[Holy shit! Na-welcome ka na ng FTT! Tingnan mo ang followers mo umabot na kaagad ng million!]
Nailayo ni Jacian ang kanyang cellphone sa tenga nang pindutin niya ang voice message na isi-nend ni Chase.
Halos umecho ang sigaw ni Chase sa loob ng kanyang CR patungo sa loob ng kanyang dorm.
Nakaraan lang nag-post ang FTT official club at hindi pa siya nakaka-log in sa kanyang Melon app, hindi niya alam na marami na palang nag-follow kahit hindi naman siya madalas active.
Binuksan ni Jacian ang gripo at kumuha ng tubig para magmumog, naghilamos din siya bago nagtipa ng reply kay Chase. Suot niya parin ang damit na binigay ni Just nang lumabas siya sa kanyang dorm para pumunta sa training room, mabuti nalang at nag-presenta ang kanilang lead coordinator na siya na muna ang magpalakad-lakad kay Spree tuwing umaga.
Wala ring oras si Jacian ilabas si Spree dahil may training sila sa umaga hanggang tanghali at practice match sa hapon, pagdating naman ng gabi ay nag-papractice siya mag-isa at madaling araw na natutulog kaya madalas din siyang tanghaliin ng gising. Gusto sanang swelduhan ni Jacian ang kanilang lead coordinator ngunit sinabi ni Lacey na hindi na kailangan.
Katapusan na iyon ng February at mas lalong uminit ang panahon, nang bumaba si Jacian sa second floor nakita niyang naka-upo sa sala ang kanyang teammates kasama ang kanilang coach na si Lan.
Payat si Lan at hanggang leeg ang buhok nito na nakatali, ngunit kakaiba ang haircut nito dahilan para mahulog ang ilang hibla ng buhok sa gilid ng kanyang mukha dahil hindi nakasama sa tali. Mapungay ang mga mata nito at may suot na payat na salamin, bagay na bagay ang mukha nito sa kanyang katawan dahil matangkad siya at payat, sa isang tingin palang ay masasabing cosplayer siya ni Liang.
Kumuha muna siya ng isang basong tubig sa water dispenser bago umikot sa sofa para tumabi kay Lucky. Nang makita siya ni Lan binati siya nito ng 'good morning' na kaagad niyang tinugunan.
Inilapag niya ang disposable cup sa mesa at kumuha ng pizza. Kakagat na sana siya nang bigla siyang banggain ni Lucky sa balikat dahilan para dumaplis iyon sa nakabukas niyang bibig, hindi niya maiwasan ang hindi samahan ng tingin si Lucky.
"Palibhasa maputi ka tatabi ka na sa'kin." Himutok ni Lucky.
Narinig nila ang sinabi ni Lucky at lahat sila ay napatingin kay Jacian na animo'y sa kanya lang nakatutok ang ilaw. Sa puti niya, para ngang pinatayan ng ilaw si Lucky dahil sa kulay nitong tan.
Hindi naman nagsalita si Jacian at itinuloy lang ang kinakain.
"Sobrang puti talaga ni Jacian, ikaw lang ang kilala ko sa lugar natin na walang siko at tuhod." Dagdag naman ni Blue.
"Yeah, malamig siguro sa bahay niyo? Lagi ba kayong naka air-con? May air-con naman sa bahay pero hindi ako pumuti ng ganyan." Ani Lan at ini-angat pa ang sleeve para tingnan ang sariling braso. Maputi naman siya ngunit iba parin ang puti ni Jacian.
"Bakit nga pala ang puti mo? May lahi ka ba? Hindi pang Pinoy yang kulay mo eh parang chinito." Saad ni Lucky at hinawakan pa ang braso ni Jacian para ipagtabi ang kanilang braso ngunit sobrang layo talaga ng kulay. Parang pinatayan talaga ng ilaw si Lucky dahilan para mapasimangot siya.
Binawi naman ni Jacian ang kanyang braso. "Ang sabi kasi ng mama ko pinaglihi raw ako sa buko." Sagot niya habang kumakain.
Namangha si Lucky. "Talaga? Maputi pala kapag pinaglihi sa buko." Hindi makapaniwalang saad nito.
Hindi ito ang unang beses na may nakapansin sa kulay ni Jacian, kahit ang mga classmates at teachers niya noon ay tinatanong kung bakit ganun siya kaputi, kahit ang mga viewers niya noon nung unang livestream niya ay tanong ng tanong kung half ba siya o kung gumamit lang ba siya ng filter dahil sobrang kinis ng balat niya sa camera. Maputi siya at putla pa kaya kung titingnan para talaga siyang mahihimatay, halos magkakulay na nga ang balat niya at labi.
Namamangha si Lan habang nakatingin sa kanya. "Wow, kaya pala ang puti mo. Pinaglihi rin sa buko ang pamangkin ko pero hindi siya kasing puti mo."
Nag-angat naman ng tingin si Jacian para sagutin si Lan habang nasa tabi nito si Just na abala sa cellphone. "Humalo na kasi yung pagkaputla ko kaya naging ganito."
Natawa si Lucky dahil sa sinabi niya ngunit maya-maya lang nilinga nito si Just habang namamangha. "Oh nga pala, si Cap Tin pinaglihi yan sa eyebrows tingnan mo ang ganda ng kilay." Saad ni Lucky habang nakaturo ang mga mata kay Just.
Nang marinig iyon ni Jacian hindi niya maiwasan ang hindi tingnan ang mga kilay ni Just, kaya pala ang ganda ng kilay ng kanilang captain ay iyon pala ay dahil pinaglihi sa eyebrows. Makapal ang magkasalubong nitong kilay at makitid sa pinakadulo, ito yung kilay na hindi na kailangan kilayan ng make-up artist dahil may shape na.
Maliban sa unique na kilay ni Just ay agaw pansin din ang dalawa nitong nunal sa kaliwang pisngi. Sobrang perfect nun dahil matalim ang panga ni Just at malapad ang kanyang pisngi sa side profile dahilan para makita talaga ang dalawa niyang nunal.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Lan nang marinig ang sinabi ni Lucky at tiningnan ang katabi nitong si Just.
"Really? Ngayon ko lang nalaman 'to." Saad ni Lan na siyang naunang teammate ni Just kumpara kay Lucky.
Hindi naman siya nilinga ni Just at abala parin ito sa pag-cecellphone animo'y hindi napapansin ang mga matang nakatuon sa kanya. Nang magbawi ng tingin si Jacian napansin niya si Lan na titig na titig kay Just, hindi niya alam kung anong iniisip ni Lan ngunit kung makatingin ito ay para bang kailangan mo pang pumilantik sa harapan niya para mabalik siya sa reyalidad.
Hindi iyon napansin ng mga teammates niya dahil abala si Lucky sa pagkain habang nakasandal sa sofa, si Gem at Blue naman ay nakatagilid sa pwesto ng sofa ni Just at hindi napansin ang eksenang iyon.
Tanging sila ni Lucky lang ang makakapansin dahil sila ang nakaharap sa sofa ng dalawa. Bahagyang napa-angat ang dalawang kilay ni Jacian, hindi siya sigurado pero yung titig ni Lan sa kanilang captain ay para bang gusto nitong kunin si Just gamit ang mga tingin. Si Jacian na hindi pa 18 ay gumawa kaagad ng konklusyon sa kanyang utak, gusto ba ni Lan ang kanilang captain? Wala namang taong titingin ng ganon kalagkit kung hindi ito interesado. Naaalala niya rin nung yakapin nito si Just, hindi iyon basta former teammates lang, para silang LDR na first time nagkita kung makayakap si Lan.
Napansin iyon ni Jacian ngunit hindi siya nag-isip ng kung ano dahil former teammates nga ang dalawa ngunit ngayong nahuli niya si Lan na nakatingin ng malagkit sa kanilang captain, mukhang tama nga ang iniisip niya. Hindi siya pwedeng magkamali, may gusto si Lan sa kanilang captain.
Nabalik lang si Lan sa reyalidad nang tumunog ang cellphone ni Just at tiningnan siya nito. Hindi naman alam ni Just na kanina pa pala nakatingin si Lan sa kanya at normal niya lang itong nilinga matapos makatanggap ng message.
Napaubo si Lan bago nagbawi ng tingin.
"Napa-register na ni mama ang Team natin, nag-post ang PKL na walang magaganap na pre-season ngayong spring season at bubunot lang sila ng team para sa group stage." Saad ni Just.
Sumandal si Jacian sa sofa at inalis na ang laman ng kanyang isipan, mukhang hindi naman alam ni Just ang tungkol dun dahil hindi ito kakikitaan ng awkward nang humarap ito kay Lan. Itinuon niya nalang ang kanyang atensyon sa sinabi ni Just.
Mabilis na nag-agree si Lucky habang ngumunguya. "Mas maganda yun, nakakapagod kasi ang pre-season." Himutok nito. Kahit si Gem at Blue ay nag-agree sa bagong format ng PKL, at least lahat ng teams ay may chance na mapunta sa group A, kahit na bumagsak sila sa group D sa huling round ng regular season hindi ganun kulungkot dahil naranasan nilang makapaapak sa group A.
Ang pre-season ay parang warm-up match lang sa mga pro players, may 16 teams ang PKL at hahatiin iyon sa dalawang grupo, ang upper bracket at lower bracket. Lahat ng teams sa kanya-kanyang grupo ay maglalaban gamit ang Best-of-one or BO1 round-robin tournament. Pagkatapos ng match, ang apat na teams na may mataas na points ay mapupunta sa group A, ang sumunod na apat na teams ay mapupunta sa group B, ang sumunod na apat na teams ay mapupunta sa group C at ang apat na teams na nakakuha ng mababang points ay mapupunta sa group D. Matapos i-select lahat ng teams sa kani-kanilang grupo ay saka magsisimula ang regular season.
Ngunit ngayon, tinanggal ang pre-season at idadaan sa bunutan kung anong teams ang mapupunta sa group A, group B, group C at group D.
Sa madaling salita, ang pinakamalakas na teams katulad ng GOT-G at HUV na nakarating sa global competition ay pwedeng mapunta sa group C and D at ang mahihinang teams ay pwedeng mapunta sa group A. Kung mabubunot ang GOT-G sa group D siguradong mano-manong akyat ang gagawin nila para mapunta sa group A at lahat ng daraanan nila ay siguradong madudurog.
May tatlong round ang regular season, sa unang round maglaban-laban ang mga teams sa kani-kanilang mga grupo gamit ang BO3 round-robin tournament, pagkatapos ng unang round at lumabas ang results, ang top 2 teams ng bawat grupo ay ma-popromote at ang dalawang mababang teams sa bawat grupo naman ay malalaglag. Pagkatapos nun, susunod na ang round 2 at aakyat uli ang top 2 teams ng bawat grupo at maglalaglag nanaman ang dalawa, ganun din sa round 3 hanggang sa makapasok ng group A ang nasa group D. Pagkatapos ng round 3 ay final results na ng regular season at ang teams lang na nasa group A at B ang makakapasok para sa playoffs at ang group C at group D ay ma-i-eliminate.
Ito ang pinakamasakit na part para sa mga pro players, yung oras kung saan ma-i-eliminate na sila. Ngunit wala rin namang magagawa ang malalakas teams dahil kailangan din nilang umakyat para marating ang group B patungo sa group A. Lalo na kung mabunot sa group D or group C ang GOT-G at HUV kahit ayaw nilang madurog talagang mapipilitan sila. Walang choice, kailangan din nilang makapasok sa playoffs kung hindi ma-i-eliminate sila.
_
4:30 PM, FTT base.
Ayun sa post ng PKL magsisimula ang live ng 5 PM para sa mabunutan ng teams, para mas maraming fans ang ma-attract ini-contact ng PKL committee ang management na kailangang mag-live ang mga teams 30 minutes bago magsimula ang bunutan.
Kaya naman suot ang team uniform na black and gold naka-upo ang FTT sa kani-kanilang gaming chair habang nakatutok ang webcam sa kanila kung saan kita silang lahat. Dahil maliit si Jacian, pwersahan siyang pinaupo ni Lucky sa unahan habang nasa tabi niya ang kanilang captain, si Lucky, Gem at Blue naman ay nasa likuran. Makikita rin ang walang tigil na pag-scroll ng live chat sa nakabukas na computer, may 999k viewers na ang naroon kahit 1 minute palang ang live. Malapit si Jacian sa computer kaya kitang kita niya ang mga comments, siya rin ang may hawak ng mouse.
[BOSS!!!]
[Holy shit! Si Boss nga!]
[Fuck your daddy! Ang tagal kong hinanap si Boss akala ko natuluyan na!]
[Shit! May trash talker sa FTT. Suspek! May nakapasok na trash talker!]
[........]
[Pro player na si Boss? Weh? Di nga?]
[Tao d'yan taas, yung nakikita mo sa screen hindi yan si Boss, joke lang yan.]
[NANDITO KA NANAMAN BOSS?!]
[Dumb ass! Akala ko natuluyan ka na sa tulay. Hindi ko in-expect na kaya mong lumangoy at umahon papunta sa base ng FTT.]
[Haha, trash talkan nanaman to!]
[OH MY...MY HUSBAND GOD J. 😍😍 Nakita rin kita. Ang antagal mong hindi nag-live, kamusta ka? Nagkakasakit ka ba nitong mga nakaraang araw?]
[OMG! Ang asawa ko! GOD JJJJJJJ!]
[Captain Just, tingnan mo naman ang comment ko. 😞]
[I miss you GOD J!!]
[Gemm!!!]
[Nandito nanaman si Blue 💙]
[Lucky ang cute mo!]
Mga lolo ni Boss: [.........] Fuck! Anong nangyayari dito?! Bakit may mga nakapasok na OA?!
[God Gem! Ang gwapo mo!]
[Blue harap naman dito!]
[Lucky 🤞!!!!]
Mga lolo ni Boss: [???????]
Ngayon lang sila nakakita na nasa screen si Boss pero kakaiba ang mga comments, at napagtanto nilang FTT nga pala si Boss, live ito ng FTT at bukod sa kanilang mga lolo ni Boss ay nandito rin ang girlfriend fans at madam fans ng teammates niya. Hindi sila sanay makakita ng ganong klase ng comments sa loob ng ilang taong panonood ng stream ni Boss.