Chapter 51: Single nanaman

Nang marinig nila kung sino ang magiging kalaban parehong bumagsak ang balikat ni Lucky at Blue. Makikita ang pagkadismaya sa itsura ng dalawa.

"Coach, bakit nagpa-schedule ka sa apat na teams na 'to. Major game ang nilalaro namin okay, hindi minor." Saad ni Lucky.

Sinita naman siya ni Coach Dang na siyang may hawak na folder. "Oy oy oy, huwag mong ina-underestimate ang kalaban mo porket nasa tabi mo si Just at Jacian. Kumpara sa marksman ng EXTRA kaya niyang maging solo destroyer ng tower, isa sa mga trabaho ng marksman na hindi mo pa nagagawa." Sermon ni Coach Dang at tinawagan ang coach ng Team EXTRA para simulan ang practice match.

Nagbago ang interface sa kanilang mobile phone at pumasok na silang lahat sa ban/pick, katulad nang napagkasunduan walang ban sa practice match nila ngunit ganun parin ang rules, kailangan pasabugin ang crystal para makuha ang victory.

Dahil sinabi ni Coach Dang na gamitin si Yixing, ginamit ni Jacian si Yixing na siyang kumukontrol sa battle. Kinuha nila si Liu Bang sa clash lane, Sun Bin sa support, Menki sa jungling at Hou Yi as marksman na siyang signature hero ni Lucky.

Sa line-up ng FTT, makikitang si Lucky ang kanilang core, alam ni Coach Dang na mag-rereklamo si Lucky kapag nagpa-schedule siya ng practice match sa mga mahihinang teams. Karamihan sa mga malalakas na teams ay hindi na nagpapa-schedule ng practice match sa mga average na teams pero nagpa-schedule si Coach Dang dahil gusto niyang gawing core si Lucky.

Hindi naman pwedeng si Just nalang ang laging bumubuhat dahil hindi ganun kadali sa professional arena, sobrang daming magagaling na pro players na kayang patayin si Just sa 5v5.

Kung si Just lang ang laging core madali lang sirain ang strategy nila, ang kailangan lang gawin ng kalaban patayin si Just at sakupin ang jungle ng FTT. As long as namatay si Just hindi na makakagalaw ang buong team, kapag nangyari 'yun matinding pressure ang kahaharapin ng FTT dahil sa kawalan ng advantage sa early game. Kung wala silang advantage sa early at mahina pa ang kanilang marksman, sinong aasahan nila sa late game? Hindi rin makagamit si Jacian ng assassin mage kaya mahina ang damage nito sa late game.

Kaya nag-desisyon si Coach Dang na gumawa ng schedule sa mga average Teams para gawing core si Lucky. Kailangan nila ng damage ng marksman sa late game kapag tabingi sila sa early game.

"Ikaw ang core, tandaan mo mag-play safe ka sa early game, Gem lagi mong tingnan si Lucky sa mapa at iwasan niyo munang mag-initiate ng fight sa farm lane, okay?" Ani Coach Dang habang nakatayo sa kanilang likuran.

"Mm." Sagot ni Gem.

Sa katunayan walang problema si Coach Dang sa apat na players, si Lucky lang talaga ang nakikita niyang breakthrough point. Ngunit nakakaramdam ng kampante si Coach Dang dahil malakas ang game awareness ni Jacian at pumupunta ito sa farm lane kapag nasa balag ng alanganin ang marksman at malayo si Just.

Hindi nang-aagaw ng minions si Jacian at hindi rin kumukuha ng resources sa kanilang jungle, kung gusto niya ng azure golem pupunta siya sa enemy jungle at doon kukuha, hindi niya ginagalaw 'yung mga resources na para sa kanilang jungler.

"Lucky, sabihan mo kami kung nakuha mo na ang tatlong core items mo, para makapag-initiate na tayo ng teamfight." Saad ni Jacian.

"Okay." Saad naman ni Lucky.

Makalipas ang ilang sandali nang sabihin ni Lucky na meron na siyang 3 core items at malakas na ang damage ni Hou Yi, nag-hanap si Jacian ng posisyon para makapag-initiate ng teamfight.

"Mag-iinitiate na ako ng teamfight, kaya ba? Hou Yi, makakasabay ka ba?" Tanong ni Jacian.

"Yeah, pwede ka ng mag-initiate." Sagot ni Lucky habang nasa likuran ni Gem.

Nasa 4 minutes palang ang match at kasalukuyang kinukuha ng EXTRA ang tyrant, nang makita niyang may mali sa posisyon ng clash laner sa labas ng pit, ginamit niya kaagad ang opportunity na iyon at ginamitan ng ult para i-trap ang mga enemies, sinundan ng ult ni Sun Bin, ult ni Menki at ult ni Hou Yi dahilan para ma-stunned at ma-trap ang limang enemies.

Nakuha ni Just ang tyrant dahilan para magkaroon sila ng malakas na damage at makakuha si Lucky ng triple kill gamit ang kanyang basic attack, sa isang teamfight kaagad nilang na ACED ang limang tao sa EXTRA. Hindi nagtagal ang kanilang match at tinapos nila ito sa loob ng 10 minutes.

Matapos ang practice match nila sa Team EXTRA, wala silang talo at tatlong beses naging MVP si Lucky.

Dahil naging smooth ang kanilang practice match ngayon, hindi na nag-abala si Coach Dang na i-review ito, sobrang dali nalang para sa FTT kalabanin ang ganung klase ng mga teams kaya magsasayang lang siya ng oras kung i-rereview niya pa ito. Binigyan niya lang si Lucky ng oras para mag-warm up.

Pagdating ng gabi may laban nanaman sila sa Fantastic Era, hindi parin nila binago ang kanilang strategy, nakasalalay parin sila sa marksman. Malakas naman ang jungler at mid laner ng Fantastic Era at pareho nilang sinusubukang i-gank si Lucky ngunit apat na tao ang nag-poprotekta kay Lucky at mahirap itong tibagin.

Ginamit ni Gem si Zhang Fei na tinatawag nilang 'group of shields' nand'yan si Menki na isa 'ring shield, si Liu Bang na isa ring shield at si Dr. Bian na exaggerated sa healing.

Kung susubukan nilang i-gank si Lucky, dadaan muna sila sa shield ni Zhang Fei para magalaw ang marksman, kung tutulungan ng mid laner ang jungler nand'yan si Liu Bang na nag-teteleport para protektahan si Lucky, kung babawasan nila ang HP ni Lucky nand'yan si Dr. Bian na laging nang-heheal. Sa lakas ng shield ng FTT hindi nila alam kung paano iyon masisira.

Dapat ba nilang patayin ang marksman, o patayin muna ang mga shield? Pero kung papatayin nila ang mga shield wala na silang lakas para patayin ang marksman. Sa huli ang marksman ang mag-haharvest ng mga kills.

Dahil late game core ang kanilang line-up, umabot iyon ng 12 minutes bago nila nasira ang crystal ng Fantastic Era. Pero kung sa official tournament ito, kapag gumamit sila ng late game core-system aabutin ito ng 18-20 minutes lalo na kung mga top-tier ang kalaban nila.

Nang matapos ang match, pare-pareho nilang tinanggal ang kanilang noise-cancelling headphones at inilapag iyon sa mesa.

"Nice. May improvement si Lucky, bukas gagamitin mo si Shouyue para mas malakas ang damage at mas playsafe." Saad ni Coach Dang habang kumukuha ng tubig sa water dispenser, naglakad siya palapit sa mesa habang nakatingin sa flat screen TV kung saan makikita ang replay ng kanilang match.

Lumapit naman ang kanilang lead coordinator at binigyan sila ng tig-iisang bottled water. Kinuha iyon ni Just atsaka uminom, hindi naman nakakaramdam ng uhaw si Jacian at bahagya lang sumandal sa gaming chair habang seryusong nakatingin sa flat screen TV.

"Tingnan niyo sa part na 'to, dito ko nakita na nagamit ni Lucky ng maayos ang ult ni Hou Yi." Saad ni Coach Dang habang nakaturo sa TV, iyon yung part na nag-spawn ang jungler ng Fantastic Era habang nasa teamfight sila, in short 5v4 ang laban, ginamit ni Lucky ang ult na CC at na-stunned ang jungler ng Fantastic Era dahilan para hindi ito kaagad makapag-assist. Dahil 5v4 ang laban, namatay ang apat sa Fantastic Era at jungler nalang nila ang natitira. Samantala, nag-push na ang FTT at pinasabog ang crystal.

Napatango-tango si Coach Dang. "Malakas na ang Hou Yi mo pero kung makakalaban natin ang Team GOT-G, hindi natin p'wedeng ilabas si Hou Yi. Magaling si Captain Shadow at Lessen kaya hindi makaka-survive si Hou Yi kapag sunod-sunod na attack ang gagawin ng GOT-G. Lalo na't mahilig sa assassin ang Team GOT-G. Kaya sinasabi kong gamitin mo si Shouyue." Saad ni Coach Dang habang nakatingin kay Lucky.

Hindi naman sumagot si Lucky, kanina pa ito tahimik at halos hindi nagsasalita, hindi rin ito namangha nung maka-quadrakill at maging MVP ng match na siyang nakakapagtaka.

Simula nang mag-umpisa ang match nila kaninang umaga, kanina pa ito tahimik at boses lang ni Just, Jacian at Blue ang maririnig sa headphones. Ngayong pinupuri ito ni Coach Dang hindi parin nababahiran ng tuwa ang ekspresyon nito at maliit na tango lang ang ginagawa.

Matapos ang kanilang discussion umalis na ang dalawang coach at lead coordinator sa training room at silang lima nalang ang nasa loob.

Dalawang practice match ang schedule nila ngayon at sobrang nakakapagod, nararamdam na ni Jacian ang pamamanhid ng kanyang mga daliri. Kasalukuyan pang nagdoudouqueue si Lucky at Gem gamit si Shouyue at ang support/tank na si Cai Yan.

11 p.m na at medyo nakakaramdam na si Jacian ng gutom, matapos ang match hindi na siya nag-search match at pinatay lang ang mobile phone. Pinatay narin ni Just at Blue ang kanilang phone at inilapag sa mesa ang noise-cancelling headphones nang matapos ang match.

Humikab si Blue at iniunat sa gaming chair ang kanyang katawan. "...hay... nakakapagod." Aniya at umunat bago tumayo.

Plano nilang pumunta sa kusina para kumain ngunit paalis na sila nang mapansin nilang nasa queue pa ang dalawa.

Nilinga sila ni Blue. "Hindi pa kayo tapos? Anong oras na..." Tanong ni Blue kay Lucky at Gem.

Matapos ayusin ni Jacian ang mga equipment, pumunta na siya sa kusina para malagyan ang kanyang sikmura, hindi siya mahilig kumain sa tuwing meron silang practice match dahil mas nakaka-stimulate kapag gutom, kaya pagkatapos ng practice match lagi siyang gutom.

Nasa kusina ang kanilang lead coordinator at kasalukuyang nilalapag sa mesa ang mga niluto, nang makita niyang pumasok si Jacian at Just ngumiti siya at sinabing umupo lang sila at hintayin siyang matapos. Maya-maya lang ay dumating narin si Blue at saktong natapos ilagay ng kanilang lead coordinator ang mga pagkain.

Nakangiting tiningnan ni Lacey si Jacian na kasalukuyang kumakain atsaka inilagay sa basket ang saging. "Walang sopas ngayon, pwede tayong magluto bukas ng umaga para sa almusal." Saad ng kanilang lead coordinator habang sinasalansan ang mga prutas sa basket. "Yun ay...kung gusto mo ang luto ko, hindi ako kasing galing ni Captain Just magluto." Natatawang asad ni Lacey.

Hindi naman sumagot si Jacian at bahagya lang ngumiti habang nakatingin sa pagkain, wala namang hindi masarap na pagkain sa kanya basta hindi lang siya bibigyan ng mga biscuits dahil hindi siya kumakain nun.

"Ano bang gusto mong kainin?" Tanong ni Just na tumigil sa pagnguya.

Bumagal naman ang pagnguya ni Jacian at nilinga si Just na nasa kanyang kaliwa, tumingin siya sa kanyang plato at tumingin sa kisame na animo'y nag-iisip.

"Wala naman, kahit ano lang." Aniya at iginalaw ang kanyang balikat bago ipinagpatuloy ang kinakain.

"Kumakain ka ba ng tocino? Or gusto mo ng gulay?" Tanong uli ni Just.

Kaagad namang nanginig ang balikat ni Jacian nang marinig niya ang salitang gulay, hindi talaga siya mahilig kumain ng mga gulay lalo na yung ampalaya. Mas gusto niya pa yung mga preserved foods dahil madali lang lutuin at hindi na kailangan ng mga ingredients.

Iniiling niya uli ang kanyang ulo at sinabing hindi na siya kailangang lutuan, maraming stocks sa kanilang base at meron ding noodles at canton, mga ganung pagkain naman ang kinakain niya noon at sanay siyang kumain ng ganun.

"Hindi maganda sa katawan ang preserved foods. Bukas kakain tayo ng puro gulay." Seryusong saad ni Just at halatang hindi ito nagbibiro.

Napabuntong hininga naman si Jacian sa kanyang isipan, may sarili naman siyang pera kaya kung puro gulay ang lulutuin ni Just bukas edi mag-oorder nalang siya ng pagkain sa online.

Habang kumakain sila maririnig ang boses ni Lucky na siyang papasok sa kusina, nasa likuran nito si Gem habang nakasuot ng wireless earphones.

"Marami tayong stocks kaya makakain mo lahat ng gusto mo, hindi ganun kaganda ang base natin pero base natin ang pinakamaraming pagkain sa lahat ng base, diba, Ate Lacey?....siya nga pala, pakikuha nga po yung ice cream d'yan." Umikot si Lucky at hinila ang upuan na nasa tabi ni Gem.

"Kakain ka ng ice cream? Gabing gabi na baka mapasukan ka ng lamig niyan." Saad ni Lacey, binuksan nito ang pinakababa ng fridge ay kinuha ang isang tupperware na ice cream at iniabot kay Lucky.

Ube-cheese ang flavor nun at umuusok pa dahil sa lamig. Ngumiti si Lucky at kinuha iyon, maya-maya lang napabuntong hininga. "...Single nanaman."