[Gagi ako yung kinakabahan sa magiging kalaban ng FTT.😳]
[Sana mabunot ang FTT sa group A para hindi na sila mahirapang umakyat.]
[Hindi pwede, mas maganda kung group B or group C para makapag-adjust pa si Boss. Ilang season ng magkakasama ang ibang teams pero si Boss bago lang sa FTT, hindi pa siya sync sa team kaya mas maganda talaga kung group C at least makakapag-warm up pa si Boss.]
[Paano naman kung group C ang FTT tapos group C din ang GOT-G?]
[.......]
[Kaya na nila 'yan😂]
[Good luck, Captain Just!]
[Alam niyo, bilang lolo ni Boss. Magaling manghula 'yang apo ko, mataas ang prediction rate niyan eh kung hindi lang yan nag pro player baka nga naging babaylan yan. Diba Boss? Hulaan mo nga kung anong group kayo?]
Jacian: "???"
Napa-angat naman ang kilay ni Lucky na siyang lumapit na sa computer para magbasa ng live chat, si Blue at Gem naman ay nanatiling nasa likuran.
Napakamot si Just sa kanyang magandang kilay atsaka nilinga si Jacian. "Anong team ang gusto mong kalabanin?" Tanong ni Just. Malumanay at sweet and boses ni Just sa puntong sa boses palang ay malalaman na kaagad na laki siya sa mayamang pamilya at lumaking maarte. Ganito yung klase ng boses na hirap banggitin ng matigas ang letrang 'R'
Sa kabilang banda naman ay sandaling nag-isip si Jacian. "Kahit ano, malakas o mahina parehas lang naman ang result."
Lucky: "...."
Mga viewers: [.........]
Bahagya namang umangat ang magkabilang gilid ng labi ni Just dahil sa sinabi niya. Maging ang mga fans na nakarinig ay bahagyang nagulat at hindi maiwasang maglapag ng comment para i-cheer si Boss.
"Ang galing mo talagang mang-trash talk no? Ang ganda ng linya na 'yan dapat itabi mo yan para sa trash talk segment." Ani Lucky habang nakatingin sa live chat.
"Bakit kailangan pang itabi?" Inosenteng tanong ni Jacian, dalawang beses namang napakurap si Lucky.
Okay Okay, isa ka nga palang Trash Talk King hindi mo na kailangang magtabi ng trash talk lines dahil puro naman trash talk ang lumalabas sa bibig mo. Got it.
Nagsimulang mag-draw ang PKL referee na dinukot nito mula sa kakaalog lang na box na gawa sa salamin kaya kitang kita ng mga players kung naalog ba talaga iyon. Sa loob ng box na salamin ay may 16 na hugis itlog na kulay pink at sa loob nun ang pangalan ng mga teams. Ang unang apat na team na mabubunot ay mapupunta sa group D at sunod sa group C, group B at group A.
Sa apat na unang teams na nabunot ay hindi nakasama ang Team FTT, hindi rin nakasama ang malalakas na teams katulad ng team GOT-G, HUV, RG, TK at EPG. Sa madaling salita may posibilidad na mapunta sa iisang group ang apat sa teams sa kanila.
Nang magsimulang mag-draw ang referee para group C unang nabunot ang Team FTT, sumunod ang Fantastic Era, EXTRA at ang pinakahuli ay Team TK.
Sa hindi malamang kadahilaan biglang pumalakpak sa tuwa si Lucky. "Yes! Hindi natin ka-grupo ang Team RG!" Sigaw nito dahilan para magulat si Jacian na nasa computer ang atensyon. Dinikitan pa siya ni Lucky na halos mapunit na ang labi sa kakangiti. "Makakalaban natin ang TK, siguradong babawi si Linus ngayon. Sabi niya sa gc nadurog mo raw siya sa rank eh."
Hindi naman nagsalita si Jacian at pinatapos lang mag-draw ang referee, nabunot ang HUV at RG sa group B kasama ang S.Comp at MANIAC, samantalang group A naman ang GOT-G at EPG kasama ang dalawang mahihinang teams na All-round PH at Pro-PH.
Nakalaban na ng FTT sa practice match ang All-round PH, Pro-PH, Fantastic Era at EXTRA ngunit wala itong laban sa kanila, sobrang dali lang nila nahuli ang apat na teams na iyon kaya nang makitang kasama nila sa group ang dalawang teams doon ay hindi man lang nakaramdam ng pressure si Lucky. Kahit si Lucky ay pwedeng pwede maging core sa group na 'to. Mukhang magagamit nila ang strategy na pinractice nila ng mahabang oras.
Tinake note ni Lan ang kanilang schedule ng ilagay na iyon ng PKL matapos ayusin ng mga referees. Matapos ibigay lahat ang kanilang schedule sa unang round ng regular season, lumipat sa babaeng host ang camera para ipaliwanag ang magiging ganap para sa opening ng season.
Ayun sa babaeng host na si Ms. Phara, magsisimula ang regular season sa March 8 at bago magsimula ang unang round maglalaban muna ang dalawang domestic championship teams para sa openings at ang mananalo ay mag-chachallenge ng isang team gamit ang B01 format.
Makalipas ang mahabang oras ay natapos narin ang live ng PKL, gabi na iyon at 8 p.m na kaya nagdesisyon silang pumunta ng kusina para kumain. Habang kumakain, abala si Lan sa cellphone nito para i-send kay Coach Dang ang schedule ng FTT para sa unang round. Mukhang nakahinga naman ng maluwag si Coach Dang nang makita ang kanilang opponent dahil alam niyang bukod sa TK ay sigurado na siyang 100% ang win rate nila sa dalawang teams na iyon.
Pangalawang araw na ng March at ilang araw nalang ay simula na ang season. Nang magising sila sa sumunod na araw, dumeritso na sila sa training room para magpractice, simula narin ang kanilang qouta na kailangan nilang mag-live ng 15 hours per month at dahil kaka-start palang ng month nagdesisyon silang simulan na kaagad ngayon para hindi sila kulangin sa oras kapag last week na ng month.
Sa kanilang lahat ay si Gem ang palaging nahuhuli dahil tamad itong mag-live, halos ilang araw nalang bago matapos ang month saka pa siya mag-o-online. Laging si Lucky ang nauunang nakakapuno ng qouta dahil gustong gusto nitong makipag-usap sa mga fans. Karamihan din ng fans ni Gem ay laging nakatambay sa live broadcast room niya dahil madalas niyang hilahin si Gem para isama sa live niya.
Sa loob ng training room, makikitang naka-live kaagad si Lucky habang nakaharap sa walang tigil na pag-scroll ng live chat. Naroon narin si Blue at Gem kasama ang substitute jungler na si White, tahimik lang ito habang naka-upo sa gaming chair, hindi pa siya naglalive at nakatingin lang sa kung saan para magpalipas ng oras.
Nagtimpla lang si Jacian ng isang basong kape at inilapag niya iyon sa mesa, halatang kagigising niya palang dahil tulala pa siya at puro paos na 'mn' lang ang sinasagot niya kapag tinatanong siya ng staff na kasalukuyang nag-aayos ng kanyang equipment.
Matapos ayusin ay binuksan na ni Jacian ang kanyang livestream account na Boss, iyong account parin ang gamit niya at hindi na ito banned ngayon at meron naring verification. Nung huling binuksan ni Jacian ang kanyang account ay meron siyang 6M followers at ngayon ay 6.01M na.
Hindi na siya nagpalit ng profile picture at stick man parin na may ilang hibla ng buhok na kulay pink at may malaking eye bags sa baba ng mga mata, may suot din itong noise-cancelling headphones at maliit na mic.
Samantala, nang makita ng mga lolo ni Boss na biglang nagkaroon ng LIVE ang account na matagal ng hindi nagpaparamdam mabilis silang pumasok sa live broadcast room.
[Nandito ka nanaman Boss?]
[Nag-online ka rin Boss.]
[Ang tagal din kitang hinintay Boss, grabe I wanna hear your voice so bad.]
[Hala, straight ka pa ba?]
[Ito ba yung nagsabi na ayaw raw maglaro ng professional pero nasa loob na ng base ng FTT?]
Bahagyang ngumiti si Jacian nang mabasa niya ang comment na 'yun. "Wala kasi akong magawa sa boarding house eh. Tsaka maraming pagkain dito guys nagsisi nga akong ngayon lang ako nag-sign in, kung noon pa ako pumasok sa FTT edi sana hindi ako ginutom noon. Kahit rookie palag na 'yan." Saad niya at ibinalik sa phone holder ang mobile phone.
[Iba ka talaga Boss. Sasabihin ko kay God J na pumasok ka lang sa FTT para sa pagkain.]
[Anong tingin sa base ng FTT canteen?]
[Wow, welcome Apo!]
[Boss's Grandfather has sent you a big wave. x5]
[Tank Build has sent you a big wave. x2]
[Pabuhat Sa Laro has sent you a big wave. x3]
[Dumb ass! Sa wakas nag-online ka na, marami akong baong trash talk para sayo kaya ayusin mo sa regular season para hindi ka makatanggap.]
[Kapag natalo ka sa unang match ng regular season, kukuha ako ng maraming RP account para i-trash talk ka.]
"Okay salamat sa motivation." Ani Jacian pagkatapos ay nagpasalamat sa mga viewers na nagsesend sa kanya ng gifts. Naaalala niya ang mga ID na 'to, ito ang mga players na nakasama niya sa match nung nakalaban nila ang Team Silence at nakuha ang victory dahil sa mga minions, sa pagkakatanda ni Jacian ay si SaNa Winstreak ang kanilang MVP nung match na 'yun na gumamit ng Luara. 91% din ang win rate nito kaya halatang gamay na gamay talaga nito si Luara at mukhang signature hero pa.
Tiningnan ni Jacian ang live chat habang naghahanap ng match. "Anong hero ba ang gagamitin ko?" Tanong ni Jacian.
[Daji!]
[Daji, Boss!]
Gulat na natawa si Jacian nang makita ang scrolling comments. "Seryuso? Daji?" Tanong niya.
[Gusto kasi namin Boss yung instakill.]
Tumango si Jacian. Nang magsimula ang ban/pick ay pinili niya si Daji para mid lane. Katulad nga ng sabi nila, si Daji ang pinakakinaiinisang hero sa HoK dahil sa lakas ng stunned nito at magaling mag-initiate. Malakas na nga ang hero idagdag pa na si Boss ang may hawak. Hindi nila alam kung bakit pero sa tuwing mag-skills combo si Boss ay instakill kaagad, hindi katulad ng ibang players na magpapalitan muna ng skills at bawasan ng HP bago may mamatay, si Boss iba. Kapag nalapitan ka ni Boss at ginamitan ng skills combo ay matik ang balik mo nun ay base na, at meron kang ilang segundong death recap.
Iyon ang dahilan kung bakit maraming pro players ang gustong makipag-1v1 sa kanya, kahit kasi pro players ay kaya niyang i-instakill. Marami ngang nagsasabi na umibang level na raw si Boss at ibang MOBA game na ang nilalaro nito, hindi na ito ang HoK na alam nilang mahina pagdating sa international server.
Gamit ni Jacian ang official account niya na FTT' Boss at dahil mataas ang points niya merong pro sa kabilang side, hindi narin naman bago iyon kay Jacian dahil kahit nung hindi pa siya pro ay puro rin pro ang nakakalaban niya. Sumandal lang siya sa gaming chair habang hinihintay na pumili ng hero ang mga kasama niya, kukunin niya sana ang kape na inilipag niya sa mesa para matanggal ang antok ngunit may kamay na humawak sa baso niya dahilan para mahawakan niya ang kamay ng taong 'yun.
Tiningnan ni Jacian ang taong yun at nakita niya si Just na nakatayo sa kanyang gilid habang may bitbit na isang basong gatas, ang isang kamay naman nito ay nakahawak sa kanyang kape kung saan hawak niya ang kamay ni Just.
Tinanggal ni Jacian ang kanyang kamay at tiningala si Just. "Kape ko 'yan, Captain." Saad niya at itinuro ang hawak nitong baso.
Hindi naman nagsalita si Just at mataman lang siya nitong tiningnan pagkatapos ay kinuha ang isang basong kape at pinalitan ng gatas.
"Huwag kang magkape." Anito habang nakatingin kay Jacian.
"Inaantok pa ako, pano mawawala ang antok ko kung hindi ako magkakape?"
"Huwag ka ng maglaro bumalik ka na sa dorm." Malumanay na saad ni Just ngunit sa pautos na tono.
Pakiramdam ni Jacian ay mas lalo lang siyang nakaramdaman ng antok dahil sa boses ni Just, dahil doon hindi niya maiwasang hindi yakapin ang bewang ni Just at sumandal doon. Nakapikit pa siya habang nakadikit ang pisngi sa tiyan ni Just.
Humigpit ang pagkakahawak ni Just sa baso ng gatas na nakalapag sa mesa, naka-live si Jacian ngayon at kitang kita sila sa webcam. Bagaman hindi naman kita ang mukha ni Just at kalahati lang ng katawan niya ang makikita sa camera, ngunit sapat na iyon para makilala siya ng mga CP fans.
Bahagyang umangat ang magkabilang gilid ng labi ni Just nang mabasa ang scrolling comments. Iniangat niya ng kanyang kamay at hinimas ang buhok ni Jacian, ganon parin ang posisyon ni Jacian at halatang komportable ito.
"Kung inaantok ka bumalik ka na sa dorm, gigisingin kita ng 10 para mag-douqueue." Saad ni Just.
Hindi parin gumalaw si Jacian dahilan para umangat ang magandang kilay ni Just.
"How about solo?" Alok niya.
Bahagyang gumalaw si Jacian, bumitaw siya kay Just at hindi makapaniwalang tiningnan ito. "Seryuso 1v1?" Pagkumpirma niya.
Hindi naman nag-alanganin si Just at nagpakawala ng mahinang 'Mn'