Chapter 79: [FTT.Boss: Bakit, anong meron sa labi ko?]

Pumasok si Jacian sa training room bitbit ang isang basong kape. 2 p.m na nang magising siya matapos abutin ng madaling araw kaka-solo practice natulog siya at paggising niya dumeritso nanaman siya sa training room. Inaantok pa siya sa puntong kapag nakakita siya ng kama makakatulog siya on the spot.

Binuksan niya ang pinto ng training room at dumeritso sa kanyang gaming chair. Walang tao sa loob ng training room ngunit nakabukas ang mobile phone ni Just, hindi niya alam kung naglalaro ba si Just o hindi dahil hindi naman nakabukas ang app ng HOK. Ngunit nakabukas ang screen.

Ibinalik na ni Jacian ang kanyang paningin sa kanyang mobile phone at nag-scroll sa friend list, naghanap siya ng p'wede niyang i-nin-vite ngunit napahinto nang may humawak sa kanyang batok. Nagtayuan ang mga balahibo ni Jacian mula sa likod paakyat sa kanyang tenga.

Nang lingain niya ito, nakita niya si Just na nakayuko habang nakatingin sa kanya. Halatang bagong ligo lang ito dahil basa pa ang kanyang buhok at naaamoy ni Jacian ang mint na sabon nito.

Nilinga ni Just ang mobile phone bago ibinalik ang tingin sa kanya. "Magpapractice ka?" Tanong ni Just.

"Mm."

"Hindi na kailangan, linggo ngayon. Magpahinga ka muna." Saad ni Just at pinatay ang nakabukas na mobile phone.

"Nasaan na pala 'yung iba?" Tanong niya. Nang bumaba siya kanina sobrang tahimik ng base at ang team coordinator lang nila na si Lacey ang nasa kusina nang mag-timpla siya ng kape. Lagi niyang naaabutan sa training room si White at Lucky para mag-stream ngunit ngayon walang tao sa training room.

"Umuwi si White at Blue, si Lucky naman nakipagkita sa girlfriend niya." Sagot ni Just.

"Si Gem?"

"Natutulog sa kwarto niya."

Tumango si Jacian. Kaya pala wala sa training room si Lucky, ngunit bahagyang kumunot ang noo niya. Ang bilis namang maghanap ni Lucky ng girlfriend, parang wala pang 3 months nung naghiwalay sila ng ex niya tapos ngayon may bago nanaman. Wala man lang 3 months rule. Medyo naaawa siya sa mga GemLuck CP fans, nabulag sila sa fan service ni Lucky.

Hindi na natuloy ang training ni Jacian nang walang sabing pinatay ni Just ang mobile phone niya at yayain siya nito sa kusina. Sumunod narin si Jacian, hindi talaga siya tatanggi kapag niyaya siya sa kusina.

Naroon si Lacey habang inaayos ang mga groceries na nakalapag sa mesa, matapos itong ayusin nagpaalam ito sa kanilang dalawa nang may tumawag sa cellphone nito.

Sabay silang kumain ni Just ng tanghalian at matapos kumain, si Jacian na ang nag-presenta na maghugas dahil si Just ang nagluto ngunit sinabi ni Just na bumalik na siya sa dorm at magpahinga. Nagpumilit pa si Jacian at nang tumanggi uli si Just hindi narin siya nagpumilit pa at nagpaalam na bumalik sa dorm. Naligo si Jacian at matapos tuyuin ang kanyang buhok pumasok siya sa kanyang kwarto at humiga sa kama.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at sumandal sa headboard, binuksan niya ang Melon at nakita niyang meron siyang 99+ notifications. 2k na ang nag-react sa post niya at may 600 comments, nakita niyang nag-react si Chase at nag-iwan pa ng comment.

[GG.Chase: Ang ganda ng labi.]

Nang mabasa ni Jacian, nagtipa siya para mag-reply.

[FTT.Boss: Bakit, anong meron sa labi ko?]

Maya-maya lang nang mag-reply si Chase.

[GG.Chase: Angas par, sarap kagatin.]

Nag-react si Jacian ng 'haha' dahil sa reply ni Chase at nag-desisyong magbasa ng mga comments, ngunit maya-maya lang nag-popped up ang message ni Chase sa SweetTalk app.

[Chase: Linaw pala ng camera niyan, dapat pala hindi ko nalang binigay sa'yo.]

[Just Call Me Boss: Dapat nga di mo nalang binigay.]

[Chase: >⁠.⁠<]

[Chase: So, kaninong cellphone 'yung ginamit mo? Hindi ganyan kalinaw 'yung binigay ko sayo, bumili ka ba ng bago?]

[Just Call Me Boss: Kay Captain.]

[Chase: Lumabas kayo? Ang aga niyan ah, diba hindi ka nagigising ng ganyan kaaaga?]

[Just Call Me Boss: None of your business.]

[Chase: So, kayo na?]

Nangunot ang noo ni Jacian. Ngunit maya-maya lang napa-angat ang isang kilay niya nang makaisip ng kabaliwan. Kung baliw si Chase mas baliw siya.

[Just Call Me Boss: Malapit na. Punta ka dito sa base para makita mo ang sitwasyon namin.]

[Chase: ....]

[Just Call Me Boss: Punta ka ah, wala ka rin namang ginagawa tapos na ang All-star event niyo. Ipapakilalala kita kay Justin.]

[Chase: Disgusting! Baka gusto mong i-screenshot ko 'to at i-send ko kay God J?]

[Just Call Me Boss: No need. Nandito siya sa tabi ko. Actually, nandito kami sa kama. Isturbo ka, bye.]

Si Chase sa base ng GG. "Holy shit!"

GG support: "..." Hinila niya ang gaming chair at umupo sa tabi ni Chase. "Captain, natalo lang naman tayo ng isang beses hindi mo naman ako kailangang murahin. Although, alam ko namang kasalanan ko kasi hindi hindi ko na-ban si Gatot---"

"Hindi ikaw. Mag-kape ka lang d'yan." Ani Chase at lumabas ng training room.

_

Sa loob ng dorm ni Jacian. Natulog siya ng 3 p.m at nang magising siya 7 p.m na iyon ng gabi at madilim na sa labas. Hindi na siya nakakaramdam ng antok dahil alas dos na siya nagising kanina at wala rin silang training kaya hindi siya napagod, ngunit pinili ni Jacian na humiga muna ng ilang minuto bago tuluyang pumasok sa bathroom para mag-toothbrush at maghilamos.

Suot ang tsinelas, lumabas siya sa dorm at sinara ang pinto gamit ang kanyang kaliwang kamay. Tahimik parin sa base at mukhang hindi pa nakakabalik ang kanilang teammates, ngunit nang lumiko si Jacian at nasa kalagitnaan ng pagbaba sa hagdan nakarinig siya ng boses na galing sa sala.

Naka-upo si Just at Gem sa sofa habang kumakain ng watermelon na nakalapag sa mesa, halatang nagkukwentuhan ito ngunit hindi iyon masyadong marinig ni Jacian hanggang sa tuluyan na siyang makababa. Nakita siya ni Just at sinenyasan siya nitong umupo nang tapikin nito ang sofa. Nang makalapit si Jacian, umupo siya sa sopang inuupuan ni Just at kumuha ng isang triangle na watermelon atsaka sumandal sa armrest.

Mahilig si Jacian sumandal sa armrest ng sofa at inunat ang kanyang mga hita, pero dahil nasa bandang gitna ng sopa nakaupo si Just, iniangat ni Jacian ang kanyang paa ngunit hindi niya iyon iniunat. Nakatupi ang kanyang tuhod at makikita ang kulay pink niyang talampakan at mga daliri sa paa. Nasa ganon siyang posisyon habang kumakain ng pulang watermelon.

Abala naman si Just sa pag-scroll sa kanyang cellphone nang makatanggap ito ng notification at makalipas ang ilang segundo nang patayin nito ang cellphone at ilapag sa mesa. Pagkatapos, kumuha ito ng isa pang hiwa.

Nagkwentuhan sila ni Gem samantalang kinuha naman ni Jacian ang kanyang cellphone at binuksan ang Melon app. Hindi pa siya tapos magbasa ng mga comments matapos siyang istubohin ni Chase kaya binuksan niya uli ang comment section. Sa katunayan, hindi naman mahilig si Jacian magbasa ng mga comments maliban nalang kung naglalive siya. Ngunit wala naman siyang gagawin at medyo nabobored siya kaya nag-scroll nalang siya sa kanyang account para pampalipas ng oras.

Pagbukas niya palang ng comment section bumungad kaagad sa kanya ang maraming trash talk.

[Dumb streamer! Sa wakas nabuhay din ang account mo. This daddy wants to see you everyday.]

[Sa tagal mag-online nitong dumb streamer na 'to nakalimutan kong may account siya sa Melon.]

[Muntik ko na ngang i-unfollow eh pero nakita ko name FTT.Boss.]

[Kapag hindi ka nag-post ng limang beses sa isang buwan ia-unfollow na kita.]

[So, tingin mo matatakot na si Boss niyan?]

[Bakit may Barbie?]

[Nakakatawa 'tong taong nasa taas.]

[Barbie si Boss tapos top-tier mage pa siya nice Barbie Top.]

[2000 years later.... nagkaroon din ng internet connection ang cellphone ni Boss. Akala ko buong season post lang ng PKL ang laman ng timeline niya eh.]

[You know, sobrang dumb ng streamer na 'to pero kahit dumb siya masipag naman magpractice 'yan.]

[Halatang masipag talaga si Boss magpractice, halos hindi nag-oonline eh.]

[Hindi naman kasi talaga active 'tong dumb streamer na 'to sa Melon kahit noong steamer pa siya.]

[Nakakapagtaka naman, first time kong makita si Boss sa labas. Parang kakatapos lang mag-jogging eh, may pawis pa sa leeg.]

[Yeah, sobrang hot.]

[Ano 'to, Barbie hot?]

[Sa dami ng pwedeng tingnan leeg pa ni Boss!]

[Ano bang mali sa leeg ng dumb streamer na 'to? Sobrang fair skin niya at kahit sino mapapansin talaga, kung hindi mo makita dukutin mo na ang mata mo.]

[Tama naman, kahit si Linus nga nag-comment oh.]

[Anong sabi niya?]

[Mag-scroll ka sa comsect.]

[You freaking..!]

[Huwag kayong papaloko sa physical appearance ng dumb streamer na 'to, cute lang 'yan pero monster yan sa battlefield.]

Hindi nagbago ang reaksyon ni Jacian matapos magbasa ng mga comment, bukod sa mga trash talk sa kanya sa comsect wala ng ibang makikitang comments ngunit nang mag-scroll pa siya nakita niya ang comment ni Linus.

[TK.Linus: Cute.]

Jacian: "?"

Pinatay niya ang kanyang cellphone. Nag-uusap parin si Just at Gem tungkol sa tournament at naputol lang iyon nang tumayo si Gem at pumunta sa kusina para kumuha uli ng isa pang watermelon. Silang dalawa nalang ang naiwan sa sofa at nakita niyang tiningnan siya ni Just nang mag-angat siya ng mukha.

"Nag-message sa akin si Chase." Biglang saad ni Just.

Bahagyang natigilan si Jacian, bumagal ang kanyang pagnguya ngunit nang maintindihan ang sinabi ni Just binigyan niya lang ito ng maliit na tango. Kumuha uli siya ng isang hiwa at sumandal sa armrest. Siguradong pumunta si Chase sa account ni Just para tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya, alam ni Chase na hindi siya nagbibiro tungkol sa ganitong klase ng bagay ngunit kahit siya sa sarili niya hindi niya rin alam kung bakit niya nasabi 'yun.

Tiningnan niya si Just at ipinaglapat ang kanyang labi. Wala namang makikitang ekspresyon sa mukha ni Just ngunit naisip ni Jacian na baka na-offend ito. Tsk, sa kanila lang dapat ni Chase 'yun eh, pero ang hinayupak na Chase si-nend ang screenshot kay Just, kahit siya sigurado makakaramdam ng inis kapag nakita 'yun.

Tumikhim si Jacian at umayos ng upo. "..'yung chat ko kay Chase, huwag mong seryusuhin." Huminto si Jacian at tiningnan si Just, nakatingin din si Just sa kanya habang hinihintay siyang magsalita. "..na-offend ka?" Wala sa sariling tanong niya.

"No." Saad ni Just bago nagbawi ng tingin.

Tumango si Jacian.

"Sobrang close ba kayo ni Chase? Nabasa ko ang comment niya sa post mo." Malamig na saad ni Just, sa lamig ng boses niya parang hindi niya na kailangan kumain ng watermelon sa summer dahil boses palang manginginig ka na.

Hindi naman sumagot si Jacian at nagpakawala lang ng mahinang 'mm'

Makalipas ang ilang sandali nang bumalik si Gem bitbit ang maraming watermelon na nahati na sa triangle. Nagkukwentuhan silang tatlo tungkol sa tournament at kung sino ang p'wede nilang makasama sa group B kung ma-popromote sila. Pagkatapos, lumipat sa match ng group A ang kanilang topic at pinakita pa ni Gem ang highlight ng bawat match. Sa group A nand'yan ang GOT-G, All-round PH, Pro-PH at EPG. Sa tatlong match ng GOT-G dalawang beses silang nakakuha ng clean wins or 2-0 sa All-round PH at Pro-PH, ngunit 2-1 naman ang score nila sa EPG.

Halatang malaki ang improvement ng EPG dahil kaya na nilang talunin ng isang game ang GOT-G. Kilala ang GOT-G sa team ng PKL na kapag Team GOT-G, 2-0 kaagad ang score, ngunit ngayon nanalo sila ng dalawa at natalo ng isa. Makikita ang comments ng mga fans sa Official Live broadcast ng PKL at chinicheer ang EPG, lalo na si Captain Kirsty na siyang mid laner ng EPG. Sa match nila si Kirsty talaga ang nambuhat at nagbigay ng effort para makuha ang isang victory sa GOT-G. Hindi man sila nanalo sa BO3 series ngunit nakuha naman nila ang respect.

Pinanood ni Jacian ang highlight sa cellphone ni Gem habang kumakain ng watermelon, 20 seconds lang iyon at matapos panoorin itinulak niya ang cellphone palapit kay Gem.