag niya, plano niyang gamitin si Shangguan para in case na may makasalamuha silang professional esport player meron siyang pang-counter.

Bagaman matapos niyang sabihin iyon nakarinig siya ng mahinang tawa.

"New year na bukas, 9 p.m na magluluto pa ako ng handa." Sagot ni XiaoWang. "Nakalimutan mo na bang New Year bukas?"

Nadako naman ang tingin ni Jacian sa date and time ng kanyang computer at nakita niyang December 31, 2028 Sunday 9:01 p.m. Mamayang 12:00 a.m January 1 na.

"Mukhang nakalimutan mo nga." Natatawang sagot ni XiaoWang.

New year na bukas? Ganun kabilis? Parang nakaraan dumaan lang ang pasko na walang nangyaring espesyal tapos ngayon dadaan naman ang New Year na wala nanamang mangyayaring espesyal sa kanya.

Tamang humihinga nalang talaga ang ambag niya sa Pilipinas.

Tumikhim si Jacian bago tuluyang nagpaalam na siya kay XiaoWang at nag-exit sa laro, binuksan niya ang kanyang livestream account at nakita niyang dumagdag ang kanyang followers, kahapon lang ay 5.8 million ang followers niya ngayon ay 5.9 million na. Hindi naman hiniling ni Jacian ang magkaroon ng maraming followers pero mas mabuti naring marami siyang followers at least maraming namimigay ng gifts.

Ini-off niya ang kanyang computer atsaka tumayo, nilapitan niya si Spree na abala sa pag-ngatngat ng basahan at binuhat ito. Inilapag niya ito sa kama atsaka siya natulog habang yakap yakap ang kanyang aso.

Makalipas ang ilang oras, nagising si Jacian dahil sa mga fireworks na walang tigil ang pagputok sa madilim na kalawakan, hindi naman siya mahilig manood ng mga paputok at hindi 'rin siya nag-eenjoy sa fireworks kaya imbes na bumangon at pumunta sa labas tumagilid siya ng higa at ipinagpatuloy ang naudlot na tulog.

Dumaan ang bagong taon na ganun lang. Wala siyang ibang ginawa kundi ang matulog, hindi 'rin naman siya makakapag-live dahil abala ang mga tao ngayon sa pagsalubong ng bagong taon at sa kanilang pamilya.

Nang magising si Jacian, pasado na 8:00 ng umaga. Binuksan niya ang pinto at agad namang tumakbo si Spree para makipag-away sa mga malalaking aso, ni-lock ni Jacian ang pinto at pumasok sa banyo para maligo. Paglabas niya, kasalukuyan niyang tinutuyo ang kanyang buhok at umupo sa kanyang gaming chair para i-on ang computer.

Hindi siya nag-live nung 31 at 1 dahil araw ng linggo at New Year at dahil Martes ngayon balik nanaman siya sa tunay niyang schedule.

Habang hinihintay na mag-loading ang laro binuksan ni Jacian ang kanyang cellphone at nakita niya ang ilang message ni XiaoWang.

[小王: Happy New Year.][photo]

[小王: Q?]

[小王: Natutulog ka?]

[小王: Good morning.]

"................."

Na-shock si Jacian.

Fuck! Nakikipag-que si XiaoWang nung New Year pero natulog siya?! Ang akala niya ay abala ito sa pagsalubong ng New Year!

Kaagad naman siyang nagtipa para relpy-an ito. Hinintay ni Jacian ang reply nito ngunit makalipas ang ilang sandali ay wala siyang natanggap na reply, siguro ay busy pa ito o di kaya'y natutulog pa, hinayaan nalang iyon ni Jacian at nagdesisyong buksan ang kanyang livestream room.

Nang makita ng mga viewers na online siya, mabilis na dumagsa ang napakaraming comments na animo'y baha.

[Boss, hindi ka nag-live nung New Year! pumunta ako sa livestream room mo pero hindi ka nag-online! Sobrang boring ko..😔]

Himutok ng viewer.

"Boring ka naman talaga kaya nga hindi siya nag-stay sayo." Sagot ni Jacian.

Napuno naman ng 'HAHA' ang comment section.

[Hala si Boss humuhugot!]

[Grabe Boss new year na new year pinapasakit mo kami.]

[Na miss ka na namin Boss!]

"Ay di ko kayo na miss." Sagot ni Jacian habang abala sa pagtipa sa keyboard, lumilinga lang siya sa screen kapag nagbabasa siya ng comments.

[Eto Boss di mo miss? Nag-parank Nanaman Yung Pabuhat has sent you a big wave x2.]

[Nag-parank Nanaman Yung Pabuhat has sent you a big wave x1.]

"Yan, ganyan dapat." Sagot ni Jacian na tinawanan ng mga viewers.

[Ano palang gagawin mo Boss? Huwag mong sabihin mangtatrash ka nanaman kasi wala kang ka-dou que?]

[Nasaan na ba si Ninong?]

[Hay...gusto ko ng makita yung poging gameplay ni Ninong.]

[+1]

[+2]

Sa katunayan, hinihintay ni Jacian na mag-online si XiaoWang dahil baka gusto nitong makipag-que pero hanggang ngayon ay hindi parin ito nagrereply, naboboring naman si Jacian magparank ng mag-isa kaya nag-claim nalang siya ng mga dapat niyang i-claim.

100 thousands na ang tokens niya dahil hindi siya bumibili ng mga hero, karamihan pa sa mga hero niya ay mga walang skin. Nagkakaroon lang talaga ng skin ang mga hero ni Jacian kapag may free at merong nagreregalo, hindi naman siya nag-aaksaya ng pera pambili ng mga skins kaya sa tuwing sumasabak siya sa match laging 'yung hero niya 'yung dugyot.

Pero kahit naman walang skin ang hero niya kayang kaya niyang bumuhat. Yung dugyot na hero na 'to, 'yan yung bubuhat at dudurog sa inyo.

Dahil sa tagal ni XiaoWang mag-reply nag-find match na si Jacian. Na-select ang Team nila sa red at siya ang pinakahuling pipili, hinintay niya munang pumili ng lane at hero ang mga teammates niya bago niya pinili si Jing as jungler at flash para sa spell. Kapag nasa BP part talaga hindi maiwasan ang agawan ng lane, ilang beses ng napunta si Jacian sa kung saan saang lane dahil maraming nang-aagaw kaya minsan pinapauna niya nalang muna pumili ng hero ang mga teammates niya bago siya pipili ng hero na suitable sa natirang lane. Ang hirap kasi makipag-agawan dahil mas lalo lang magiging magulo ang line-up, minsan kasi nagiging dalawa ang marksman walang jungler, minsan naman dalawa ang mage walang clash lane. Pero depende 'rin kung gaano kagaling ang gumagamit, pero meron lang 60% chance na mananalo ang team niyo kung ganyan ang line-up lalo na kapag Grandmaster rank.

Mabuti nalang at napunta si Jacian sa jungling, bukod sa magnakaw ng mga resources at mang-gank wala na siyang ibang gagawin, ang pinaka-ayaw niya kasing gawin sa lahat ay mag-farm ng minions at ma-stock sa iisang lane dahil napakaboring, mas gusto niya 'yung nakakagala-gala siya sa mapa para mang-gank.

Si Jing 'din ang ginamit niya ngayon, isa sa pinakamahirap gamitin na hero. Si Jing ay isang assassin-type jungler na merong burst damage, 'yung mga assassin na hero ang paboritong gamitin ni Jacian dahil karamihan sa kanila ay merong mobility na kayang mag-tower dive.

Pero itong si Jing, medyo komplikado ito gamitin dahil kinakailangan ng mabilis na kamay, bihira 'rin itong makita sa KPL PH tournament dahil mahirap sabayan ang rhythm nito lalo na kung hindi ganun kabilis ang reaksyon at kamay ng teammates.

Sa loob ng 12 minutes walang ibang ginawa si Jacian kundi ang kumuha ng resources at minsan pumupunta siya sa farm lane para mang-gank pero madalas siyang nasa enemy jungle para kumuha ng resources.

Nang magkaroon ng teamfight sa enemy mid lane malapit sa enemy high ground tower, hindi inaasahang nadurog ang team nila sa puntong napilitang umalis si Jacian gamit ang isang bar na HP.

Pero dahil isang bar nalang ang HP niya, hahayaan ba naman siyang makatakas ng enemies? Syempre hindi!

Pigil hininga ang mga viewers ni Jacian habang pinapanood ang hero niyang si Jing na isang bar nalang ang HP habang hinahabol ng limang enemies!

[Shit! 1v5?!]

[Hindi naman siguro 'to 1v5 diba?]

[Oh no, mamamatay ba si Boss?]

[It's over!]

Tumakbo si Jacian hanggang sa marating niya ang pader ng overlord kaya ginamit niya ang kanyang skill para lampasan ito.

Dumeritso siya sa sarili niyang jungle kung nasaan ang azure golem at nagawang maabot ang level 15. Ang limang enemies naman na humahabol sa kanya ay huminto sa overlord para kunin ito. Nang makita ni Jacian na malapit nang maubos ang HP ng overlord ginamit niya ang kanyang second skill at flash dahilan para dumeritso siya sa overlord kung nasaan ang limang enemies at ini-launch ang kanyang ultimate move!

Na-shock ang mga viewers! Kaya pala flash ang ginamit ni Boss at hindi smite kahit na Jungler hero ang pinili niya, ang akala nila kanina ay hindi lang naalala ni Boss na palitan ang spell pero nang makita nila ngayon kung para saan ang flash......hindi nila maiwasan ang hindi ma-shock.

Kahit 'yun pwede?! Second skill ni Jing, flash at ult?!

Matapos i-launch ni Jacian ang kanyang ultimate move na mirror kung saan nagiging dalawa si Jing, mabilis niyang ginamit ang skills combo.

(Jing) Defeated (Overlord)

Na-slain niya ang overlord nang i-launch niya ang kanyang ult!

Sa loob ng dalawang segundo...

(Jing) LEGENDARY! (Princess Frost)

(Jing) DOUBLE KILL! (Lady Sun)

(Jing) TRIPLE KILL! (Lian Po)

(Jing) QUADRAKILLL! (Ying)

(Jing) PENTAKILL! (Allain)

ACED!

Nice killing!

Viewers: ["...............................?]

Ito...... posible pa ba 'to?

1v5? Si Jing?

Kitang kita naman nila na isang bar nalang ang HP ni Jing nang i-launch niya ang kanyang ult sa overlord samantala ang enemies naman ay full health pa, not to mention na sobrang tanky ni Lian Po.

Pero nagawang kunin ni Boss ang overlord at maka-pentakill?

Fuck! Hindi lang ito basta streamer, isa na itong God!

Paubo namang natawa si Jacian nang ma ACED niya ang kabilang team. Hinayaan niya lang ang mga minions ang magpabagsak sa enemy Crystal para makuha ang Victory!

[HOLY SH*T!]

[Boss pano mo nagawa 'yun?!]

[Ganun kabilis ang kamay mo Boss?! Ako nga halos maiyak sa skill combo ni Shangguan tapos easy lang sayo si Jing?!]

[Fuck! Si Jing 'din ata ang pinakamahirap na hero sa HoK!]

[Inaral ko si Jing sa loob ng 1 month pero hindi talaga kaya! Hindi ganyan kabilis ang kamay ko sa kamay ni Boss.]

[Boss pwede ka na pang e-sport!]

[Paturo naman gumamit ng Jing, Boss.]

Tinanggal ni Jacian ang kanyang headphones at inilagay sa kanyang leeg.

[Boss, pano 'yun? Pano nangyari 'yun? Diba isang bar nalang ang HP mo? Bakit parang ang bilis mo namang maging full health?]

"May healing kasi 'yung second skill ni Jing." Sagot niya.

[Boss's Grandfather has sent you a big wave x2.]

[Ngayon lang ako nakapag-online, lasing ako kagabi eh. Hay... diko napanood 'yung pentakill ng Apo ko.]

[Ang cool ng pentakill ni Boss, naka-screen record sa cellphone ko. I-sesend ko ito sa mga e-sport club!]

[Huwag! Baka hamunin siya ni God J makipag 1v1!]

[Hindi naman nakikipag 1v1 si God J sa mga streamer.]

Matapos ang isang round binuksan ni Jacian ang kanyang cellphone at nakita niya ang reply ni XiaoWang.

[小王: May hangover pa ako haha.]

[小王: Ready na ako.]

Nag-send naman si Jacian ng invitation na kaagad nitong ini-accept.

Nang makapasok na sila sa laro, gumamit uli ng marksman si XiaoWang samantalang mage naman ang gamit ni Jacian. Ginamit niya si Daji sa mid lane.

Si Daji ang kinakainisang hero sa HoK dahil malakas ang stun nito, kapag tinamaan ka ng stun ni Daji pwede ka pang kumuha ng meryenda dahil sa tagal.

Karamihan 'din sa mga players ay naiiyak na sa damage nito, trauma talaga kapag ito ang nakalaban nila sa mid lane lalo na kung magaling talaga ang gumagamit. Yung pakiramdam na parang nauntog ka sa pader, literal na mangangalit talaga ang ngipin mo sa inis.