WebNovelDetoxify52.63%

Chapter 19: Different

Avery's Point of View

Narinig ko ang pagbukas ng pinto. Kasalukuyan akong umiiyak habang nakahiga sa kama nang nakatalukbong sa kumot. Ayokong makita ni Elliot na ganito ako. Ayokong makita niya kung gaano ako nasasaktan.

Tahimik ang buong kwarto, pero ramdam ko ang presensya niya. Lumubog ang kama at naramdaman ko na humiga siya sa tabi ko.

"Are you okay?" masuyong tanong niya.

'Yung boses niya... hindi katulad noong nakaraang mga linggo. Walang lamig. Walang galit. Malambing at maingat. Parang takot siyang makasakit.

"Oo," sagot ko, pero halata sa boses ko ang pilit. Hindi ko siya tiningnan. Hindi ako makaharap.

"Stop lying, Avery," bulong niya. Lumapit siya. Ramdam ko na halos magkakadikit na ang likod namin.

"Okay... so what? Kung aminin ko man na hindi ako okay, may mangyayari ba? Mapapatawad ba ako ni Tyler? Matatapos na ba lahat ng 'to?" bumigay ang boses ko. Hindi ko na kayang pigilan pa. Muli, pumatak ang mga luha ko.

Tahimik lang siya. Rinig na rinig ang bawat hikbi ko sa katahimikan ng kwarto.

"Wala akong magic, Avery," sagot niya sa wakas. "Pero may paraan ako para gumaan kahit papaano ang pakiramdam mo." dagdag niya.

"P-Paano?" mahina kong tanong.

Hindi siya sumagot. Pero naramdaman ko ang mainit at mahigpit na yakap mula sa likod. Yakap na punong-puno ng pang-unawa. At sa isang iglap, parang tumigil ang mundo ko.

'Yung sakit sa dibdib ko... hindi na ganoon kabigat. 'Yung luha ko... natuyo.

Pinikit ko ang mga mata ko. Hinayaan ko siyang manatili roon. Hindi ko alam kung ilang minuto, pero sapat lang para makalma ako. Para kahit papaano, makaramdam ako ng kaunting kapayapaan.

Pero...

Ito na ang huling pagkakataon.

Nagdesisyon na ako.

"Mag-a-apartment na lang ako," bulong ko sa sarili ko. "Para makaiwas. Para bumalik na sa dati ang lahat." pinal kong desisyon.

Kinalas ko ang yakap niya. Humarap ako sa kaniya. Pinilit kong ngumiti.

"Thank you," sabi ko, sabay kurot sa pisngi niya. Isang bagay na gusto ko nang gawin simula pa noon. Siguro ito na lang ang pagkakataon ko.

Hinawakan niya ang kamay ko. Idinikit sa pisngi niya. Ramdam ko ang init, ang kabog ng puso ko.

Do I like him?

Agad kong binawi ang kamay ko at tumalikod.

"Good night," bulong ko. At doon na ako tuluyang pumikit.

Edward's Point of View

Ako si Edward. Hindi ako kadugo nina Elliot, Tyron, at Tyler — pero it never felt like I wasn't part of their circle. Since high school, magkakasama na kami. Kami ang "apat na haligi" ng Elites, sabi nga ng iba.

Pare-pareho kasi kami: may pangalan, mayaman ang pamilya, kilala sa campus — pero mas higit sa lahat, magkakaibigan sa totoo lang.

Kaya kahit hindi ako kadugo, parang pamilya na rin ang turing nila sa akin. At ganoon din ako sa kanila.

Pero minsan, kahit gaano kayo kalapit sa isa't isa, may mga lihim pa rin kayong dinadala.

Ako?

Ako ang taong laging chill. Yung tipong walang sabit, walang issue. Pero kung alam lang nila... ilang beses na rin akong muntik sumabog.

Lalo na pagdating kay Avery.

Hindi ko man masabi nang diretso, pero matagal na akong may gusto sa kanya. Simula pa noong unang araw na nagpakita siya ng ngiti sa akin.

Pero habang tumatagal... mas lalong naging malinaw sa akin ang reyalidad.

Hindi ako ang pipiliin niya.

At tanggap ko 'yon. Kasi alam kong hindi rin siya aware. Hindi niya rin kasalanan kung bakit hindi ako ang bumuo ng mundo niya. At kung aamin pa ako ngayon, baka masira lang 'yung natitirang koneksyon naming dalawa.

So I kept it all to myself.

Ako rin ang kumuha ng candid picture niya habang natutulog sa ilalim ng puno. Gusto ko lang sana ng souvenir, pero naging viral. Campus crush agad. Hindi ko in-expect na magiging ganoon ang epekto niya. Pero sa totoo lang, kahit di ko siya kuhanan ng litrato, tao pa lang siya... magugulo talaga ang mundo.

At ngayon... parang mas magulo pa lalo.

"F*ck!" sigaw mula sa kabilang kwarto. It's Elliot.

Lumabas ako at nakita ko siyang nagkakalat sa cabinet niya. Halos hinalughog ang buong kwarto.

"Hey bro, okay ka lang? Pumasok na agad si Avery?" tanong ko pero hindi niya ako pinansin.

Nasa hagdan na sina Tyron at Tyler. Pareho ring gulat.

"Anong meron?" tanong ni Tyron.

"Wala pa akong idea pero mukhang may mali," sagot ko habang sinusundan ng tingin si Elliot na biglang lumabas ng dorm at tumatakbo paalis.

Something's wrong.

Umakyat ako. Nadaanan ko yung kwarto nina Avery at Elliot. Pagbukas ko ay wala na 'yung panda plushie ni Avery.

Pumasok ako. Walang laman ang cabinet niya.

"Sh*t. Nasaan si Avery?"

Bumaba ako. Nakita ko yung dalawa na nakatingin din kay Elliot na tumatakbo.

"Oh, anong meron?" tanong ni Tyron.

"Avery is gone. Umalis siya," sagot ko. Kitang-kita ko sa mukha nila ang gulat.

Si Tyler? Hindi makatingin. May nangyari kagabi siguro kagabi.

Elliot's Point of View

Two weeks. Dalawang linggo na mula nung umalis si Avery. Wala ni isang paramdam. Wala man lang balita. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta.

Pero umaasa pa rin ako. Alam kong hindi niya kami matitiis. Kilala ko siya. Hindi siya gano'n.

Pagpasok ko, tahimik ang mga mokong sa lamesa. Walang imikan. Wala pa rin si Avery at wala pa rin akong gana kumain.

Sumakay ako ng kotse. Pa-campus at diretso library. Pero habang naglalakad ako sa campus garden, napahinto ako. Sa isang sandali, akala ko siya 'yun.

"Avery!" sigaw ko sabay hawak sa braso niya.

"Bro?!" sabi ng lalaki. Napahiya ako.

Hindi siya.

Nakarating ako sa classroom. Tahimik. Napatingin ako sa upuan niya. Wala pa rin.

Pero ilang sandali lang, bumukas ang pinto.

It was her.

Mas maganda siya. Mas mature ang aura. Pero may kulang.

Tinignan ko siya. Nginitian ko siya. Pero walang reaksyon. Parang hindi niya ako kilala.

Nakipag-usap siya sa nerd naming kaklase.

"Buti pumasok ka na," sabi nung kaklase namin.

"Ahh, oo. Kailangan na rin," sagot niya, may pilit na ngiti.

Shet. Tumitibok ulit ang puso ko. Tumayo ako at pumunta sakaniya.

"Avery, dito ka dapat umupo," sabi ko, sabay hawak sa kamay niya. Akmang hihilahin ko siya papunta sa upuan niya sa tabi ko pero...

"No," malamig niyang sagot. Walang emosyon.

Parang binuhusan ako ng malamig na tubig.

"Ano bang problema, Avery? Ikaw na nga tong umalis nang wala man lang paalam, ikaw pa 'yung may ganang magalit ngayon?" saad ko. Pero naka-poker face lang ito. 

"Wala akong problema. Gusto ko lang ng bagong simula. Wala ka nang magagawa doon. Kaya please, Elliot... tigilan mo na." sagot niyang nagpasakit sa dibdib ko.

Hinila niya ang kamay niya palayo. Tiningnan ko siya nang mabuti. Hindi ito ang Avery na kilala ko.

"She's not the same." halos pabulong kong saad sa aking sarili.

Napatawa ako, pero walang saya.

Two weeks akong naghintay. Hindi ganito dapat ang balik niya.

But no. Hindi pa tapos 'to. Hindi ako susuko.

Itutuloy...