Tumigil ang ulan.
O baka naman hindi pa ito bumubuhos ng tuluyan. Pakiramdam ni Lance, ang bawat patak na dumadampi sa kanyang balat ay parang kutsilyong tumatama sa kanyang laman. Nakatayo siya sa overpass, hawak ang kalawanging bakal sa magkabilang kamay habang nakasilong sa gilid. Sa ilalim niya, dumaraan ang iilang sasakyan na nagmamadali sa kani-kanilang destinasyon – may uuwi sa pamilya, may pupunta sa trabaho, may mga nagmamadali para sa date o barkada. Samantalang siya… wala na siyang babalikan.
“Patay na siguro ako kung tumalon ako kanina,” bulong niya sa sarili.
Huminga siya nang malalim. Ramdam niya ang lamig ng gabing iyon na sumisingaw mula sa basang semento ng overpass. Nanginginig ang kanyang mga binti, hindi dahil sa takot kundi dahil sa gutom at pagod. Kanina pa kumakalam ang kanyang sikmura ngunit wala siyang maisip na paraan para kumain.
“Paano na…?”
Nakita niya sa tabi ang dalawang pulubi na nakasalampak sa karton. Natutulog sila, balot ng lumang kumot, walang pakialam sa malamig na hangin. Doon niya napagtanto na hindi lang siya ang itinakwil ng mundo. Marami sila. Iba-iba lang ng kwento, ngunit pare-parehong nawalan ng halaga.
Bumaba siya mula sa overpass. Bawat hakbang ay mabigat, parang may bakal na nakakabit sa kanyang mga paa. Wala siyang direksyon. Naglakad siya papunta sa di kilalang kalye, umiwas sa tingin ng mga taong naglalakad sa kanya. Sa bawat madadaanan niyang convenience store, naririnig niya ang tunog ng automatic door at malamig na aircon na umaagos palabas. Naamoy niya ang tinapay, cup noodles, at mainit na kape sa loob. Ngunit wala siyang pera, kaya nagpatuloy siya sa paglalakad.
Hindi niya alam kung anong oras na. Madilim na ang langit, may iilang bituin na pilit sumisilip sa makapal na ulap. Ang kanyang sapatos ay basa na. May butas ito sa gilid kaya pumapasok ang malamig na tubig-ulan sa kanyang medyas. Masakit na ang kanyang mga paa sa kakalakad, ngunit wala siyang pwedeng tigilan. Ayaw niyang makatulog sa kalsada. Natatakot siya. Hindi sa mga magnanakaw, kundi sa posibilidad na hindi na siya magising kinabukasan.
Sa wakas, nakakita siya ng lumang waiting shed sa gilid ng isang eskinita. Wala nang tao roon. Pumwesto siya sa pinakadulo, ipinatong ang backpack sa tabi niya, at inilapat ang kanyang ulo sa sementong dingding. Pinikit niya ang kanyang mga mata, pilit na tinitiis ang lamig.
“Sana… sana bukas paggising ko, wala na ako…”
Ngunit kahit anong dasal niya, nanatili siyang gising. Naririnig niya ang mga kuliglig sa damuhan, ang ihip ng hangin, at ang mahinang ugong ng mga motor na dumadaan. Nakadagdag pa sa bigat ng pakiramdam niya ang alaalang wala na siyang pamilya. Wala na siyang bahay. Wala na siyang pangarap. Ni hindi niya alam kung bakit siya isinilang kung sa huli, wala rin namang may gusto sa kanya.
Hindi niya namalayan na nakatulog siya. Nagising siya sa init ng sikat ng araw na dumadampi sa kanyang mukha. Napapikit siya, binilad sandali ang kanyang balat sa umaga. Masakit ang likod niya sa pagkakahiga sa sementadong bench. May mga taong dumadaan, kinukusot ang mga mata at pinagmamasdan siya. Marami sa kanila ay umiiling, iniisip na isa lamang siyang tambay o addict na natulog sa kalsada.
Tumayo siya, naramdaman ang sakit ng kanyang tuhod. Dumukot siya sa bulsa at kinuha ang lumang selpon. Patay pa rin ito. Walang battery, walang SIM. Para lang itong paperweight. Ngunit dinala niya pa rin dahil iyon na lang ang natitira sa kanya.
Naglakad siya papunta sa mas mataong kalsada. Nasa likod ng plaza siya, malapit sa lumang palengke ng Bayan ng Crestfall. Ramdam niya ang gutom. Kumakalam na ang sikmura niya, masakit na parang pinipiga. Pumwesto siya sa gilid ng kalsada at umupo. Inilapag niya ang backpack sa paanan niya at ipinatong ang kanyang ulo sa mga braso.
Walang makatingin sa kanya nang matagal. Wala ring may gustong lumapit. Ang ibang dumaraan ay pasimpleng tinitingnan siya mula ulo hanggang paa, tapos lalayo agad. Para bang natatakot mahawahan ng dumi o kahirapan.
“Hoy, okay ka lang?”
Napadilat siya.
Sa kanyang harapan, may isang babaeng nakatayo. Maliit ito, maiksi ang buhok na nakalugay hanggang balikat, maputi, at nakasuot ng simpleng puting t-shirt at faded jeans. May dala itong paper bag na halatang mabigat.
“Ah… miss?” mahinang sagot niya.
Tumingin ito sa kanya mula ulo hanggang paa. Kita sa mga mata ng babae ang pag-aalala, ngunit may halong takot din. “Hindi mo balak… alam mo na…” Tumuro ito sa overpass sa di kalayuan.
Umiling siya. “Hindi po…”
“Good,” sagot nito, halatang nakahinga ng maluwag. “Hindi ko alam kung ano ang problema mo, pero hindi yan ang solusyon.”
Hindi siya kumibo. Nakayuko lang siya, nakatitig sa semento. Narinig niyang umalis ang babae, marahang naglakad palayo. Ngunit sa kanyang dibdib, parang may kumirot. Hindi niya alam kung dahil iyon sa gutom, o dahil matagal nang walang nagtangkang mag-alala sa kanya kahit sandali lang.
Tumayo siyang muli. Ramdam niya ang panghihina ng kanyang tuhod. Nilampasan niya ang mga nagtitinda ng gulay at isda sa palengke. Naamoy niya ang sariwang isda na nililinis ng tindera, pati na ang pritong manok na niluluto sa maliit na karinderya sa kanto. Tumulo ang laway niya ngunit wala siyang magawa. Wala siyang pera. Kung susubukan niyang manghingi, baka palayasin lang siya o murahin.
Patuloy siyang naglakad. Hindi niya alam kung gaano katagal. Ang alam lang niya, wala na siyang ibang pupuntahan.
Bumalik siya sa overpass kinagabihan. Wala siyang makain buong araw, tanging tubig mula sa poso sa likod ng palengke ang kanyang ininom. Nanginginig siya sa lamig at gutom. Sumakit ang ulo niya sa kakaisip.
Umakyat siya sa pinakataas ng overpass. Hawak ang bakal sa magkabilang kamay, tumingin siya sa ilalim. Maraming sasakyan ang dumaraan. Kita niya ang ilaw ng headlights na sumasalamin sa basang kalsada. Bumubuhos na naman ang ulan, ngunit hindi niya alintana.
“Wala na… wala nang natira…”
Huminga siya nang malalim. Dahan-dahan siyang humakbang pataas sa railings. Dumulas ang sapatos niyang basa ngunit nakakapit siya sa bakal. Nakatingin siya sa madilim na kalangitan. Ang ulan ay bumabagsak sa kanyang mukha, sumasama sa mga luha niya.
“Oh Diyos, Kung nariyan… kunin mo na ako…”
Isang malakas na kulog ang umalingawngaw sa langit. Naramdaman niya ang lamig ng hangin sa kanyang mukha. Napapikit siya.
At sa sandaling iyon, isang matinis na boses ang narinig niya mula sa ibaba.
“Kuya!!!”
Napadilat siya.
Sa baba ng overpass, may isang batang babae na nakatingin sa kanya. Nakasuot ito ng yellow raincoat at nakapayong. Hindi niya makita ang mukha nito ng malinaw dahil sa ulan, ngunit naririnig niya ang sigaw nito.
“Kuya, wag!!!”
Huminto ang mundo.
Nanginginig ang kanyang katawan. Kumapit siya sa bakal. Tumulo ang luha niya kasabay ng malakas na ulan. Gusto niyang bitawan ang railings at tapusin ang lahat… ngunit narinig niya ulit ang sigaw ng bata.
“Kuya… tumigil ka…”
Hindi niya alam kung ilang segundo o minuto siyang nakapikit. Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata, bumungad sa kanya ang liwanag ng araw.
Nasa loob siya ng isang kwarto.
Simple lang ito. Mapuputlang dingding, lumang kurtina na kulay cream, at isang electric fan na maingay sa bawat ikot nito. Amoy niya ang halimuyak ng lumang sahig na gawa sa kahoy at ang malamig na simoy ng umagang iyon. Ramdam niya ang kirot ng bawat bahagi ng kanyang katawan, lalo na sa likod at balikat niya. Parang nilamukos ang laman niya sa sakit, ngunit tiniis niya ito at pilit na bumangon.
Napatingin siya sa paligid, naguguluhan.
“Bakit… buhay pa ako…?”
Ang huling naaalala niya ay ang pagbitiw niya sa bakal ng overpass, ang malamig na ulan, at ang batang sumigaw sa kanya. Dapat… wala na siya ngayon.
Naputol ang kanyang mga tanong nang isang tunog ang pumukaw sa kanyang pandinig.
Ting…
Dahan-dahan siyang lumingon.
Sa maliit na mesa sa tabi ng kama, nakalapag ang isang lumang selpon na kumikislap ang screen. Nanlaki ang kanyang mga mata. Kilala niya ang selpon na iyon – bitak-bitak na ang screen, kupas na ang likod, at matagal na iyong hindi gumagana.
“Impossible… matagal na ‘tong sira… wala nang battery ‘to…”
Nanginginig ang kanyang mga daliri habang inabot ito. Napapikit siya nang mahigpit dahil sa sakit ng kanyang katawan, ngunit pinilit niyang umusog papalapit. Pagkaabot niya sa selpon, dahan-dahan niyang binasa ang nakasulat sa screen.
Welcome, Host
[System Binding Initiating....]
[Binding Successful]
[Mission trigger.....]
Mission: Help Grandma Theresa to carry 3 crates in Pandora Marketplace
[Reward: +5 strength, +Mental Stability, +Cash (??)]
Penalty: Health Drain 10% bawat sampung minuto.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Mas lalo siyang nataranta nang maramdaman ang biglang panlalamig at panghihina ng kanyang katawan. Para bang unti-unting may humihigop sa lakas niya. Hinawakan niya ang kanyang dibdib, pilit na nilalabanan ang pag-ikot ng kanyang paningin.
“Hindi… hindi ito panaginip… ano… ano ‘to…?”
At doon niya napagtanto – ito na ang simula ng isang bagay na hindi niya maipaliwanag… at hindi na niya pwedeng takasan.